Monday, September 19, 2011

Maging Matapat sa Tuwina


Ang Mga Manggagawa sa Ubasan

Ipinahayag ang parabolang ito ni Jesus sa kanyang mga disipulo.
 
20  "Sapagkat ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na may-ari ng lupa, na maagang lumabas sa umaga upang umupa ng mga manggagawa para sa kanyang ubasan.
2   "Ngayon nang matapos siyang makipagkasundo sa mga manggagawa ng isang denario para sa isang araw ay kanyang pinapunta sila sa kanyang ubasan.
3   "At siya ay lumabas nang ikatlong oras at nakita niya ang iba na nakatayong walang ginagawa sa pamilihan,
4    "ay sinabi sa kanila, 'Pumunta rin kayo sa ubasan, at anuman ang tama ay ibibigay ko sa inyo.' Kaya pumunta sila.
5   "Muli ay lumabas siya nang ikaanim na oras at sa ikasiyam, at gayundin ang ginawa.
6   "At nang ikalabing-isa ay lumabas siya at nakakita siya ng iba na nakatayong walang ginagawa, at sinabi sa kanila, 'Bakit tumatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?'
7   Sinabi nila sa kanya, 'Sapagkat walang sinuman na umuupa sa amin.' Sinabi niya sa kanila, 'Pumunta rin kayo sa ubasan, at anuman ang tama ay inyong matatanggap.”
8   "Kaya nga nang magtatakip-silim na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, 'Tawagin ang mga manggagawa, at ibigay sa kanila ang kanilang mga upa, simulan sa nahuli hanggang sa nauna.'
9   "At nang dumating doon sa mga inupahan nang ikalabing-isang oras, bawa't isa sa kanila ay tumanggap ng isang denario.
10   "Subalit nang dumating ang mga nauna, ang akala nila’y tatanggap sila ng mas mataas; ay gayundin  ang tinanggap ng bawa’t isa na isang denario.
11   "At nang tanggapin nila ito, ay nagreklamo sila laban sa may-ari ng lupa,
12   na nagsasabi, “Ang mga nahuling tao na nagtrabaho lamang ng isang oras, ay ipinantay mo sila sa amin na nagtiis ng hirap at nakakapasong init sa maghapon.'
13   Ngunit sumagot siya sa isa sa kanila at sinabi, 'Kaibigan, wala akong ginagawang kamalian sa iyo. Hindi ba ikaw ay nakipagkasundo sa akin para sa isang denario?
 14   "Kunin mo ang ano ang sa iyo at humayo sa iyong nais. Nais kong ibigay sa huling tao ang kagaya ng sa iyo.
15   Hindi ba makatuwiran para sa akin na gawin ko ang nais ko sa mga bagay na pag-aari ko? O ikaw ay naiinggit sapagkat ako’y mabuti?'
16   "Kaya nga ang nahuli ay mauuna, at ang nauna ay mahuli. Sapagkat marami ang tinawag, ngunit iilan ang napili.”                         Mateo 20:1-16

   Kung mapag-aaralan natin ito at maisasapuso, hindi natin magagawang punahin at ikasama ng loob ang ginagawang pagtulong ng iba sa kanyang mga kaanak o kapwa man. Ito ay naaayon lamang sa kanyang karapatan at kabutihang loob. Siya ang higit na nakakaalam at may kapangyarihan sa kanyang pinagpaguran. Saan man niya itong nais na maibigay, walang magandang kadahilanan upang ito’y saklawan at pigilin.

 Mga piling katanungan (sa mga nagreklamong manggagawa) at gayundin sa mga taong namamayani ang pagkamuhi sa ganitong mga kaganapan:

   Kung ito ay nakakasama sa kanilang paningin, bakit hindi alamin ang nakakubling naghahari sa kanilang mga puso? Ito ba’y panghihinayang dahil hindi sa kanila ipagkakaloob ang biyayang ito? May inggit ba silang nadarama na nagagantimpalaan ang iba, sa halip na para sa kanila? May lihim ba silang pagkamuhi sa mga tinutulungan at nais nilang huwag makinabang ang mga ito sa pinagpaguran ng iba? O lagi silang nakakaramdam na parang sila ang nawawalan? Gayong hindi naman sa kanila, o salapi nila ang ibinibigay para dito? At sa halip na mainis sila, bakit hindi nila apuhapin sa kanilang mga puso, kung bakit madalas na pinangingibabawan sila ng pag-uugaling ito? Ano ang mga kadahilanan?

 Tayo ay nabubuhay upang gumawa ng ikabubuhay at maligtas sa mga kapighatian, karamdaman, at kapahamakan. Ang ating gantimpala o ang tinanggap na sahod ay naaayon lamang sa ating pinaghirapan o panahong ginugugol para dito. Ang ating mga suweldo ay binabawasan kapag nahuhuli tayo sa pagpasok ng maaga o kaya kung lumiliban sa trabaho. Nabibigyan tayo ng mga promosyon kung mahusay at nakakatulong tayo sa kompanyang ating pinaglilingkuran. Ngunit tinatanggal sa trabaho kung tayo naman ay nagkukulang at walang pakialam sa ikakaunlad ng kompanya.

   Lahat ay may nakalaan at katumbas na kabayaran. At lahat ng ito ay karapatan ng kumuha sa atin kung anuman ang napagkasunduan sa magiging sahod. At sa ating paglitaw dito sa daigdig, tayo man ay may kaakibat na kasunduan: ang tuparin ang ating dakilang adhikain; ang maraming layunin na mag-uugnay upang magampanan kung sino tayo. At kung hilaw, patama-tama, at walang pagpapahalaga para sa ating sarili ang ating mga ginagawa, bakit tayo nagre-reklamo at naghihinagpis sa nangyayaring kalagayan natin ngayon.

   Madalas pinararatangan natin ang tadhana na hindi makatwiran. Na ang Dakilang Maykapal ay natutulog at walang pakialam sa ating buhay. Kahit na patuloy ang ating mga pagdarasal, nananatiling wala Siyang mga kasagutan. Sa parabola ng mga mangggawa sa ubasan; inakusahan ng mga manggagawa ang may-ari ng lupa, sa hindi parehas na pasahod. Magkatulad niyang binayaran ang mga nauna at nahuli sa ginawang trabaho ng mga ito. Sa makamundong pananaw; mistulang pabaya o pagkandili ito ng katamaran, may tinitignan, at kawalan ng pagkakapantay, gayong kung ano ang iyong napaghirapan ay kailangan na may katumbas ding kabayaran.

   Nakakalimutan natin na ang Dakilang Maykapal ay may Kanyang mahiwagang kaparaanan kung papaano pinagpapala tayong magkakapantay nang naayon sa Kanyang kagustuhan. Ang Kanyang gantimpala ay alinsunod sa kadakilaan ng Kanyang pagmamahal sa atin. Wala tayong karapatan na igawad ang ating sariling mga panuntunan at gawin Siyang tulad natin at tumbasan ito ayon sa ating kagustuhan. Ang kawalan ng ating pananampalataya kung bakit ang pagiging makamkam at mapanibughuin ay nananatili kapag ang mga pagpapala ng pagpapatawad at buhay ay naibibigay sa iba ng pantay. Gayong ang ating tungkulin ay gampanan kung ano ang ipinag-uutos sa atin. 

   Kung ano ang iyong itinanim, ay siya mo ring aanihin. Kung ano ang inyong napagkasunduan ay siya mo ring mapanghahawakan. Anuman ang iyong hiniling, ito rin ang iyong makakapiling. At sa lahat ng iyong makabuluhang paggawa, may katumbas at nakatakda itong biyaya.

   Ang Dakilang Maykapal ay pag-ibig. Hindi siya natutulog. At kahit minsan, sa kanyang pagtitig sa iyo ay hindi kumukurap. Kung ito ay hindi nagaganap man; ayon sa hinaing mo, ikaw ang may sanhi nito. Sapagkat matutunghayan ito sa uri ng iyong pananalig. . . Ngayon, Bukas, at Magpakailanman.

Mga Simulain ng Buhay

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment