Sunday, November 27, 2011

Isang Bukas na Liham Para sa Iyo

Makinig Ka sa Akin

  
Mabilisang epektibo, mangyari lamang na maunawaan na may mga pagbabago na kailangan MONG maisagawa sa IYONG buhay. Ang mga pagbabagong ito ay kailangang makumpleto upang magawa Kong tuparin ang Aking mga pangako na ipagkaloob sa iyo ang kapayapaan, kasiyahan, at lubos na kaligayahan sa buhay na ito. Humihingi Ako ng paumanhin sa pagkakabalam, matapos ang lahat na Aking ginagawa, lumilitaw na ito’y isang munting kahilingan sa iyo. Alam Ko, naibigay ko na ang 10 Mga Kautusan. Pangalagaan ang mga ito.


 Datapwat sundin ang mga panuntunan na ito, din:

1-IWASAN ANG PAG-AALALA
        Pinatawan ka ng unos ng buhay at ang lahat ng ginawa mo ay umupo at mag-alala. Nakalimutan mo na ba, na Ako ay narito upang kunin ang lahat ng iyong kasiphayuan; at pasanin ang mga ito para sa iyo? O, nais mong tamasahin ang panggigi-puspos, maging sa bawat maliliit na bagay na dumarating?


2- ISAMA ITO SA LISTAHAN
       Kailangang may magawa o mapangalagaang bagay. Isama ito sa listahan. Huwag, hindi sa LISTAHAN mo. Isama ito sa Aking listahan-ng-gagawin. Hayaang Ako lamang ang magsaayos ng problema. Hindi Ako makakatulong hangga’t hindi mo ipinapasa sa Akin. At kahit na ang Aking listahan-ng-gagawin ay mahaba, Ako nama’y . . . Diyos. Magagawa Kong maisaayos ang anumang bagay na ipinasa mo sa Aking mga kamay. Sa katibayan, kung ang katotohanan ay sadyang nabatid na, maisasaayos Ko ang maraming bagay para sa iyo na kailanman ay hindi mo mauunawaan.



3-MAGTIWALA SA AKIN
      Kapag naibigay mo na ang iyong mga kasiphayuan sa Akin, hintuan mo nang kunin pabalik muli ang mga ito. Pagkatiwalaan Ako. Magkaroon ka ng pananalig na maisasaayos Ko ang lahat ng iyong mga pangangailangan. Ang IYONG mga problema at ang iyong mga pagsubok.  Mga problema sa mga bata? Isama sila sa Aking listahan. Mga problema sa pinansiyal, mga pananalapi? Isama sa Aking listahan. Mga problema sa iyong pabago-bagong emosyon? Sa ganang Akin, isama sa Aking listahan. Ibig Kong matulungan ka. Ang kailangan lamang na gawin ay hilingin ito.



 4-PABAYAAN ITONG KUSA
      Huwag gumising isang umaga at bumigkas ng, “O ngayon, nakakaramdam na ako ng kalakasan, sa palagay ko’y makakaya ko na.” Ano sa iyong akala at naging malakas ka na ngayon? Napakasimple nito. Ipinasa mo sa Akin ang iyong mga kasiphayuan at isinasaayos Ko ang mga ito. At muli Kong pinatibay ang iyong lakas at nilukuban Kita ng Aking kapayapaan. Hindi mo ba alam na kung ibabalik Kong muli sa iyo ang mga problemang ito, makakabalik ka pa ba kung saan ka nagsimula? Iwanan mo ang mga ito sa Akin at kalimutan na ang tungkol dito. Pabayaan mong gawin Ko ang Aking trabaho.





5-KAUSAPIN MO AKO
       Ibig Kong kalimutan mo ang maraming bagay. Kalimutan ang anumang nagpapabaliw sa iyo. Kalimutan ang mga bagabag at ang panggigi-puspos sapagkat alam mong Ako ang nangingibabaw sa lahat. Subalit mayroong isang bagay na dinadasal Ko na kailanman ay huwag mong makalimutan. Marapat  lamang, huwag kalimutan na kausapin Ako-sa TUWINA!   . . . Mahal kita!   Ibig Kong marinig ang iyong tinig. Ibig Kong isama mo Ako sa mga bagay na nagaganap sa iyong buhay. Ibig Kong marinig na magsalita ka tungkol sa iyong mga kaibigan at pamilya. Ang pagdarasal ay napakasimpleng pakikipag-usap sa Akin. Ibig Kong maging pinakamalapit mong kaibigan.




6-MAGKAROON NG PANANALIG
       Nakikita Ko ang maraming bagay mula dito sa itaas na hindi mo makikita diyan sa kinalalagyan mo. Magkaroon ng pananalig sa Akin na alam Ko ang aking ginagawa. Magtiwala sa Akin; hindi mo maiibigan ang tanawin mula sa Aking mga mata. Patuloy Kong pangangalagaan ka, susubaybayan kita, at ipagkakaloob ang lahat ng iyong mga pangangailangan. Ang kailangan lamang ay pagkatiwalaan mo Ako. Kahit na napakalaki ng Aking katungkulan kaysa iyo, lumilitaw na higit kang maproblema sa paggawa ng iyong karaniwang tungkulin. Gaano ba kahirap ang magtiwala?





7-MAGBIGAY
       Tinuruan kang magpamigay nang ikaw ay dalawang taon gulang pa lamang. Kailan mo ito nalimutan? Ang kautusan ay umiiral pa rin. Magbigay doon sa mga hindi mapapalad at nangangailangan kaysa iyo. Isalo mo sa iyong kaligayahan yaong mga nangangailangan ng kasiglahan at tibay ng loob. Isalo mo ang iyong mga patawanan doon sa hindi na nakakarinig nito sa matagal ng panahon. Ibahagi mo ang iyong mga luha doon sa mga nakalimot nang umiyak. Ibahagi mo ang iyong pananalig doon sa mga hindi nakakaunawa at nakalimot na.





8-MAGING MAPAG-PASENSIYA
       Nagawa Kong isaayos ito upang sa buong buhay mo ay magkakaroon ka ng marami at iba’t-ibang mga karanasan. Lumaki ka mula sa pagiging bata, nang pagiging matanda, sa pagkakaroon ng mga anak, pagpapalit ng mga trabaho ng maraming ulit, na matuto ng maraming kakayahan at mga gawain, ang makapaglakbay sa maraming pook, ang makaniig ang maraming tao, at makaranas ng higit pa. Papaano na at hindi ka makapag-pasensiya kapag medyo nagtatagal Ako gaya ng inaasahan mo na matupad ang anuman sa Aking listahan-ng-gagawin? Magtiwala sa Aking pagtatalaga ng panahon, dahil ang Aking panahon ay perpekto. Hindi bagkus na nilikha ko ang buong sansinukob sa loob ng anim na araw, ang bawa’t isa ay iniisip na kailangan Kong laging mabilis, mabilis, at ibayong mabilis pa!



9-MAGING MABAIT
       Maging mabait at maunawain sa iba, dahil minamahal ko sila tulad ng labis Kong pagmamahal sa iyo. Hindi man sila nakapagbibihis na kawangis ng sa iyo, o nagsasalita na kaparis mo, o namumuhay na katulad ng paninirahan na ginagawa mo, ganoon pa man minamahal Ko kayong lahat. Marapat lamang na magkaisa kayo at magsama-sama, para sa Akin. Nilikha Ko ang bawa’t isa sa inyo na magkakaiba sa maraming bagay. Walang kasiyahan at nakakasawa kung lahat ay magkakatulad. Mangyari lamang na malaman mo na minamahal Ko ang bawa’t isa ninyong mga kaibahan.

 
10-MAHALIN ANG IYONG SARILI
       Higit Kitang minamahal, bakit hindi mo magawang mahalin ang iyong sarili? Ikaw ay nilikha Ko sa isang kadahilanan lamang -->ang mahalin ka, at magmahal din ng iba. Ako ay Diyos ng pag-ibig. Mahalin Ako. Mahalin ang iyong mga kapitbahay. Subalit mahalin din ang iyong sarili. Nagdurugo ang Aking puso kapag nakikita Kong inaaway mo ang iyong sarili kapag ang mga bagay ay namamali. Napakahalaga mo sa Akin. Huwag mo kailanman itong kalilimutan! , Minamahal KITA !


Lubos na nagmamahal,

DIYOS



*Mga larawan ni Hesukristo na hinango mula sa Divine Revelations/spiritlessons.com 

 -----------------
Kung naibigan po ninyo ito at nais maibahagi sa mga kaanak, kaibigan, at mga kababayan; may kalayaan po kayong kopyahin at ipadala sa  (Email, facebook, twitter, etc.). At doon sa mga may nais ng patuloy na nakakatanggap ng mga pahayag dito, mangyari lamang na pakilista ang inyong email address sa gawing kanan sa itaas, upang kayo ay mapadalhan at makaugnay dito sa tuwina.

Salamat po,
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment