Thursday, September 15, 2011

2- Ang Pananalig ay . . .


Paggawa ng Kaibahan

“Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng  pagbabago ng inyong pag-iisip .       Mga Taga-Roma 12:2                                                                                                                                                             
   Kung sisimulan mo ang iyong gagawin sa pamamagitan ng paggaya sa mga nakikita mo, ano ang magiging pagkakaiba nito? Hindi ba isang lantarang pagsuko ito ng iyong pagkatao? Gayong may sarili ka namang kakayahan na maipakita ang iyong mga katangian?

   Lumilitaw sa ganitong pagkilos, iba ang nasusunod kaysa sa iyong sarili. Mayroon tayong dalawang kapangyarihan sa pagpili; kung anong bagay ang makakatulong sa atin at sa magagawa rin nitong pagtulong sa ating kapwa. Una, ang kakayahang pumili; Pangalawa, ang piliin kung ano ang tama.

   Maraming pagkakataon ang inihaharap sa atin sa araw-araw, upang gamitin ang kapangyarihang ito. Dangan nga lamang, kadalasan ay nag-aatubili tayo, may samut-saring mga pangamba, at hindi makapagpasiya. 

   Ang pinakamalaking pagsisisi natin ay kapag dumating tayo sa kahatulan; na sinayang natin ang mga pagkakataong ito. Marami sa atin ang may katangi-tanging talento at pambihirang mga katangian, subalit nananatili itong nakatago at hindi magamit sa mga makabuluhang gawain na makakatulong sa ating mga sarili--at maging sa ating pamayanan. Marami din ang nabiyayaan ng magandang kapalaran at nakakariwasa sa buhay, subalit palaging nakatikom ang mga palad at maramot itong ibahagi sa mga nangangailangan. At higit pa doon sa mga may namamayaning pagmamahal sa kanilang mga puso ngunit hindi magawa itong maipadama sa kanilang mga mahal sa buhay. 

   Sa bandang huli, para saan ba ang mga katangian, kakanyahan, salapi, pagmamahal, pagmamalasakit, at panahon natin kung mananatili lamang ang mga ito nang hindi natin naibabahagi sa iba? Gayong ito ang makapagdudulot ng ibayong kaligayahan para sa atin. Magkakaroon lamang tayo ng matinding pagkasiphayo at panghihinayang, paghihinagpis at panggigipuspos sa tuwina. Ito ba ang tahasan nating layunin sa paglitaw dito sa daigdig? O, ang isagawa ang ating tunay at dakilang layunin sa ating pagkakalalang; ang makagawa ng kaibahan

   Kawangis ng binhing buto, bagama’t mayaman sa mineral at kailangang pataba ang lupang pinagtamnan nito, nanatiling paralisado at naghihintay na lamang na mabulok. Huwag nating pabayaan na lumisan sa mundong ito na kasamang maglalaho ang musikang nagpupumilit na makawala sa ating dibdib. 

   Ang binhing buto na nasa ating kalooban ay maaaring, pagyamanin, payabungin, at nakatakdang ibahagi, sapagkat ito ang kanyang dakilang layunin, o maaari ding supilin, itago, at kitilin; kaalinsabay ng mga bagabag at lubusang paninimdim. Subalit nakakatiyak tayo, sa likod ng mga ito, naroon ang malaking pagkakaiba ng masusumpungang Kaligayahan o Kapighatian.

   Magpasiya, at gumawa ng kaibahan ngayon . . . Magiliw na damahin ang kaakibat nitong kaligayahan na sadyang nakaukol para sa iyo.

 Mga Simulain ng Buhay

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment