Monday, November 28, 2011

Matagumpay Ka ba?


   Mayroon akong nabasa noon, tungkol sa tatlong magkakapatid na babae na lumaking magkakasama. Sa kanilang kahirapan; matapos ang kanilang pag-aaral sa mataas na paaralan, ay isa lamang ang nakatuntong sa kolehiyo at nakatapos ng pag-aaral. Ang isa ay maagang nag-asawa at naging karaniwang maybahay, ang isa naman ay naging isang maunlad na negosyante, at ang isa ay naging doktor sa medisina. Bawa’t isa ay natagpuan ang kanya-kanyang tungkulin sa buhay at naging masaya. Bawa’t isa sa kanila; sa kanilang pansariling pangmasid ay natagpuan ang tinatawag nating tagumpay.

   May mga taong nakakaranas ng nakaka-panghilakbot ng mga kabanata sa kanilang buhay, at kamangha-mangha kung papaano nila ito naiwasan o natakasan. May katiyakan na ang iba sa kanila ay nasawi sa pakikibaka o sa karamdaman. Hindi sila nagsisuko at tinanggap na lamang ang kapalaran, sa halip kahit papaano ay nakipaglaban. Ang iba naman ay naging matagumpay, kahit na sa kabila-kabila ng mga unos at balakid na kanilang kinahaharap. Sila ay nakarating sa kung saan nais nilang magtungo, kahit gaano mang hirap ang naging pakikibaka sa buhay.

     Ang tagumpay ay sadyang mailap para sa iba, ngunit siyang kaganapan ng lahat ng iyong mga pagtitiis at mga paghihirap. Ang iyong pagwawagi na marating ang kinalalagyan mo sa ngayon ang katibayan nito. Naisakatuparan mo ang lahat ng iyong mga naisin, mga plano, at mga hinangad na nagdulot sa iyo ng mga papuri, kasaganaan, at kasiyahan.

   Kakaunti ang nagtatagumpay at napakarami ang mga nabibigo. Nababatay ito sa mga tamang pag-uugali at sa basta makaraos na panuntunan. 

   Dito sa huli, marami ang eksperto sa atin. Hangga’t puwede na, ayos nang umarya. Walang gaanong sinusunod na pamantayan at ‘bahala na ‘ang nakapangyayari. Patama-tama. At hindi kataka-takang buhay alamang ang kanilang kinagiliwan. 

   Subalit doon sa sukdulang matatagumpay; sila ay mapagmasid, mapanuri, binabago at nagtatama ng mga bagay, at may makabuluhang matayog na mga pangarap. Ang kanilang mga pagkilos ay may sinusunod. Narito ang kanilang mga kaugalian ng pagiging matagumpay sa buhay.

Mga Kaugalian ng Matatagumpay

Mayroong malinaw na pananaw kung ano ang talaga ang nais sa buhay, at naiisip kung ano ang posibleng mangyari sa ikakatagumpay nito. Alam kung saan pupunta at nauunawaan ang magiging kalagayan pagdating dito. Ito ay napakahalaga. Ito ang dakilang layunin ng bawa't isa sa atin upang mapagtagumpayan ang mga lunggati.

   Sinisimulan ang araw na nakahanda at may masiglang saloobin. Tulad sa isang kotse; bago ito gamitin sa paglalakbay ay isinasaayos ang lahat, nasa tamang kundisyon ang makina, nakaayos ang mga salamin at mga ilaw, gumagana ang preno, tama ang hangin sa mga gulong, husto ang gasolina, ayos ang mga dokumento ng kotse, at nakaplano ang biyahe. Lalong higit na pagtuon kung ang kinabukasan ng pamilya, trabaho, negosyo, at tagumpay ang nakasalang. Kung sa isang karaniwang paglalakbay ay nagagawa ito sa isang karaniwang kotse, bakit naman hindi kung paglalakbay ng iyong buhay at kinabukasan ng iyong pamilya ang nakataya.

   May ritwal at nagkakaisa ang mga pagkilos. Ito ang nagpapabilis na magawang matapos kaagad ang mga gawain. Iniiwasan ang mga nakakagambala at umaagaw ng pansin. Mga balakid ito upang bumagal at mawala ang atensiyon doon sa mahahalaga. Kapag napagkaisa ang mga kilos at nakatuon lamang ang lahat ng mga ito upang matapos ang gawain, ang tagumpay ay abot kamay na lamang.

   Ugali na ang huminto at malaman ang tinutungo. Ayon sa kanila, hangga’t ang ating utak ay hindi hustong nagagamit sa kakayahan nito, nawawalan ito ng kasiglahan at nagpapahina ng ating kalooban. Sa lahat ng gawain at anumang larangan, kailangan ang pahinga, paghinto, agwat o espasyo upang magkaroon ng karagdagang lakas at pag-aaral kung nasa tama kang landas. Paminsan-minsan ay kailangang umaakyat sa mataas na punongkahoy upang tanawin kung ang tinutumbok na pupuntahan ay siyang tamang daan. Tulad sa musika, kung walang espasyo o paghinto ang mga tunog ay walang malilikhang sonata.

   Kung patuloy at minamadali ang lahat, hindi natin magagawang tapusin ang anumang gawain na ating sinimulan nang naaayon sa kaganapan nito. Hindi malinaw na tapos ang isang trabaho kung hilaw ang pagkakagawa nito, o idinaan na lamang sa patama-tama at puwede na. Binubusising maigi ang lahat, pinagtutuunan ng ibayong pansin, at ibinubuhos ang lahat sa abot ng makakaya.

   Piniling maging kakaiba kaysa pangkaraniwan, kahit na mangahulugan ito na sila ay mag-isa na lamang, at ang ginagawa ay hindi tanyag o hindi kinagigiliwan, at pinipintasan pa, patuloy pa rin sila sa pagpupunyagi. Ang katwiran nila, “Kung walang tiyaga, walang nilaga.”

   Mapagmasid at hindi basta sumasang-ayon sa nakararami kung ano ang magkakatulad nilang ginagawa. May sariling mga diskarte kung papaano malalagpasan ang mga balakid at kamalian. Hindi lahat ng uso o kinahuhumalingan ay mapapakinabangan at pangmatagalan. Kailangang sa paggawa, o sa anumang produkto; ang atensiyon ay naroon sa ikahuhusay, ikagaganda, at maitutulong nito para kapakanan ng lahat.

Laging matuwid at nangunguna kaysa naghihintay at umaasa sa mga bagay na mangyayari. Sila ang lumilikha, gumagawa, at nagsismula ng mga pagbabago. Hindi gumagaya, at laging may bagong ideya na makakatulong. Habang natutulog na ang iba, sila naman ay naroon pa sa gawain at nagtitiyagang tapusin ito.

   Pinapalibutan ang sarili ng mga tagasuporta at positibong tao. Ang tagumpay ay nanganganak at nag-uusbong ng marami pang tagumpay. Dagdag pa, kung mapapalibutan mo ang iyong sarili ng mga taong may makabuluhang mga lunggati at matatagumpay sa kanilang mga piniling larangan o industriya, ikaw man din ay magiging matagumpay.

   Itinitinda ang mga sarili upang makilala sila. Hangga’t malaki ang paniniwala kung sino sila, at kung ano ang makakaya nilang gawin ang siyang nagdadala sa kanila upang magkaroon ng pangalan o tatak na pagkakakilanlan sa kanila. ito ang nagpapalakas ng kanilang pagtitiwala sa mga sarili na magsumigasig pa. Ang mga pintuan ng magagandang pagkakataon ay laging nakabukas para sa kanila.

Sa katapusan, tinatamasa ang anuman ang gawain, at pinag-aalab ito ng husto. Sapagkat ayon sa kanila; kapag maligaya ka sa iyong trabaho ang kabayarang matatanggap mo mula dito ay bonus na lamang. Hindi na isang mabigat na gawain ang kanilang mga trabaho, bagkus isa na itong libangan at sadyang nakakaaliw para sa kanila. At kahit na hindi sila bayaran ng salapi, ito pa rin ang kanilang gagawin. Hindi nakapagtataka, kahit hindi nila hinahanap, lagi silang sinusundan ng salapi at magagandang mga pagkakataon sa buhay.


     Ito ang mga sangkap sa pagiging huwaran na pinupuri at minimithi. Kung mauunawaan na pahalagahan ang buhay; sa kabila ng pagiging masalimoot at mailap nito, magagawang maging masaya, nakawiwili, at nakakaakit ito. Tulad ng pagkakaloob ng tulong, sa pagdamay at paglilingkod sa kapwa, sa mga makabuluhang simulain ng pamayanan, hindi lamang may pakinabang ito sa iba, bagkus nagkapagdudulot pa ito sa sarili ng kasiyahan at kaligayahan. Sa marami ito ang kanilang minmithing tagumpay.

   Walang katumbas na halaga o salapi ang idinudulot nitong kapayapaan at kasiyahang loob sa paggawa ng kabutihan at kapakanan ng iba. Ito ang uri ng mabisang kapasiyahan at panuntunan na nagtatakda at lumilikha ng mga pambihirang matatagumpay na tao; na hiwalay sa mga pangkaraniwan at may mabababaw na kaisipan.

  Ang tunay na tagumpay ay nangangailangan ng paggalang, pagpapahalaga, integridad, at pagtitimpi---lahat ng mga ito ay mga kaugalian at katangian ng matatagumpay na tao. Bihira at iilan lamang ang mapapalad na nakakamit ang mga ito. Marami ang nagsasabing mahirap itong mapanatili at marating; lalo na sa harap ng makabagong pangangalakal o merkado na walang hinto ang mga pandaraya, sinusupil ang ating mga kaisipan sa pamamagitan ng telebisyon, pahayagan, radio, at internet. Sa bawa’t sandali ay binobomba tayo ng kanilang mga promosyon at nakakahalinang mga gayuma upang makaakit. Kahit hindi natin ibig itong mangyari, ay nakikialam at mapangahas sila na baguhin ang ating kamalayan. Dahilan upang mawalan na tayo ng kalayaan para dito, dahil lamang sa kasakiman sa pagkita ng salapi ng iba.

   Datapwa’t mayroon tayong kapangyarihan na pumili, At piliin kung ano ang makapag-papaunlad at makapagpa-paligaya sa atin. Nasa atin ang huling kapasiyahan kung nais nating maging matagumpay o manatiling bigo sa buhay---may kapangyarihan tayo na maging Masaya o Malungkot. Tiyakin ang pipiliin, Kaligayahan o Kapighatian?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment