May Alinlangan Ka Ba sa Iyong Katiwasayan?
Malaking bahagi sa ating araw-araw na pagkilos ang maunawaan kung mapayapa at matiwasay ang ating kalooban, dahil nagagawa nitong palakasin ang ating pagtitiwala sa sarili. Pinasisigla nito at pinagyayaman ang simbuyo ng ating damdamin. Nagiging malikhain tayo, tumatapang, at hinaharap ang anumang paghamon sa ating kakayahan.
Magkagayunmam, sa patuloy na kaguluhan sa ating kapaligiran at mabilis na pagbabago ng teknolohiya, nangangailangan ito ng ibayong pagsubok sa ating kakayahan upang maging matatag na harapin ito. At kung ito’y hindi magagawa ay malaking kapahamakan sa ating mga sarili at pati na sa ating mga organisasyon o kompanyang pinagliligkuran.
Marami sa atin ang kadalasang naghihintay ng magandang pagkakataon. Pinababayaan ang matuling paglipas ng mga araw na hindi makagawa ng kapasiyahan. Laging pinangungunahan ng mga pangitain ng kabiguan, kapahamakan, at pagkasayang ng salapi. May malaking paghihinala at pag-aakala na walang mangyayaring positibo na makakatulong sa kanilang hinahangad. Kaya minabuti na lamang ang maghintay, magtiis, at upang huwag mabigo at mapahamak.
Tama ba at angkop ito sa ngayon, na kung saan ang takbo ng panahon ay napakabilis na. Ang nakikita at ginagamit mong kasangkapan o anumang kagamitan ngayon, sa loob lamang ng ilang linggo ay luma na at kabilang na sa mga antigo. Na ang trabahong iyong pinagkakakitaan ay wala ng may nais at iba na ang nakakahumalingan ng marami. At kung may itinitinda ka naman, ito ay laos na at wala na sa uso. Ang iyong computer na kabibili pa lamang ay luma na pala at pinaliit na ito na kayang maibulsa na. May mga balita pang higit itong paliliitin na mistulang butones sa darating na panahon.
Ngayon, sa mga kaganapang ito, hindi ba makatarungan na maging mabilis ka na rin sa paggawa ng mga kapasiyahan, lalo na kung ito nama’y para sa iyong kapakanan? Wika nga ng isang matagumpay na heneral, “Ang mainam na paraan na marahas na isinagawa ngayon, ay higit na mahusay kaysa perpektong plano na gagawin balang araw.” Isa itong pambihira at makabuluhang pangaral sa kasulukuyan sa umiiral na mabilisang mga pagbabago at patuloy na pag-iiba ng ating mga kapaligiran. Wala na tayong kakayahan o karangyaan na pagtiyagaan pa ang mahabang pagpaplano.
Madalas ko ngang ibahagi sa aking pananalita ito: Pagdating sa pagne-negosyo; maihahalintulad ito nang pagtalon sa malalim na bangin. Dati-rati bago ka tumalon, tinitignan mo munang maigi kung may babagsakan kang malalim na tubig upang hindi ka masaktan o ikamatay mo man ito. Sa panahong ito, ngayon . . . Tumalon ka na agad! At habang nasa himpapawid ka, magdasal ka . . . na sana ay magkatubig ng malalim ang iyong babagsakan. Upang ikaw ay maligtas sa kapahamakan.
Magandang biro ito, ngunit may bahid ng katotohanan. Kung ikaw ay mabagal at mahiligin sa pagpaplano, hindi na uso o magagamit mo pa ito. Dahil binibili mo palang ang mga materyales sa gagawing produkto, mayroon ng katulad ito sa merkado. Mahuhuli ka sa pansitan kung hindi ka laging maagap.
Bakit hindi,? Narito ang patunay. Mayroon isang tao na wagas at dalisay ang pagmamahal sa kanyang itinatanging dalaga, nag-aral magsulat ng magagandang katagang nakapaloob sa pagliham, pinaganda ang mga paglalarawan sa pagsulat at mga letra nito. At pinakisamahang mabuti ang kartero ng sulat na ihatid ito ng walang balakid sa araw-araw sa kanyang iniirog na dalaga. Anupa’t sa nakalipas na dalawang taon at araw-araw na tinatanggap ng pinipintuhong dalaga ang kanyang mga napakagagandang sulat ay napilitan itong sagutin ng dalaga. Na siya ay may pag-ibig din at nagpakasal sa lalaki.
Ang nakalulungkot lamang sa tagpong ito, hindi ang sumusulat sa kanya ang kanyang napusuan, kundi ang karterong sa araw-araw ay nakakausap niya.
Nais mo bang ganito ang mangyari sa iyong mga pangarap?
Aba’y gumising na!
No comments:
Post a Comment