Thursday, July 31, 2014

Ang Mandirigma

Ang daigdig ay batbat ng mga alitan, mga awayan, mga labanan, mga tagisan, at mga paligsahan. Hindi maiiwasan ang samutsaring mga tunggalian na humahantong sa digmaan sa pagitan ng mga tao. Araw-araw ay maituturing na isang pakikibaka ang humalo sa lipunan ng mga tao. Kailangang gising at laging handa sa mga ulos at daluyong na ipupukol sa iyo. Mistula kang isang mandirigma na handang ipagtanggol ang iyong sarili. Katulad sa larangan ng digmaan, kung hindi ka isang mandirigma patuloy kang biktima ng mga kaganapan.
   Isa kang mandirigma kung nababatid mo ang takbo ng mundo. Marunong kang umindak at sumayaw sa lahat ng uri ng tunog at tugtog. Mababa ang loob at laging mapagparaya ngunit hindi naninikluhod at palasunod sa lahat. Hindi kailanman iniyuyuko ang ulo kahit kaninuman, at hindi din pinapayagan ang iba na yumukod sa kanya. Samantalang ang palasunod, sa kabilang dako, ay nakaluhod kaninuman na pinapaniwalaan niyang higit na makapangyarihan, at nagpapataw sa lahat ng tao na kanyang pinamamahalaan na magsiluhod din sa kanya.
   Ang mandirigma lamang ang nakakayang makapagtiis sa landas ng kawatasan. Mga kaalaman at inpormasyon na kapupulutan ng makabuluhan at nakakapag-paunlad ng pamayanan. Ito ang nakapagbibigay sa kanya ng mga inspirasyon at kagitingan na makagawa ng malaking kaibahan sa kanyang mga kababayan. Kailanman ay hindi siya nag-aatubili, sumusuko, at sinisisi o pinanghihinayangan ang mga sandali, at matatag na hinaharap ang bawa’t paghamon maging ito ay makabuluhan o walang katuturan. Ang mga paghamon o mga balakid na inihahadlang sa kanya ay simpleng mga paghamon lamang. Bagama’t hindi siya perpekto, ang bawa’t pagkilos niya ay maituturing na dakila at hindi pangkaraniwan, sapagkat ibinubuhos niya ang lahat sa abot ng kanyang makakaya, nang buong puso at kaluluwa para sa kapayapaan at kaunlaran ng lahat.


   Ang mandirigma ay isang tunay na Pilipino. 

No comments:

Post a Comment