Kahangalan ang Parusahan ang Ating Sarili sa Pagkapoot
Sa tanang buhay ko, marami akong nakagalit, kinainisan, at kinapootan. Wika nga, normal at pangkaraniwan lamang ito sa mga nagiging karanasan mo sa buong buhay na ilalagi mo sa daigdig na ito. Hangga’t namumuhay ka sa lipunan at patuloy na nakikisalamuha sa iba’t-ibang uri ng tao, ang katuwiran ay laging nakasalang. Tatlo lamang palagi ang batayan dito; ang iyong katwiran, ang katwiran ng katunggali mo, at ang tunay na katwiran na laging mahirap marating at makapangyari.
Habang ang kapalaluan, pagmamalabis, at kaisipang “may karapatan” na namamagitan sa sigalot, walang kauuwian itong maganda. Bagkus, paninimula ito ng masidhing pagtatalo na kadalasan ay humahantong sa matinding pagkakagalit at higantihan sa magkabilang panig.
Subalit dumarating sa iyong panahon, na malilirip mong walang katuturan at pagsasayang lamang ito ng iyong mga magagandang pagkakataon sa buhay. Nakapipinsala ito sa iyong pananalig at pagtitiwala sa sarili. Pinaliliit nito ang iyong daigdig upang maparalitiko at mawalan ng pag-asa. Lalo na kung ang mga kasangkot ay malalapit sa iyong puso.
Ito ang aking napatunayan: Matinding dalahin sa buhay ang may kagalit.
Kung nais mong maging masaya sa isang saglit, ilapat mo ang paghihiganti. Kung nais mong maging masaya sa habang buhay, igawad mo ang pagpapatawad.
Kailanman hindi ka magiging maligaya, mapayapa, at kontento kapag patuloy mong inaaruga at inaalipin ka ng ispirito ng walang pagpapatawad.
Muli nating balikan ang nakalipas, “Mayroon ka bang sakit ng loob na dinadala o dinadanas sa ngayon? Sa tuwing naririnig mo ang mga pangalan ng taong nakagawa sa iyo ng kasalanan ay naa-alaala mo ang kanilang mga nagawang kalapastanganan sa iyo? Lagi bang pinangingibabawan ka ng pagkapoot at nais mong makapaghiganti sa kanila? Kung ang mga ito ay laging nasa puso mo, hindi ka magiging matiwasay sa buong buhay mo. Katulad ito ng mga rehas ng bakal na kumukulong sa iyo, gumagapos sa iyong mga kamay, at nagpapatigas sa iyong puso na makita pa ang liwanag. Mistula lamang itong lason na unti-unting papatay sa iyo.
Ang magpatawad sa iba ay hindi madali, at ang gawin ito nang may pagmamahal ay higit na mahirap. Subalit kung nais nating maging maligaya, mapayapa, at puno ng buhay---magpatawad tayo. Ito lamang ang tanging paraan upang malunasan ang ating kapighatian at pagnanais na makaganti.
Madalas ang pinakamahirap na magawa ay ang patawarin ang iyong sarili, ngunit ang pagpapatawad ay hindi magaganap kung hindi muna ito mangyayari mismo sa iyo.
Ang limang posibilidad at mga kaganapan kung hindi natin magagawang magpatawad
Una, ipinagpapatuloy natin ang pamimighati na ating dinaranas sa sarili at sa iba. Kapag nadarama natin na tayo ay sinaktan at nilapastangan, ginagaya at tinatapatan natin ang nagkasala sa atin. Bawa’t pagtakda na makipaglaban at mangibabaw sa kagalit ay paglalagay ng pakikipaghamok na naililipat sa mga sumusunod na henerasyon ng pamilya. Ang pagpapatawad lamang ang makakaputol sa tanikalang gumagapos dito.
Pangalawa, namumuhay tayo sa dagliang pagdaramdam o pagkagalit. Kahit na mumunting bagay ay pinag-uugatan kaagad ng mainitang pagtatalo na humahantong sa matinding pagkakagalit. Ang pagsama ng loob ay isang anyo ng nakakubling galit na sinilaban ng nagna-naknak na sugat sa damdamin. Ang negatibong kinalabasan nito’y kasama ang pagkalito at pagkasuklam. At ayon sa mga dalubhasa sa medisina, ay nakapagdudulot ng mga sakit tulad ng kanser, rayuma, pagbara ng mga ugat sa katawan, pamamanhid at paralitiko, sakit sa puso, at diyabetes.
Pangatlo, nananatili tayong nakatuon sa nakaraan. Ang mga taong hindi magagawa o ayaw nang magpatawad ay may problemang mamuhay nang matiwasay sa kasakukuyan. Ang buong panahon nila’y palaging nilalason ng matinding pagdaramdam sa nakaraang kagalitan. Ang walang pagpapatawad ay paralitikong buhay. Ang mga memorya ng nakalipas ay patuloy lamang pinahahapdi ang mga pasakit ng loob. Hinahadlang nito sa kinabukasan ang mga makabuluhang proyekto at mga bagong pakikipagrelasyon.
Pang-apat, tumatakas tayo na harapin ang pagkakamali at katotohanang nakapaloob dito. Pinipilit nating suklian ito ng makakapalit upang pansamantalang makalimot sa pamamagitan ng alkohol, droga, pagiging matakaw sa pagkain, pagbili ng mga bagay na hindi kailangan, pagtuon sa kalayawan at mga libangan. Ang mga iba naman ay ang pagiging abala sa mga gawain sa tuwina---upang makalimot. Subalit lalo lamang nagpapahapdi ito ng sugat at hindi makakalunas. Kailangang harapin ang mga bagabag na ito, dahil ito ang dumudurog sa katinuan ng pag-iisip.
Pang-lima, hinahangad natin ang makapaghiganti. Ang kalikasang makaganti ay binubulag ang sinuman na nagpapaalipin sa damdaming ito. Kahalintulad ito ng walang hintong gantihan at kapinsalaan sa magkabilang panig tulad ng rido o digmaan ng mga angkan, mga magkasalungat na mga tribo, mga pagha-harian ng mga gang, pati na sa salaulang mga partido at balimbingan sa pulitika.
Ang mahahapding karanasan na patuloy nating kinikimkim ay nagpapaalab sa atin ng poot at nagpapahintulot ng negatibong saloobin na mag-ugat sa ating pagkatao. Ito ang nagiging sanhi; at humahantong kung bakit tayo ay nawawalan ng pagtitiwala sa sinuman. Pangunahin nating tungkulin sa ating mga sarili ang maibalik ang pagtitiwalang ito, hindi lamang sa ating mga karelasyon, bagkus higit sa lahat sa ikakalugod nang sinuman na ating pinagkakatiwalaan.
Magagawa mong magpatawad kahit kanino sa lahat ng bagay; bakit nga ba hindi, subalit hindi mo magagawang payagan na mangyari muli ito kahit pinatawad mo na siya. Hindi natin kailanman matatanggap ang ginagawang kamalian ng iba, lalong higit kung patuloy ang kanilang pagkakasala. Ang magpatawad ay kalunasan sa ating pagdaramdam. Ang payagan ang kapinsalaan at pagkakasala ng iba ay patuloy na kahapdian para sa atin.
Ang sugat, gumaling man ay may maiiwanang peklat. Ngunit ang mabisang lunas, kung ang nasa mo’y makalimot . . . ay ang magpatawad.
Ang pagpapakumbaba ang susi sa pagpapatawad. Kung walang pagpapakumbaba, hindi natin matatanggap ang ating mga kamalian, at maging ang kamalian ng iba. Ang kapalaluan ang pangunahing hadlang upang magkaroon ng pagkakasundo at pagpapatawad. Nagsisimula ito sa unang hakbang, kung saan matapat nating naibubulalas ang patawarin mo ako . . .
Ang pagpapakumbaba ang susi sa pagpapatawad. Kung walang pagpapakumbaba, hindi natin matatanggap ang ating mga kamalian, at maging ang kamalian ng iba. Ang kapalaluan ang pangunahing hadlang upang magkaroon ng pagkakasundo at pagpapatawad. Nagsisimula ito sa unang hakbang, kung saan matapat nating naibubulalas ang patawarin mo ako . . .
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment