Walang makakapigil sa iyo kundi ikaw lamang.
Laluna’t ito ay bukal
sa iyong kalooban. Harangan ka man ng sibat, hanggang sa kumulog at
kumidlat, habang taimtim ang iyong pananalig at matibay ang iyong paninindigan,
walang makakahadlang sa iyo kahit sinuman!
Panatilihing nakabukas ang isipan sa
mga pagbabago, harapin ang iyong mga kinakatakutan, at iwaksi ang mga pagsupil
o pagkontrol na asal. Ituon ang pansin sa tagumpay ng iba at purihin sila,
patuloy na magsaliksik at pag-aralan ang mga makabuluhang bagay, magsikhay, at
magpunyagi. Hangga’t may tiyaga, may makakamit na nilaga. Kung hindi ka kikilos
para sa iyong kapakanan, walang magtitiyagang kumilos para sa iyo. Sila man ay
abala din sa kani-kanilang mga kapalaran.
Ang kapalaran ay hindi isang pagkakataon
o kusang nagaganap; lahat ng iyong ninanasa ay nangyayari lamang kapag
pinag-ukulan mo ito ng tahasang pagkilos, pinagtitiyagaan at pinagtitiisan
hanggang sa makamtan. Ito ay pinipili at pinagpapasiyahan. Hindi ito isang
bagay na kailangang hintayin, asahan at siyang magaganap; isa itong bagay na
kailangang mapagtagumpayan.
Kalabisan na ang banggitin pa na, “Eto ang palad ko.” At maging “Wala akong magagawa, mahirap ang aming
angkan, mahirap ang aking mga magulang, kaya natural lamang na mahirap din
ako.” “Ipinanganak na ako na “Isang kahig, isang tuka.” Kalokohan lamang ang
mangarap pa at umasa.” Kapag ganito ang uri ng mga isipan ang
nakapangyayari sa tao, ito nga ang kanilang magiging kapalaran.
Kumilos ka man at hindi, patuloy ang
pag-ikot ng gulong ng palad. Hindi ka hihintayin ng panahon. Anumang piliin mo
sa dalawang ito, kumilos at maghintay, ito ang iyong magiging kapalaran.
No comments:
Post a Comment