Isang tag-araw, minsan sa may Burnham Park sa Lungsod ng Baguio, ay may nag-away na dalawang batang Igorot dahil sa magkaibang halaga ng itinitindang nilang bulaklak ng everlasting. Nagsuntukan ang dalawa hanggang sa magbuno at gumulong sa damuhan.
Mabilis silang inawat ng isang matandang lalaki na Igorot at pinangaralan sa ginawang pag-aaway. Sa kanyang pagpapaliwanag inihalintulad sila sa paglalaban ng dalawang tigre. Ang isa ay masama at pawang kabuktutan ang pag-uugali: mananakot, magagalitin, malupit, mainggitin, mapanibughuin, mayabang, mapanisi, mainisin, at mandaraya.
Samantalang ang isa naman ay mabait at pawang kabutihan ang pag-uugali: maligaya, matiwasay, mapagkumbaba, matapat, mapagbigay, may pagtitiwala, may pananalig, makatotohanan, mahinahon, at may pagmamalasakit.
Magkasabay na nagtanong ang dalawang bata, “Lolo, sino po sa dalawang tigre ang nanalo?”
Tumitig ang matandang lalaki sa dalawang bata at tumugon ng, “Kung sino ang lagi ninyong inaaruga at pinapakain sa tuwina!”
No comments:
Post a Comment