Thursday, July 31, 2014

Saliksikin ang Sarili

Maglaan ng panahon para makapagsarili sa isang silid at seryosong maglimi. Alamin ang takbo ng sariling buhay kung pasulong, paliko o paatras. Kung ito ay walang pag-unlad, basta makaraos, at kung hindi kikilos ay walang mapapala.
   Pag-aralan kung papaano mapapatahimik ang sarili at magawang masupil ang kritikong tinig na laging bumubulong sa iyo. Bigyan ng sapat na atensiyon ang sarili. Sisirin ang kaibuturan ng puso, magsaliksik at alamin ang nagpapahirap ng kalooban. Kahit na sa madaling panahon ng paglilimi ay nakapagbibigay ng oportunidad na matuklasan ang nilalaman ng iyong puso sa direksiyon na nagtatakda sa iyong kapalaran at maging ng iyong buhay.

   Huwag kumilos, manatiling tahimik, tamasahin ang bawa’t saglit na pag-iisa. Manalangin, magpasalamat, at mag-meditasyon. Maggunam-gunam. Palakasin ang imahinasyon. Simplehan ang mga kahilingan. Kunin ang tamang balanse, ang kapayapaan at ang kaluwalhatian. Manatiling nakakonekta sa Dakilang Maykapal. Sundin ang itinitibok ng puso sa mga misteryo ng kaisipan.

No comments:

Post a Comment