Hindi mo magagawang takasan ang responsibilidad bukas, sa pag-iwas na gawin ito ngayong araw na ito.
Kung atin lamang masusing pagmamasdan ang lahat ng bagay sa ating kapaligiran, may kanya-kanya itong responsibilidad sa pagkakalitaw o pagkakagawa. Higit pa kung ihahambing ang mga ito sa tao. Kahit na walang mga paa at hindi makaalis sa kanilang kinalalagyan; tulad ng mga halaman, nakakagawa ang mga ito ng mga kamangha-manghang pagtulong sa ating daigidig. At sa tao, kahit na yaong walang ginagawa sa kanilang mga buhay, at naging eksperto na sa katamaran, sila man ay may kinapupuntahan, nagiging huwaran sila na huwag pamarisan.
Mapapansin ang kaganapang ito sa mga pangkat o lupon ng mga organisasyon, samahan at pagkakaisa sa mga bayan, mga lungsod, mga lalawigan, at maging sa mga bansa. Napakasimple at lantarang makikita sa lipunan.
Ang pagkakaiba ng bawa’t isa ang pangunahing dahilan kung bakit mayroong namamagitang tagumpay at pagkabigo.
Marami ang nagpapatuloy na makiisa at panatilihin ang nakagawian na sa kanilang kapisanan upang makaiwas sa mga pagtatalo at hiwalayan ng mga kasapi.. Mayroon namang patuloy na binabago ito sa pagnanais na makagawa ng kaibahan, maging malikhain, magkaroon na malawakang palitan ng mga ideya, at inaasahan na kailangang pagbabago.
Narito ang magandang paglalarawan kung bakit bawat bagay o sitwasyon ay may kaakibat na layunin sa kanyang pagkakalitaw o pagkakalikha.
Noong unang panahon, may isang lalaki na taga-igib ng tubig, at gumagamit siya ng pamangkong kawayan na may nakabitin na mga tapayan sa magkabilang dulo. Pinapasan niya ito sa kanang balikat mula sa pinagkukunang sibol hanggang sa kanyang bahay.
Subalit sa tuwinang siya ay umiigib ng tubig; ang isang tapayan ay laging kulang ang lamang tubig dahil may bitak ito sa puwitan, samantalang ang isa namang tapayan ay buo at laging puno ng tubig. Kaya nga sa tuwing makakarating siya sa kanyang bahay, nanghihinayang siya sa natatapong tubig. Ngunit wala siyang magawa at hinayaan na lamang ito, sa katwirang gumagaan naman ang kanyang dalahin. Subalit sa paglipas ng mga araw may naisip siyang magandang ideya.
At sa nakalipas na dalawang taon, sa araw-araw nitong pag-iigib, patuloy na sumasalok ng tubig ang lalaki na isa at kalahating tapayan lamang ang kanyang nadadala sa tuwina. Isang araw, habang nagpapahinga ang lalaki, nagulat ito nang biglang marinig niyang nagtatalo ang dalawang tapayan.
Nagyayabang ang isang tapayan na lagi siyang puno ng tubig at tinutupad ang kanyang responsibilidad. Samantalang ang may bitak na tapayan ay patuloy ang paghingi ng paumanhin sa kanyang mga kakulangan na kalahati lamang palagi ang naiuuwing laman ng tubig.
“Ikinahihiya ko ang aking sarili, at nais kong humingi ng paumanhin sa iyo. Ang nagagawa ko lamang ay magdala ng kalahating lamang tubig sapagkat may bitak ako na inaagusan at nasasayang tumulo ang tubig hanggang sa bahay. At sa kapansanan kong ito, ikaw lamang ang nakakagawa ng lahat ng pagpuno sa malalaking banga.” Ang nanlulumong karaingan ng bitak na tapayan.
“Dapat naman! Sapagkat ako ang laging nahihirapan dahil puno ang aking laman at kahit na isang patak ng tubig ay aking iniingatan. Hindi tulad mo, na pawang pagtapon lamang ang alam!” Ang palalong pahayag ng mayabang na tapayan.
Sumabat sa pagtatalo ang mag-iigib na lalaki sa dalawang tapayan, “Hindi ba ninyo napansin ang naggagandahang mga bulaklak na may iba’t-ibang kulay sa ating dinaraanan na doon lamang sa may gawi ng bitak na tapayan, kung saan tumutulo ang kanyang lamang tubig? Alam kong may bitak ang tapayan na ito noon pa man, kaya nga nagtanim ako ng mga halamang mabulaklak sa gilid ng aking daraanan. At sa bawa’t araw na aking pagdaan, nadidiligan ang mga ito. Sa loob ng dalawang taon, nagawa kong laging pumitas ng magagandang bulaklak at palamutihan ang aking lamesa at altar. Kung hindi sa bitak ng tapayan ito, walang dekorasyong magaganda sa aking tahanan."
-------
Pananaw: Bawa’t isa sa atin may kanya-kanyang bitak. Mayroon din tayong mga bitak sa ating puso na hinahayaang tumulo ang pagmamahal nang walang kinapupuntahan. Kung magagawa lamang itong ituon sa mga makabuluhang gawain na makapaglilingkod at makapagpapaligaya sa kapwa, ang daigdig ay magiging mapayapa at tigib ng kaligayahan.
Ang mga bitak na ito at kapansanang mayroon tayo ay magagawang patungo sa kabutihan, ito ang lumilikha kung bakit nagiging makulay at magantimpala ang ating buhay. Kailangan lamang na tanggapin natin ang bawa’t isa kung anuman ang kapansanang mayroon tayo, at hanapin ang kabutihang maidudulot nito sa kagalingang panlahat.
Purihin ang nakapaglilingkod sa kabila ng kanyang mga kaliitan at kapansanan. Alalahaning pahalagahan ang pagkakaiba ng bawa’t tao sa iyong buhay. Bawa’t isa ay may kanya-kanyang layuning makatulong sa kapwa.
No comments:
Post a Comment