Kung may Paglilimi, Ang Kaguluhan ay Mapipigilan
Nakakalungkot, nakapanggigipuspos, at nakapanggagalaiti sa tuwing maririnig mo ang mga hinaing at pagkagalit ng mga tao kung tumataas ang mga bilihin at mga bayarin. Subalit wala naman silang ginagawang partisipasyon sa mga pagtutol at protesta sa walang hintong pagsasamantala ng mga kinauukulan at mga negosyanteng gahaman.
Sa buong daigdig, isa na sa pinakamahal ang VAT (Value Added Tax or Sales Tax) ng Pilipinas, 12 porsiyento ito. Tahasang pagpatay na ito sa mga mahihirap. Dito sa Lungsod ng New York, isa sa pinakamagastos na lungsod sa buong daigdig, ang sales tax nito’y 8.5 porsiyento lamang. At ngayon dahil walang gaanong tumututol dito sa atin, nag-ibayo ang kagahaman ng mga nasa pamahalaan, pati na ang mga toll ways sa mga expressways at mga produktong tungkol sa langis ay ipinatutupad na rin ang 12 porsiyentong VAT. Kailan kaya hihinto ang pagka-buwaya ng mga naghaharing-uri sa ating lipunan. At kailan kaya magigising ang ating sambayanan, at magawang sumigaw ng “Tama na! Husto na!”
Sa araw na ito, ipinagluluksa natin ang pagyao ng isa sa ating pinakamatalik na kaibigan, si Ginoong Sentido Comon ng Barangay Pagkatao, na matagal din nating nakasama ng maraming taon. Walang nakakabatid at nakakatiyak kung gaano na ang kanyang gulang, noon pa nawawala ang kanyang talaan sa kapanganakan dahilan sa bureaucratic red tape sa munisipyo. Kung magtatanong ka naman, kailangan na dagdagan mo ito ng ‘padulas’.
Madalas maa-alaala natin si Ginoong Sentido Comon sa kanyang walang pagsasawang pagpapahayag ng mga katotohanan sa ating araw-araw na pagharap sa buhay. Sino ang makakalimot sa mga katagang ito: Alamin kung kailan papasok kapag umuulan; Bakit ang maagang ibon ang nakakahuli ng bulati; Ang maglakad nang mabilis, kapag matinik ay malalim; Ang maniwala sa sabi-sabi, ay walang bait sa sarili; Ang buhay ay may kinikilingan at hindi parehas; at Maaari, may kasalanan din ako sa pangyayari . . .
Si Ginoong Sentido Comon ay namuhay ng karaniwan at napakasimple, huwaran ito sa paggamit ng kanyang pananalapi (Huwag gumastos ng higit pa sa iyong kinikita) at mga natatanging balangkas at pamamaraan (Ang matatanda, hindi ang mga bata ang namumuno). Ang pagiging masinop at mapamaraan (Iba ang nagagawa ng maagap, kaysa masipag).
Ang kanyang kalusugan ay nagsimulang lumubha nang ang makabuluhan ngunit mahigpit na regulasyon ay ipinatupad sa mga paaralan. Na kung saan ang susunod nating henerasyon o pag-asa ng bayan ay magmumula. Malungkot na iniulat ng anim na taong bata na nademanda ng sexual harassment sa paghalik sa pisngi ng kanyang kamag-aral; mga binatilyo at tinedyer na sinuspendi sa paaralan sa paggamit ng mouthwash matapos ang tanghalian; at isang gurong tinanggal sa pagtuturo dahil sa pagbabawal sa isang estudyante na huwag ulitin ang panggugulo nito sa klase, na nagkataong ang ama ay isang abogado at isa sa mga board of directors ng paaralan.
Nawalan ng kakayahan si Ginoong Sentido Comon nang ang mga magulang ay sugurin at labanan ang mga guro sa ginawang pagdisiplina ng kanilang mga anak, na kung tutuusin silang mga magulang ang dapat dumisiplina sa kanilang mga anak.
Higit pang hindi na nakakilos at tuluyang naratay si Ginoong Sentido Comon nang utusan ang mga paaralan na humingi muna ng pahintulot sa mga magulang kung gagamit ng sun lotion at magpapalunok ng tablet ng aspirin sa estudyante; subalit walang karapatang ipaalam sa mga magulang kapag ang kanilang mga anak ay nabuntis at nagnanais ng aborsiyon.
Dinamdam din ni Ginoong Sentido Comon na hindi mo magagawang ipagtanggol ang iyong sarili laban sa magnanakaw na pumasok sa iyong bahay; at ang magnanakaw ay magagawang idemanda ka sa korte kung ito’y nasaktan mo.
Napaluha na lamang si Ginoong Sentido Comon nang malaman niyang pumunta ka sa himpilan ng pulisya at ipinaalam ang pambu-bugbog sa iyong anak, ngunit ikaw pa ang pinagsabihan na mapapahamak, dahil ang babanggain mo ay isang kongresista sa Batasan.
Napanaghoy si Ginoong Sentido Comon nang makita niyang patuloy ang pagtatapon ng mga basura, mga supot at lalagyang yari sa plastik sa mga ilog, libis, sulok at gilid ng daan. Walang hintong pagtatapon ng mga dumaraang kotse at mga sasakyan ng kanilang basura sa lansangan, gayong ito ang sanhi ng pagbabara ng mga estero at matinding pagbaha tuwing umuulan.
Hinahabol na ni Ginoong Sentido Comon ang paghinga nang mabanaagan niya sa pahayagan na sa kabi-kabila at napakaraming kasong ipinataw sa mag-asawang Arroyo sa pagdarambong sa kaban ng bayan, hanggang ngayon ay pawang rigodon at pasiklaban sa pogi points ang namamayani sa Senado at Kagawaran ng Hustisya. Waring ang taginting ng salapi ay namamayani.
Kaya, sa kawalan ng interes ng bayan, yumao nang wala sa panahon si Ginoong Sentido Comon, naiwanan niya ang kanyang tumatangis na mga magulang na sina, Mang Katotohanan at Aling Pagtitiwala; ang kanyang humahagulgol na maybahay na si, Mapaglimi; ang kanyang anak na babae na si, Responsibilidad; at ang bunsong anak na lalaki na si, Katuwiran.
Kasama ring naulila sa kanya ang kanyang mga kapatid na sina, Alam Ko ang Aking Karapatan; Kailangan Ko Ngayon Din; Sinuman ay Masisisi; Ako ay Biktima; at ang kanilang bunso na si, Nagsisisi Ako.
Nakiramay naman ang kanyang mga matatalik na kaibigan na sina, Wala Akong Pakialam Diyan, Huwag Mo Akong Tanungin, Ako'y Abala Tuwina, Maghihintay Kami, at mga pinsang-buo na sina, Natutulog Si Ako, Tulog na Tulog Ako, at ang laging umiiwas na si, Nagtutulog-tulogan Ako.
Anupa’t namighati daw ang buong nayon at nangumbida ng mga pasugalan ng saklaan, tong-its, at nagpabinggo sa maraming gabi ng burol ni Ginoong Sentido Comon upang makalikom ng pondo na gagamitin sa renta ng banda ng musiko sa darating na pista ng nayon.
Walang nabalisa, uminog ang bawat saglit . . . at ang buhay ay nagpatuloy na tigib ng baka-sakali at walang hintong pag-asam . . .
Naglaho na si Ginoong Sentido Comon, at ang pumalit ay si Padaskol SigenaLang ng bansang Pilipitnas.
No comments:
Post a Comment