Saturday, November 26, 2011

Ito ang Aking Sinusunod

Kailangang alisin mo ang mga paghatol at pamantayan; kung lunggati mong tamasahin ang kaligayahan na may masiglang adhikain sa buhay.

  Malaki ang aking paniniwala na lahat ng tao ay may likas na mga katangian para makamtan ang tagumpay. Dangan nga lamang patuloy na nauusyami ito ng maraming hadlang at hindi magawang pagyamanin. At marami sa atin kung hindi magigising, tuluyang ikapapahamak nila ito at maghahari ang kapighatian sa kanilang buong buhay. Hindi dapat itong mangyari, mayroon silang likas na kapangyarihan upang magtagumpay sa anumang larangan o industriya na hinahangad nila o kanilang nasimulan na. 

  Tungkol naman sa iyo, umaasa akong hindi ito ang nangyari, sa dahilang may hinahanap ka.  At ngayon ay nakatunghay at binabasa mo ang blog na ito. Bilang pagpapatunay na nais mong may malaman na makapagda-dagdag sa iyong kabatiran upang magtagumpay. Dahil hindi ka lumitaw dito sa mundo na walang dahilan at kapupuntahan.


 Sapagkat sa simula pa lamang; isa ka ng kampeon, nang ipunla ng iyong ama ang kanyang similya (sperm cell) sa iyong ina sa kanilang pagtatalik. Sa isang pagpusit; batay sa kalusugan ng lalaki ay mahigit na 180 milyon (66 million sperms/ml) hanggang 400 milyon ang mag-uunahang makarating at pasukin, upang mapisa ang itlog (egg cell) sa sinapupunan (uterus) ng babae. At isa lamang ang tatanghalin na kampeon, ang nakapisa (fertilize) ng itlog.

  Sa pag-uulit, sa napakaraming daan-daang milyong ito; tanging isa lamang ang magwawagi; ISA LAMANG . . . Ang pinakamapalad na nanalo, . . . ay IKAW.


   Subalit nang lumabas ka sa mundo, mistula kang isang blangkong papel. At habang ikaw ay lumalaki at nagkakaisip, marami ang nagsusulat sa blangkong papel na ito; ang iyong pamilya at mga kaanak, ang iyong mga kapaligiran, ang iyong pinaniniwalaang relihiyon, ang uri ng iyong paaralan, ang iyong mga naging kasamahan, ang iyong naturingang mga kaibigan, at higit sa lahat ang kinalakihan mong lipunan. Anumang kahinaan, kabuktutan, kalakasan o kagalingang mayroon ang mga ito . . . na 'isinulat' sa iyo; ito ang nagtanim at nagpayabong sa katauhang naghahari ngayon sa iyong sarili. At nakapaloob dito ang kaligayahan at kapighatiang umiiral ngayon sa iyong puso.

   At kung napunta ka man o nakarating sa kalagayan mo ngayon, ginusto mo ito ayon sa iyong mga pinakinggan, natutuhan, naranasan, at pinaniniwalaan. Hindi kailanman ito mangyayari ng wala kang partisipasyon. Ito ikaw ngayon.

 Ang tanong, nasaan ngayon ang kampeon? Ang nagsimula ng lahat? Tila nawawala sa kabubuang larawan. Huwag mabahala, narito na ang wagasmalaya.blogspot.com at tinatalakay ito upang pukawin at paigtinging muli ang pagiging likas na kampeon mo.

Ito ang binubuhay na adhikain ng AKO, tunay na Pilipino.
Ano ang kahulugan ng ADHIKAIN

Ang mga Pagkakaiba:

Naisin , (wish) nasa, gusto, ibig  –isang pahapyaw na kataga na nagnanais makamit ang isang bagay na hindi matutupad, dahil walang pagkilos. Pag-asam lamang. Nakalutang at lumilipad - walang tuldok at katiyakan. Pangarap lamang.

Hangarin (desire) –ipinapahayag, umaasam na sana ay makamit ang minimithi - naghihintay ngunit naroon ang agam-agam na mabibigo, dahil naghahangad pa lamang. Nagpupumilit, gumagawa at laging nakaamba, at manaka-nakang kumikilos. Patuloy ang daloy ng pangarap.

Layunin (intention, motive) –isang hangarin na may pagkilos, at may puwersa (inner force) na dumadaloy upang tuparin ang hinahangad. Walang tuwirang tuldok o pagtatapos. Tinutupad ang pangarap.

Lunggati (goal) –isang nakakatiyak, nasusukat, at mayroong sapat na panahong inilaan para ito matapos, na kung saan lahat ng itinakdang mga gagawin ay itinutuon lamang para dito hanggang makamtan ang nilalayon. Itinalaga at nakaatang gawin ang pangarap anumang mangyari.

Adhikain (advocacy) – isang makabuluhang proseso na naghahangad, naglalayon, at nagsususog ng masidhing simulain tungo sa tagumpay. May kasamang marami pang iba sa malawakang pagkilos hanggang magtagumpay.

   Lahat ng mga ito ay nakabatay sa uri, klase, at sistema ng pagkilos; at nagtatapos sa inaasahang kaganapan at tagumpay. 

Narito ang mga layunin para sa adhikain ng AKO, tunay na Pilipino sa pagsambit ng mga pangungusap:

124 na mga Panuntunan ng Tunay na Tagumpay

1   -AKO ay isang Kampeon!
2-   Walang imposibleng bagay sa pagpupunyaging matibay.
3-   Magagawa ko lamang ang lahat kapag tunay at makabuluhan ang aking mga lunggati.
4-    Ang kaligayahan ay isang walang hintong lagablab sa kaibuturan ng aking puso.
5-    Ang tumawa ng madalas.
6-    AKO mismo ang hinahanap ko.
7-    Walang mali; anumang tungkol sa akin.
8-    Ang pahalagahan ang kagandahan at makita ko ang kabutihan ng iba.
9-    Anumang namimighati sa akin ay hindi ako.
10-  Kapag namali ako, mabilis na tanggapin at iparamdam ito sa nasangkot.

11-  Ang matamo ang paggalang ng mga matatalinong tao at pagkagiliw ng mga bata.
12-  Mapasaakin ang anumang aking naisin.
13-  Walang namamagitan sa akin kundi ang aking iniisip.
14-  Ang ipaubaya ang papuri sa iba.
15-  Ang laging ngumiti at mamilaylay sa aking mga labi ang kaluwalhatian.
16.  Na huwag manghinayang sa natapon at nakaraan.
17.  Ang makipag-usap sa iba para sa kapakanan nito upang maintindihan ako.
18-  Ang gawin at ipagkaloob ang lahat sa abot ng aking makakaya.
19-  Ibahagi ang magagandang bagay sa mga kadaupang palad ko.
20-  Sa aking pagkilos, magni-ningning at maglalagablab ako.

21-  Ang samantalahin ang ginto sa mga ginintuang hangarin.
22-  Pahapyaw na tawagin ang pagkakamali ng iba.
23-  Iwasan ang palaging pagtitig sa salamin.
24-  Gampanan sa iba ang anuman na hindi nila makaya sa kanilang sarili.
25-  Bilangin ang aking mga pagpapala--sa halip na mga bagabag.
26-  Huwag mahumaling at manggaya ng katauhan ng iba.
27-  Alamin, gampanan, at ipaalam ang mga katotohanan.
28-  Kapag mabuti, simulan na at gawing ugali ko ito.
29-  Linisin at palinawin ang aking tunay na katauhan.
30-  Mag-ingat sa paggamit ng nakakamatay na mga pangungusap.

31-  Huwag mamuna, mamintas, humatol, at magreklamo.
32- Ang Dakilang Maykapal ay hindi naniniwala sa mga walang pananalig!
33-  Ang daigdig ko ay naghihintay sa akin.
34-  Ang palaging magtanong kaysa ang mag-utos.
35-  Ang kahulugan ng buhay ay ginagawa, hindi hinahanap.
36-  Makiugnay sa mga tamang tao na may mga makabuluhang lunggati.
37-  Ang maging abala sa tuwina.
38-  Ang maging mabuting tagapakinig, hindi ang palasagot.
39-  Anuman ang aking pinaniniwalaan ay siya kong ipamumuhay.
40-  Hayaan ang iba nang hindi mapahiya.

41-  Kung hindi ako tinatanong, wala akong karapatan na sumagot.
43-  Walang mga kaganapang nangyayari, kundi ang pagmasid dito.
44-  Ang piliin ang pinakamatayog na kaisipan!
45-  Palaging ngumiti---hangga’t hindi ko nadarama ang pag-iyak.
46-  AKO mismo ang higit na nakakaalam at makapangyayari sa sarili ko!
47- Nasa kaibuturan ng aking puso ang kaharian ng Diyos.
48-  Iwaglit ang takot na magbigay, at palitan ito ng paglilingkod.
49-  Magkapatid ang madamot at magnanakaw.
50-  Walang kakulangan, kundi ang kakapusan - sa pagnanais na tumanggap.

51-  Hintuan ang pagwawasto sa aking buhay---at simulang mabuhay!
52Huwag pagpawisan ang maliliit na bagay.
53Ang pakikibaka ay isang kagustuhan.
54-  Ang pagiging martir ay humahantong sa kasiphayuan.
55-  Ang pagkatakot ay sanhi ng kahapon.
56-  Walang mga alalahanin, bagkus mga pagkakataon ito.
57-  Nakalipas na ang kahapon . . . kung nanaisin ko ito.
58-  Lisanin at takbuhan ang mga taong nakalalason at mga pasanin sa buhay.
59-  Ang aking mga hinaing at mga bagabag ang humahadlang sa akin.
60-  Ang pagpapatawad ay binibigyan ako ng mga pakpak.

61-  Italaga na mabuhay na maligaya anuman ang mangyari.
62-  Ang pangatawanan at idrama ang aking mga ideya.
63-  Ang pagbabago ay magaganap---kapag pinaniwalaan ko ito.
64-  Anumang pinipilit kong supilin, ay aking winawasak.
65-  Ang pagtitiwala lamang ang makapagbabago sa lahat ng bagay.
66-  Ang nakaraang mga pagtatanggol ay mga balakid sa aking pagtatagumpay.
67-  Kapag sinimulan kong humakbang, ang tulay ay kusang lilitaw.
68-  Ano pa ba ang aking hinihintay?
69-  Walang maligayang tao na sakdal o laging perpekto.
70-  Nakakapinsala ang may matigas na katwiran.

71-  Ang tunay na pagpapakilala ay ang katagang “Oo,” at "Opo."
72-  Italaga na maging maligaya na ngayon!
73-  Ipakita ang paggalang sa opinyon ng iba. Kailanma'y huwag bigkasin ang "Ikaw ay mali!"
74-  Ipataw sa iba ang marangal na reputasyon at magawang maipamuhay niya ito.
75-  Ibahagi ang magagandang bagay sa mga kadaupang palad ko.
76-  Samantalahin ang ginto sa mga ginintuang hangarin.
77-  Isaayos ang paggamit ng aking panahon tungo sa kaunlaran at kaligayahan.
78-  Isagawa sa iba; anuman na hindi nila makaya sa kanilang sarili.
79-  Huwag subukang gumanti at makipagtagisan sa aking mga kaaway.
80-  Hanapin ang susi tungo sa puso ng kausap.

81-  Kailanman ay hindi ako naipit o nabigo, kundi natakot lamang.
82-  Mag-isip ng bahagya, subalit mabuhay ng higit at puno ng kasiglahan.
83-  Ang aking mga bagabag ay hadlang sa pagiging malikhain ko.
84-  Ang pagkasuklam ay laging ikinukubli ang aking mga regalo.
85-  Ang mga pangangatwiran ay mahapding pagkurot sa dating mga sugat.
86-  Kung may hilahil ako, isang paanyaya ito na kailangan kong magbago.
87-  Kapag lubusan akong napagod, ang kahulugan nito’y mag-iba ako ng paraan.
88-  Sakaliman na may sakit o dinaramdam ako, pagmamahal ang lunas nito.
89-  Kung ako ay buhay, kailangan ko ng tulong ng iba.
90-  Hangga’t itinatago ko ang aking pananalig, naiwawaglit ko ang aking sarili.

91-  Ang pag-ibig ang tunay na kapangyarihan.
92-  Ang pagtawa ay isang takbo ng aking pag-iisip.
93-  Ang hayaan ang kausap ko; ang siyang laging magsalita.
94-  Manatiling nakabukas ang aking kaisipan sa mga milagrong ipinapadala sa akin.
95-  Ang iwasan na bigkasin ang “Oo, ngunit,” "sana,"at “Akala ko.”
96-  Ang aking kaligayahan ay isang regalo.
97- Ang Maging Palakaibigan.
98-  Simulan na kaibiganin ang aking sarili.
99-  Ipaalam sa mga tao na kailangan ko sila.
100-Ang lumikha ng alaala at pasyalan ito sa tuwina.

101-Purihin ang mga tao sa harapan ng mga kasamahan.
102-Bigyan ang iba ng reputasyong mapanghahawakan.
103-Bigkasin ang tamang salita sa tamang sandali.
104-Pasiglahin ang mabuting hangarin ng iba.
105-Ipaubaya ang papuri sa iba.
106-Punuin ang aking kaisipan ng ispirito ng kapayapaan, kagitingan, kalusugan, at pag-asa.
107-Ang ibahagi ang magagandang bagay sa tanging kadaupang palad ko.
108-Ang tandaan na laging tawagin ang sinuman sa kanyang pangalan o katungkulan nito.
109-Maging eksperto sa larangang pinasok ko.
110-Makagawa ng mabuting bagay sa bawat araw.

111-Isagawa sa iba anuman na hindi nila makaya sa kanilang sarili.
112-Makinig mula sa kaibuturan ng aking puso.
113-Asahan ang kawalan ng utang na loob ng iba.
114-Magbigay ng walang liting na nakatali.
115-Alamin ang mga pangalan ng iyong kapitbahay at mga nakakaharap.
116-Ipaunawa ang angking kalakasan ng mga tao.
117-Sumulat ng mga liham ng pagtataguyod.
118-Tulungan ang mga tao na manalo.
119-Ang maging huwaran ako kaysa mangaral.
120-Kapag ako’y tagumpay; nakaganti na rin ako sa mga taga-usig at kaaway ko.

121-Na may mairog na pangsang-ayon at masiglang pagpuri.
122-Ang magkaloob na buong pagtitiwala, katapatan, at pagpapahalaga sa iba.
123-Magawa kong maligaya ang isang tao na gawin ang bagay na pakiusap ko.
124- Ang malaman na ang isang buhay ay nakahinga ng maluwag sapagkat nabuhay ako.

   Mayroon kang kamangha-manghang kapangyarihan na nasa iyo na makapagdudulot ng lahat at anumang iyong kailangan.Tuklasin at pagyamanin ang nakatagong mga  katangiang ito ng pagiging kampeon mo. Manatiling gising at may panahon na ginagamit ang pinagmumulan ng iyong mga ideya at pananaw upang makamit ang iyong mga lunggati sa buhay.
 Mabuhay ng may inspirasyon magmula ngayon!


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment