Thursday, November 17, 2011

Nakaraang mga Bungisngisan

   Napatunayan kahapon na hindi totoo ang napabalitang pahayag ng ina ni Ruffa Gutierrez, na nagtalo sa isang restoran sina Mother Lily at Carlo Caparas. Ayon sa kanya, nag-uunahan ang dalawa na makuha ang serbisyong pagganap ni Gloria Arroyo sa napipintong pelikula na may pamagat na ‘Drama Queen.’ Dahil naipakita nito sa madla na mistulang kahapis-hapis ang kanyang kalagayan habang nakasakay sa silyang may gulong, gayong walang maipakitang sertipikasyon (katibayan) ng mga doktor na nag-opera sa kanya na totoo siyang malubha at nangangailangan ng pagpapagamot sa ibang bansa. At kung bakit nakasuot pa siya ng sapatos na de-balat at may mataas na takong.

   At doon sa dramang nangyari sa NAIA na kunwaring tatakas si Gloria Arroyo, para makakuha ng simpatiya at pagkaawa ng sambayanan, may nakapagbalita din na isang kaalyado ni Kris Aquino kung bakit hindi pinayagang makaalis si Gloria Arroyo. Sa dahilang ayaw ipagamit ni Penoy ang paliparan ng ama kay Gloria, sa pagsasabing, “Kung gusto mong umalis, do’n ka dumaan sa paliparan (airport) ng tatay mo, huwag sa paliparan ng tatay ko!” At sabay kumendeng pa ito at tumalksik ang kamay. Idinagdag pa na tinanggal sa Kagawaran ng Immigrasyon ang isang kawani nito sa NAIA, sa mungkahi nito na palitan ni Glora ang pangalan ng 'Ramona."

Ang Tunay na Buwaya
   Tinanghal na pinakamalaking buwaya sa buong daigdig si Lolong, ang buwayang nahuli sa ilog ng Agusan sa Mindanaw. May sukat itong 21 talampakan at tumitimbang ng 2,370 libra. Ang katagang ‘buwaya’ ay siya ring taguri sa mga nakaupo sa ating batasan (kongreso at senado). Sapagkat magkatulad sila sa pagiging ganid, suwapang, at matinding kasibaan sa paglamon. Sa aklat na sinulat ni Amado V. Hernandez, noong 1983 na may pamagat na Luha ng Buwaya, isinalarawan dito ang kasakiman sa salapi ng pamilyang Grande. Ito’y angkop sa mga nangyayari ngayon sa ating lipunan na ilang pamilya lamang ang sadyang walang hinto ang pagyaman at ang karaniwang mamamayan naman natin ay pabaon ng pabaon sa kahirapan.
... Ito rin daw ang isa pang pinagtatalunan, para sa isa pang pelikula na may pamagat namang, 'Sapagkat Kami'y mga Buwaya Lamang.' Ayon sa bulong-bulungan; napipisil naman nilang gumanap dito si Mike Arroyo, dahil hindi lamang sa laki at tindig nito bagkus sa dami din ng mga kinasangkutang anomalya sa pangongotong at mga kasibaan sa katiwalian.

   Ayon naman kay mang Isko na aking barbero, malaki ang pagkatakot ng 8 mahistrado sa Korte Suprema na laging tumutulong kay Gloria na maabsuwelto o mapawalang sala ito, tulad ng pagpapawalang bisa sa Truth Commission na isinususog ni Penoy noon, at pagpapalabas ng mga mahistrado ng TRO (Temporary Restraining Order) laban sa Kagawaran ng Hustisya. Ito'y para makatakas si Gloria sa kanyang ginawang mga pandaraya sa halalan. Sapagkat kapag napatunayan na hindi si Gloria ang tunay na nagwagi sa halalan, lilitaw na lahat ng pinaupong mahistrado ni Gloria sa Korte Suprema ay mga bugaw lamang, walang bisa (illegal), at walang karapatan na umupong mga mahistrado ng Korte Suprema.

Nagpayabangang mga Pasahero ng Dyip
Magandang dalaga: "Bayad po, mamang tsuper,"sabay abot ng iwinawasiwas na 50 piso.

Tsuper: Ilan ‘tong sa 50 piso at saan ka nanggaling?

Magandang dalaga: Isa lang kuya, estudyante, nursing sa Ateneo, Kasasakay lang po.

Lalaki: (Nayabangan. Nagbayad ng buong 500 piso) Manong Bayad ko.

Tsuper: (Nakatingin sa salaming panlikod at galit) Ilan ‘tong sa 500 piso at saan ka galing?

Lalaki: (Nakatingin sa magandang dalaga, pinapungay ang mata, at binasa pa ang labi) Isa lang, Keep the change. Seaman ako, kadarating lang.

Tsuper: “Salamat pare, Mabuhay ka!”

May biglang sumingit, Para ! ! !  Diyan na lang ho, mamang drayber!” Mula sa isa pang pasahero at tumatawa itong inabot ang isang buong 1,000 piso.

Nagulat ang tsuper sabay kamot sa batok nito, “Eh, ilan naman ang para dito sa buong 1,000 piso? . . . at saan ka galing, ... aber?”

Pasahero: ‘Para sa tatlo! Isama sa bayad ang para sa nurse at seaman. At sa ‘yo na ang sukli! Keep the change! Galing ako sa Mental Hospital, ...  at kalalabas lang.”


No comments:

Post a Comment