Isang patak lamang kung nag-iisa, subalit kapag nagkasama-sama at may pagkakaisa, isa na tayong karagatan.
At kapag ginalit, ay tsunami ang bagsik. Sa mga mapagsamantalang dayuhan ito ang pinangangambahan.
Bahagi na ng ating kaugalian ang Pakikisama, at isa itong
magandang tradisyon na minana pa natin sa ating mga ninuno. Ang mabuting
layunin na tumulong at makiramay sa pangangailangan ng iba, ay likas at kusa
nating ginagawa nang walang hinihintay na kabayaran o kapalit man. Isang pag-uugali
na nakadarama tayo ng kakulangan sa ating mga sarili kapag ayaw nating
masangkot at walang pakialam sa iba. Dangan
nga lamang, nagkaroon ito ng batik at pang-aabuso nang dumating ang mga banyaga
sa ating kapuluan. Mula sa mga mananakop na mga Kastila, mga Amerikano, mga Hapon, at pati na sa mangangalakal na mga Tsino, naging palasunod at nakikiayon tayo
sa kanilang mga mapagsamantalang kagustuhan. Nawala na ang magandang kahulugan
ng ‘pakikisama’ at nabahiran ito ng ‘palakasan,’ ‘padulasan’ at naging palakad pa sa mga paglalaban.
“Kung
hindi ka marunong makisama sa amin, hindi ka namin kaisa. At kung ayaw mong
makiisa, tiyak na kalaban ka namin.” Ito ang mantra o islogan ng mga
makasariling pangkat, ng mga partido sa pulitika sa balimbing nilang pananatili sa puwesto, at maging sa mga sekta ng
relihiyon na kailangang pikit-matang sumunod ka sa kanilang mga dikta. Palaging may mga iringan, inggitan, pataasan, at hiwalayan. Nagsisimula
pa lamang maitatag ang isang pangkat, at hindi lamang nagkaunawaan sa gagawing
halalan, nahati na sa dalawa na magkasariling pangkat, at magkalaban na. Lalo na sa ating
magkakaibang diyalekto at mga rehiyon. Iba ang grupo ng mga Ilokano, Bikolano,
Sebuano, Tagalog, Kapampangan, Ilonggo, Tausog at ng marami pa, na halos lahat
ay may kanya-kanyang pinaiiral na pamantayan ng pagsasarili at walang
pakialamanan. "Buntot mo hila mo," ang atungal nila. Gayong mayroon tayong isang lahi at isang bansa na nagpupumilit
na makawala sa ganitong mga uri ng pagkagapos na pumipigil sa ating makabayang
pag-unlad. Hangga’t patuloy ang mga pasiklaban, kapalaluan, at makasariling
‘tribo’na pamantayan, wala tayong makikitang pagbabago sa ating lipunan.
Mabuti ang
mapanitili ang mga tradisyon at kultura ng isang tribo, kailangan natin
pangalagaan ang katutubong pamana ng ating mga ninuno. Subalit pagdating sa
kabutihan ng bawa’t isa, hindi ito nararapat na maging hadlang kung ang
kaunlaran at kapayapaan na ng mga nakakarami ang nakasalalay. Gayong sa bandang
huli, ay malaki ding kapahamakan para sa tribong ito, kung walang katahimikang
namamayani. Sapagkat sa isang bansang batbat ng kahirapan; kaakibat nito ang
mga kaguluhan, mga patayan, mga nakawan at pagkakawatak-watak ng bawa’t isa. At
sa puntong ito, lalong nagsasamantala ang mga naghaharing-uri sa ating lipunan, at walang sagwil na nakakipagsabwatan sa mga
banyaga na dumarating at nakikialam sa ating bansa, at lalong kahindik-hindik pa,
ang pakikialam at pakikiayon ng mga relihiyon sa ating pulitika upang ito ay patuloy na makapangyari.
Panahon naman na
kaligtaan muna natin ang ating mga tribong pangkat at pati ang mga relihiyong pangkat na ito, at sumama sa pangkalahatang
pangkat ng mga makabayang adhikain tungo sa maunlad na pagbabago ng ating
bansa. Talikdan muna natin ang pagiging makasarili ng mga pangkat na ito. Iwasan na natin ang ‘tayu-tayo,’ kami-kami,’
‘sila-sila,’at ‘kanya-kanya.’ Sapagkat kapag maunlad ang ating bansa, lahat ng mga mamamayan nito, kahit saan mang
rehiyon, lalawigan at kapuluan, ang lahat ay makikinabang. At ang bayanihan, kapayapaan, at kaunlaran
ang siyang maghahari sa ating lahat.
Ano ang kahulugan ng Pakikisama?
Ito ang pinagdaupang na pakikiisa at pagsama para makatulong; tanda ng pagnanais at abilidad na makiayon at tumulong sa kagalingan ng karamihan; bilang
kooperasyon, isinasantabi ang pagiging makasarili at nakatuon lamang sa pagtulong sa
ikakaunlad ng samahan; magkatuwang, magkasamang nagtutulungan para matupad ang mga lunggati.
Kung nais nating maibalik at angkinin muli ang tunay na diwa
ng PAKIKISAMA,
narito ang ilang bahagi ng mabuting pakikisama:
Ang Adhikain ng AKO,
tunay na PILIPINO
1 BUSILAK
Sa pakikisama,
ipadama ang iyong tunay at likas na mabuting pag-uugali. Ito ang Busilak na damdamin na nasa kaibuturan ng iyong puso. Mangusap
nang may integridad. Walang itinatago o pagkukunwaring namamagitan sa anumang
karelasyon o kausap. Bigkasin lamang ang nais na ipaliwanag nang walang mga
palabok. Pawang mga katotohanan lamang at pagtupad sa mga pangako ang ugnayan. Iwasan
ang paggamit ng mga katagang magpapahamak sa iyo, o tsismis sa iba na makasisira
ng reputasyon. Upang maging mabuti ang pagsasama, sanayin ang sarili na
tumanggap nang walang mga kundisyong pinaiiral. Sa halip, maging magiliw at
palangiti sa iyong mga nakakadaupang-palad. Higit na nakakatiyak ito ng
magandang kapalaran, kaysa laging nagmamaktol at mailap sa iba. Wala ng
magiging hadlang kung laging wagas at malaya ang iyong mga pakikipag-relasyon
sa iba.
Isang
kamangha-mangha na kabutihang asal, ang pagkakaroon ng moralidad at matatag na
integridad. Bihira na ngayon na masumpungan ito, sapagkat narito ang pamantayan
kung gaano kabusilak
ang iyong puso; dahil ipinapahayag nito ang pagkakakilanlan ng iyong tunay
na pagkatao o personalidad ng pakikisama.
Patotohanan na hindi mo kailangan ang pahintulot ng sinuman na maging busilak ang iyong kalooban.
2 BAYANIHAN
Sa anumang gawain na kailangan ang
maramihang paggawa, wala ng makakahigit pa sa Bayanihan. Isa itong kaugaliang
Pilipino na nakaugat na sa ating kamalayan. Nasa pakikipag-tulungan at kaisahan
ng marami ang isang bagay na mahirap gawin ay matupad na madaling gawin. Ang
imposibleng bagay ay maging posibleng kaganapan. Ang kanya-kanya ay magawang
sama-sama at magkakaisa sa pakikisama.
Maging mahinahon at magiliw sa
pakikipag-usap, pagdamay, at pakikiisa para sa kagalingang panlahat. Kapag hinihingi ng mga pagkakataon ay umayon, kaysa
laging tumututol at umiiwas na makagawa ng kaibahan. Tumingin sa nakakabuti at
makakatulong sa sinasabi ng karamihan at pahalagahan ito. Kahit na tayong lahat
ay mga sinulid lamang; kapag nakapalupot at yumayakap sa isa’t-isa, isa na
tayong matibay na lubid. At sa katagalan ng ating ugnayang ito, ay magiging
kable na hindi magagawang bakliin o putulin ng sinumang nagsasamantala at tatampalasan
sa atin.
Ang mga pakikisama ay kalahatang bagay
maging sa trabaho o sa iyong personal na buhay. Ang antas ng iyong tagumpay,
grado ng promosyon, at maging sahod ay itinatakda kung papaano ka marunong
makisama sa mga taong nakakatulong sa iyo. Ang iyong kinabukasan o hinaharap ay
nakapaloob sa dami ng mga taong kilala mo at positibong nakakakilala ng pakikisama mo sa kanila.
Ang
pinakamahusay na gumagawa at kaisa sa pangkat, ay yaong mga taong masisigla,
matapat makisama, mga positibo at may malawak na pang-unawa, at nakahandang dumamay
sa mga kasama. Mataas ang kanilang antas ng pagmamalasakit at pagkunsidera sa
pangangailangan ng iba. Ang buong puso nila ay nakalaan sa mabuting pakikisama
at matapat na paglilingkod.
Doon sa nakapagda-dagdag o mapaglingkod ay ating pinakikisamahan, at
doon naman sa nakapagbabawas o mararamot ay ating nililisan at pinaka-iiwasan.
3 BATINGAW
Anumang
umaalingawngaw at naliming may pakinabang, luminya dito para may maintindihan.
Ang Batingaw nito ay sumisigid at nagpapaalab ng iyong damdamin. Narito ang pagkakataon na magkaroon ka ng masidhing hangarin. Dahil nasa mga inpormasyong makabuluhan ang karagdagan ng iyong kaalaman. Sa
mundo ng inpormasyon at makabagong teknolohiya, ang kaalaman ay hari, at ang
mga taong patuloy na pinagyayaman ang kanilang mga katangian at kakayahan – ay
siyang matatagumpay sa buhay.
Magbasa,
masaliksik, alamin ang mga makabuluhang inpormasyon hinggil sa kaunlarang
pansarili nang sa gayon ay magamit ito sa kaunlaran ng karamihan at
pangangailangan ng pamayanan. Narito ang susi upang tayo ay magtagumpay. Kung
hindi ka gising at walang kabatiran sa mga pangyayari at mga kaganapan sa iyong
kapaligiran, wala kang maipagkakaloob na anuman.
Kung parating makasarili at walang pakikialam
ang iyong gagampanan, walang makikisama sa iyo. Pakaiwasan ito kung nais na may
pagbabagong maganap sa ating bansa, unahin munang baguhin ang iyong sarili. Ang
tagumpay mo ay nakabatay kung anong uri ng pakikisama ang iyong ipinaiiral na
relasyon.
Ang unang katanungan kung saan ang pari at ang Levite na tinanong:
"Kung ako ba ay hihinto upang matulungan ang taong ito, ano ang mangyayari sa akin?
Subalit ang mabuting Samaritano ay ibinaligtad ang katanungan:
"Kung ako ba'y hindi hihinto upang matulungan ang taong ito, ano ang mangyayari sa kanya?"
4 BALANGAY
Sa kawalan ng
sapat na mapag-kakakitaan sa ating bayan, marami sa atin ang napilitang
mangibang bansa. Ang Balangay o ang taguri nitong diaspora, ay ang paglikas ng maraming pangkat ng mga tao mula sa dating pamayanan para humanap ng bagong paninirahan at paunlarin ang kanilang mga buhay. Nangyayari lamang ito kapag nakakaranas ng mga kahirapan, kaguluhan at kawalan ng pag-asa. Ito ang nangyayari ngayon sa ating lipunan - walang katiyakan ang hanapbuhay at mailap ang tagumpay.
Karamihan sa atin, kahit na mapalayo ay iniiwan ang mga mahal sa buhay at
nakikipagsapalaran sa ibang bansa. May mga napapariwara at may mga nagbubuwis pa ng buhay dahil lamang
sa pagnanais na mabago ang kanilang mga kalagayan. Sila ang mga makabagong bayani
ng ating bansa. Ang kanilang mga pagpapakasakit at mga karunungang tinatamo ay
malaking ambag sa kabuhayan ng ating bansa.
Hindi lahat ay nagtatagumpay, marami din ang mga nabibigo at umuuwing nakabaon pa sa mga utang. Bagama't ang iba ay nagtagumpay, nabigo naman sila sa pagkakaroon ng matiwasay na pamilya. Marami ang napariwara sa mga anak at nahiwalay sa asawa. Ang kanilang pakikipagsapalaran ay mistulang sugal, na may isang panalo laban sa maraming talo. Hindi gawang-biro ang magpaalipin sa ibang bansa, lalo na sa Gitnang Silangan. Dahil kawangis mo ay bilanggo na may sentensiya kung kailan ka makakalaya. Halos lahat ng uri ng pakikisama ay gagawin mo, mapanatili lamang ang normal na kalagayan para dito.
Gawing regular
na maipadama ang iyong pagpapahalaga ng pagpapasalamat sa anuman at bawa’t bagay na positibo o naitulong nila sa ating bansa. Pakisamahan natin sila; dahil sa kanilang mga naitutulong, nakatayo pa rin ang ating bansa.
Upang makarating sa pantalan, kailangan natin ang pumalaot - ang maglayag, hindi ang itali ang angkla at maghintay - ang maglayag, hindi ang magpalutang at umasa.
5 BAYAN iJUAN
Si Juan na binansagang "Juan Tamad" ay nagbago na. Hindi na siya ang dating palaasa, pabigat at laging naghihintay na tila utusan. Sa bawat bayan natin sa buong kapuluan ay marami ng mga Juan na gising. Sila ngayon ang "Juan Mulat." Mayroong tungkulin nang ginagampanan; ang buhayin at paunlarin ang ating industriya ng Turismo. Pati na ang pagtangkilik sa ating mga produkto at gawang Pilian ay isinusulong.
"Sunggaban at
palaganapin ang anumang bagay na makatutulong sa ating turismo," ang kanilang mantra. Mayroong siyam
(9) na milyong Pilipino ang nakakalat sa maraming bansa. Kung bawa’t isa lamang
sa atin ay kikilos bilang ambasador o kinatawan sa pagbibigay ng promosyon
tungkol sa natatanging kagandahan ng ating mga kapuluan at sa magiliw na
pagtanggap ng ating mga kababayan, napakalaking tulong ito sa ating pag-unlad.
Higit na makakatulong ito kaysa pintasan ang sarili nating mga kababayan at
maging ang ating bansa. Kung nais natin nang mabilisang pagbabago, TAYO MISMO mula sa ating mga sarili ang kailangang magsimula
nito.
Tangkilikin ang
mga gawang Pilipino at sariling atin. Nagpapasulong ito sa ating kaunlaran at nagpapanatili
ng malaking pagtitiwala sa ating mga kakayahan na lumikha pa ng maraming produkto. Walang iba na higit na
magmamalasakit sa ating sariling kapakanan, kundi ang ating mga sariling
kababayan lamang. Nasa pakikisama lamang ang lahat para ang kaunlaran ay matupad. Hindi ito makikita kahit na kaninong mga banyaga, na ang pangunahing layunin sa ating bansa ay kumita at paunlarin din ang kanilang mga sariling bansa. Nakapanlululmo na makita ang ilan nating kababayan; na sa halip na ang ating bansa ang pinauunlad ay sa banyagang bansa nagsusumiksik at nakikipagtulungan. Kung makikisama din lamang, unahing makisama sa sariling kababayan.
Maging mapagsaliksik at tumuklas ng mga bagong pulo sa ating kapuluan, buksan ang mga mata, ilakad ang mga paa, tanawin ang likas nitong mga kagandahan, samyuin ang mga naggagandahang mga bulaklak, at lasapin ang linamnam ng ating mga lutuing Pilipino.Hangga't may hininga pa, bago mahuli ang lahat.
6 BANTAYOG
Huwag nating
kalimutan ang ating mga kasaysayan at mga bayaning nagbuwis ng kanilang mga buhay para sa
ating kalayaan. Lumikha tayo ng mga Bantayog na magpapakilala sa kanila, sapagkat ang bansang lumilimot sa kanyang pinanggalingan na kasaysayan ay walang patutunguhan. Sa mahapdi at mapait nitong kasaysayan, kung walang makakaala-ala ay muling mauulit ito nang higit pang mahapdi kaysa dati.
Marami tayong magagandang sining at katangi-tanging mga kultura na
maipagmamalaki natin sa ibang lahi. Nananatili lamang itong nakatago at hindi
naipapalaganap sa dahilang tayo mismo ang pumipintas at nagmamaliit sa ating
mga kadakilaan. Bilang pagpapatunay, tayo lamang ang kauna-unahang Asyano na naghimagsik,
lumaban at nagpaalis sa mga mananakop na banyaga. Mula kay Lapu-lapu, Andres
Bonifacio, Rizal, Makario Sakay, Miguel Malvar, at maraming iba pa ay nakipaglaban para dito.
Palaging tandaan na hindi lamang may karapatan tayo bilang Pilipino, mayroon ding tayong tungkulin na kailangang gampanan sa ating bansa. Hindi ang karapatan na basta na lamang lumitaw tayo sa Pilipinas, ay Pilipino na tayo, kailangang patunayan natin ito, hindi yaong sa bandang huli ng ating pagyao, ay wala tayong maiiwang bantayog para dito.
Pakaiwasan na
maliitin, punahin, o maging pintasan ang ating mga kababayan, gaano man ang kalagayan o antas nito sa buhay, kayumanggi man ang balat at hindi matangos ang ilong, probinsiyano o laki sa bundok, garalgal ang punto at nakakangilo ang pagbigkas sa Inggles, kahit na sa anumang kadahilanan, iwasan natin ito sa harapan at
lalo na sa talikuran. Lumikha tayo ng imahinasyong bantayog na maipagmamalaki sa pagiging mga tunay na Pilipino, kahit sinuman ang kaharap natin, poste man ang taas nito, maging puti o itim ang kulay na balat, kahit na bughaw o luntian ang kulay ng mga mata, Pilipino pa rin ang pagpapakilala natin sa ating mga sarili, at ito ang ipagsisigawan natin saan mang panig ng mundo.
Hindi tayo
makakagawa ng mga kadakilaan hangga’t iniiwasan natin ang maliliit na bagay na
makakatulong para makabuo ng malaking pagbabago sa ating mga pamayanan. Kung walang bantayog, walang pagdakila. At kung walang dakila, tama lamang na maging alila tayo ng mga banyaga.
Ang ultimong pagsusulit sa konsensiya ng isang tao ay ang kanyang kakayahang isaksripisyo ang mabuting bagay ngayon para sa susunod na henerasyon, na kung saan ang pagpapasalamat ay hindi na niya maririnig.
7 BANYUHAY
Maging handa sa mga pagbabago at
pagbabagong-anyo ng buhay. Walang
kakahinatnan ang laging naghihintay sa iba na gumawa para sa iyong kapakanan.
Luma at lumipas na ang palaasa at pabigat na pag-uugali. Sa tagumpay, ikaw ang higit
sa lahat ang may responsibilidad para sa iyong sarili. Kung magagawa mo ito,
makakatulong ka sa iba na magtagumpay din. Kung hindi mo matutulungan ang iyong
sarili, walang makakatulong sa iyo.
Nasa iyong paghubog kung anong klaseng
anyo ang nais mong mangyari sa iyong buhay. Sa pakikisama, ang kailangan lamang ay atensiyon, pang-unawa, at pagpapahalaga.
Huwag personalin ang mga bagay. Pakaiwasan ang iyong personalidad na
nakasalang. Ang ginagawa ng iba ay hindi tungkol sa iyo, at walang intensiyon
na pasakitan ka. Anumang binibigkas at ginagawa ng iba ay isa lamang dula o
drama ng kanilang mga sariling reyalidad, at ng kanilang mga panag-inip. At sa kawalan ng kamalayan ay humahulagpos sa kanilang mga dila. Gawain ito ng mga usisero at mahihilig sa mga tsismis. Kung ikaw ay matibay
sa mga upasala, opinyon, pagpuna, at mga ikinikilos ng iba, hindi ka magiging
biktima ng walang saysay na mga kapighatiang dulot nila.
Sa halip na makigaya at pumuna; hangaan at purihin ang mga tao sa kanilang pananamit, mga
kasangkapan, palamuti, magandang personalidad, at natamong mga parangal. Nakapagbibigay ito ng malaking pagtitiwala at maluwat na pakikisama.
Ang bagong anyo ay pasimula ng pamumuhay na hindi nakabilanggo sa kakapusan at makasarili, bagkus ang dumamay at may pagmamalasakit sa sangkatauhan.
8 BALANGKAS
Sa pagitan ng kung nasaan ka ngayon at
kung saan mo nais na makarating, ay mayroong gap o espasyo. Nasa pagitan na ito
kung papaano mo maisasaayos ang Balangkas para maging malinaw, madali, at
nakakatiyak ang iyong gagawing biyahe. Ang mga tulay na iyong daraanan ay
samutsari na nangangailangan ng bagong kabatiran at kasanayan sa paggamit ng
mga tamang kataga sa iyong pananalita.
Kailangan ang bagong kakayahan, mga
saloobin, mga abilidad, mga inspirasyon at mga pamamaraan. Kailangan mabalikan ang ipinamana na mga panitikan ng ating mga ninuno. Ang matutuhan na gamitin ang kabutihan nito sa mga
bagong kaparaanan at mga pagsasanay. Hindi ang tangkilikin at pairalin ang mga banyagang pananalita na kinalakihan at kagawian ng mga banyaga. Ang buhay Pilipino ay para sa bansang Pilipinas. Ang buhay Amerikano ay para sa bansang Amerika. Hindi puwede ang isip-Amerikano ay ilapat sa mga isip-Pilipino. Nasubukan mo na bang magsa-Pilipino kapag ikaw ay nasa bansang Amerika? May nagwika, "Kung ikaw ay nasa Roma, gawin ang ginagawa ng mga Romano!" At kung ikaw ay nasa Pilipinas, gawin ang ginagawa ng mga Pilipino!" At higit na magaling ang maging tunay na Pilipino kaninuman, saanman, anupaman, at magpakailanman!
Nasa pagbalangkas ang lahat; ang likas
na kaalaman at dating kakayahan ay naluluma sa paglipas ng panahon, ngunit ang matutuhan
kung papaano matuto ay permanenteng katangian na iyong magagamit
sa lahat ng mga araw sa iyong buhay. Ang susi sa lahat ng ito ay pagbabasa; ang
pagkilos mismo na patuloy magbasa at pag-aralan ang iyong larangan o trabaho
ang nagbubukas para sa iyo ng maraming pintuan at mga pagkakataon. Sa
pakikisama, maging magiting na magtanong at ipahayag ang tunay mong niloloob.
Malinaw na makipag-ugnayan sa iba, upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan,
kapusukan, at mga sigalot na nauuwi sa awayan hanggang hiwalayan. Huwag
mag-akala at maghinala kaagad, balangkasin muna bago magpasiya. Kung maayos ang
balangkas ng iyong sarili, madali ang transpormasyon ng iyong buhay.
Sa pakikisama, ipahayag ang iyong
pagsang-ayon, purihin ang mga tao sa anumang natamong parangal, promosyon o
gantimpala, maging maliit o malaki man ito. Narito ang nakapagpapaalis ng
kanilang kauhawan na makilala ang kanilang kahalagahan sa iba, ang madama na
sila ay kailangan, bahagi ng solusyon at may karampatang halaga.
Tayong lahat ay konektado sa bawa't isa at sa lahat ng bagay na nasa sansinukob. Kaya nga, bawa't bagay na ginawa ng isang tao ay nakakaapekto sa kabubuan. Sa Balangkas ng mga kaisipan, kamalayan, kabatiran, katotohanan, kaligayahan, kapayapaan, at kaluwalhatian; ang mga kataga, mga imahe, mga dasal, mga pagpapala, at mga kabutihang nagawa ay nalalaman, nakikita, at napapakinggang lahat ng Nakapangyayari.
May nagwika na ang katatawanan ay
panglunas ng karamdaman. Sa halip na maging seryoso at nag-aaksaya ng panahon
sa mga kabiguan, idaan na lamang ito sa Bungisngis at patuloy na katatawanan. Upang kahit papaano, ay
maibsan ang kalungkutang nadarama. Kaysa patuloy ang paninimdim, maiiwasan pa na
maging depresyon ito; kung lalakipan ng pagbasa at libangan ng mga katatawanan.
Makikihalo sa mga palatawang mga tao na libangan na ang magpatawa. Makisama sa kanila nang tumawa sa tuwina. Umiwas at lumayo
sa mga negatibo, mga paladaing, at palapintasin na mga tao; trabaho ng mga ito ang
magparami ng mga katulad nila. Nakahiligan na at paborito nila ang miserableng pamumuhay. Kung may kakayahan kang tumakbo, kumaripas ka at kailanman ay huwag lilingon sa kanila.
Kung may pumipintas sa akin, idinadaan
ko na lamang ito sa patawa, sa pagsasabing, “Ay salamat at napansin mo rin ako,
pinahahalagahan ko ang iyong pagod na magmungkahi sa akin, hayaan mo at
pag-iisipan ko itong mabuti.” Sa paraang ito, hindi ako hayagan na
sumasang-ayon, nagpapakita ako ng pagbabago, at walang reaksiyon gaya ng
kanyang inaasahan sa akin.
Sa bungisngisan, ito ang pantukod na nagsisilbing pambalanse sa mga tutuntungang bato para makaiwas sa rumaragasang tubig na ipinupukol sa iyo ng iba. Pinapalitan nito ang mahapding sitwasyon sa sandaling tumawa tayo. Ang hagikgik nito ay mabisang kalunasan sa namumuong galit na hindi mapigilan.
Sa bungisngisan, ito ang pantukod na nagsisilbing pambalanse sa mga tutuntungang bato para makaiwas sa rumaragasang tubig na ipinupukol sa iyo ng iba. Pinapalitan nito ang mahapding sitwasyon sa sandaling tumawa tayo. Ang hagikgik nito ay mabisang kalunasan sa namumuong galit na hindi mapigilan.
Iwasan lamang ang mga patawang
nakakasakit at nagpapagalit, lalo na kung sa pamimintas sa iba ang puntirya at
idinaan sa biro na mitsa para mapagtawanan. Ang patawa ay mabisa kung
nakakaaliw at nalilimutan ang mga pasakit, subalit nakapanggagalaiti kung hapdi
at personalan na.
Ang abilidad na
mailipat o madala sa pagtawa ang masaklap na sitwasyon ay isang katangian na
hindi matatawaran. Kinalulugdan ito sa pakikisama na kailangan na mayroong
kapasidad na magpatawa at makitawa ang bawa’t isa sa atin.
Sa araw na ito, maging masigla at tumawa ng tatlong ulit mula sa iyong puso. Ang pusong masaya sa katatawa ay siyang pinakamalakas na panlaban sa mga karamdaman, depresyon, at samutsaring mga bagabag.
Ang taong hindi palatawa, walang hilig na tumawa, at ayaw magpatawa, ay mistulang isda na inalis sa tubig at kusa nang naghihintay ng kanyang katapusan.
Isang paraan ng pakikisama ang tungkol
sa sikmura. Kung nais mong kagiliwan ng kasama, kailangan may kabatiran ka sa
pagkain. Dahil lahat ng bagay ay itatabi at ihihinto, kapag kumalam ang
sikmura. Kapag busog ang isang tao, ay masaya ito. Mapagkain o mapa-isipan ito,
ang kabusugan ng sikmura at kalawakan ng kabatiran ay nagbubunga ng mga kaligayahan. At yaon lamang may mga kauhawan at
kagutuman naman, ang nagbubunga ng mga kapighatian. Para sa atin na bahagi at
nakahiligan na ang pagkain ng tatlong beses sa maghapon, hindi pa kasama dito
ang mga minindal o meryenda, ang pagkain ay mahalagang pakikisama sa buhay.
Sa
aking karanasan bilang ahente ng mga produkto sa aking negosyo, bahagi ng aking
pakikisama ang pag-anyaya sa mga parukyano ko ang magsalo sa isang pananghalian o
hapunan. Ang pagkain ang mabilis na daan sa pakikipag-kaibigan. Wala pa akong
nakitang pagdiriwang na walang handaan at pinagsaluhan. Sapagkat ito ang pinakatulay na nagsisilbing palabok para umigting ang pakikisama sa isa't-isa.
Maging sa pag-ibig at mga ligawan, ang
pagkain ang pinakamabilis na makakuha ng simpatiya sa puso ng nililigawan. “O, pagkain,
kapag ikaw ay pumasok sa isipan; ang matamis kong oo ay papawalan.” “Ang daan sa
puso ng isang lalaki ay nasa kanyang tiyan.” At sa pakikisama, nasa
lutong-pagkain ang pagsasaluhan upang pagsasama ay tuluyan na walang hanggan.
Bilang pagpapakilala, ito po ang simbolo o sagisag ng aming lungsod. Ang balanga ay isang lutuan na gawa sa pinla at nililok ng kamay. Lutuan ito para sa mga lutuing ulam na may sabaw; tulad ng sinigang, pinangat, at paksiw. Hindi ito katulad ng palayok, na ginagamit naman para sa sinaing.
Hindi ako kumakain para mabuhay, o . . . Nabubuhay ako para kumain. Subalit ang totoo, ako ay kumakain para sa aking kalusugan, hindi sa kagutuman. Hindi ko na hihintayin pa ang magkasakit, para magpagamot. Ngayon pa lamang ay mapili na ako, ang pagkain ko ay mabisang gamot na para sa akin.
Isang katotohanan na bahagi ng tagumpay
ang magaling at eksperto ka sa iyong trabaho. Hindi mahalaga na mahusay ka
lamang sa anumang ginagawa mo, kailangan ding makilala ka sa kahusayang ito.
Sapagkat bahagi na ng mga tao ang kilalanin at kilatisin ka kung ano ang
magagawa mo para sa kanila, at ito ay tungkol sa anong uri ang iyong
pakikisama. Hindi ang kung ano ang kanilang nakikita, bagkus kung ano ang
kanilang iniisip sa nakikita na pakikisama mo ang nagtatakda kung papaano sila
mag-isip at kumilos para dito. Kung maayos kang makisama, maayos ka ding pakikisamahan.
May nagwika, "Ang daigdig ay isang tanghalan, at ikaw ay isang aktor na gumaganap ng sarili mong drama." Nasa pagtatanghal ng iyong sarili maipapakita mo ang iyong pagkatao, hindi nang
iniisip mo. Bawa’t galaw at ikinikilos mo ay mistulang bulwagan na nakatanghal
sa paningin ng iba.
Masipag ka man at hindi masikhay,
dadaigin ka ng maagap. Sa trabaho, kung higit na marunong makisama at nakikilala ang iyong
katabi kaysa iyo, ito ang magagantimpalaan. Ang bulwagan ay ang iyong kakayahan
na maipakita kung anong mga katangian at kakayahan mayroon ka upang
magka-interes sa iyo ang ibang tao. Narito ang iyong brand o sagisag bilang halaga mo, kung magkano ang nararapat mong
tanggapin o sahod na ibabayad sa iyo. Mabanggit lamang ang iyong pangalan, ay
may imahinasyon na itong bulwagan na replika mo kung sino ka at anong malugod na
pakikisama ang mayroon sa iyo.
Ang iyong buhay ay lipos ng
pagtatanghal, laging may nakatingin at tumititig sa iyo. Inaalam kung anong
dula, drama, at pakikisama na iyong magagawa. Tumingin, kumilos, at manamit na
may halaga ka. Ito ang iyong pagtatanghal sa iyong imahinasyong ‘bulwagan.’ Huwag
ipagwalang-bahala ito; ang unang impresyon sa iyo ay napakahalaga. Dahil ang
mga pakikisamang matatamo mo sa iyong pakikipag-relasyon ay kasunod nito.
Sa iyong pagtatanghal, laging gumawa sa
abot ng iyong makakaya. Gawin ang nalalaman mong pinakamahusay at magaling. Ang
kainaman ng iyong ginagawa ay pabago-bago at tumatama lamang sa hinihingi ng
pagkakataon, Malaki ang pagkakaiba kung masigla o matamlay ka, malusog o may
karamdaman ka, subalit kung nakakintal sa iyong isipan ang kahusayan ng paggawa,
ito ang bulwagan mong hindi malilimutan ng iba. Maiiwasan mo pa ang hatulan ang
iyong sarili, abusuhin at sisihin ito kung naging pabaya ka sa iyong mga
gawain.
Magpatuloy na gumawa ng mga kaparaanan
sa iba na mapataas ang mga paggalang at pagtitiwala sa kanilang mga sarili
upang makaramdam sila ng pansariling kabutihan at kahalagahan. Ang mga tao na
laging may panalo ay yaong nagagawang maramdaman sa iba na ang mga ito ay may
natatagong kagalingan na kailangan sa pakikisama ng samahan.
Mataas na tumindig, magiting na magmalaki. Patotohanan na ikaw ay pambihira at magnipiko. Hindi mo kailangan ang pahintulot ng iba para itanghal ang sarili mong bulwagan.
Gawing patnubay ang Dakilang Ispirito, dahil narito ang katotohanan. Walang sinuman
sa atin ang makakagawa ng perpektong buhay, at ang lahat ay
may hangganan. Subalit iba na ang may perpektong kasangga
sa bawa’t kapasiyahan, dahil kailanman ay hindi ka maliligaw. Wala tayong sapat
na kapangyarihan na malaman at maunawaan ang lahat ng kaganapan. Higit sa anupaman,
kailangan natin ang Makapangyarihan sa Lahat, na magpatuloy sa pagpapala – na
lumiwanag at itama ang ating kamalayan.
Walang saysay ang pagkukunwari, o ang
pagiging huwad at mapag-balatkayong pakikisama. Kung sa pakikisama mo ay nagsisinungaling
ka, lalo lamang ipagkakanulo ka ng iyong mga salita. Sapagkat kailangan mong
patotohanan ang iyong mga pangungusap.
Kung totoo ang iyong sinasabi, wala ka ng dahilan pa na magpaliwanag.
Karamihan sa atin ay ayaw pangunahan
ang kanilang mga buhay – tinatanggap na lamang kung ano ang kanilang kapalaran.
Gayong kung nakasandig at may Bathala na Siyang gabay sa lahat ng bagay, laging nasa tama at
matuwid na daan ang iyong mapupuntahan.
Magtanim ng mga binhi ng pananalig sa
iyong pakikisama, na kung saan ang iba ay naghahasik ng mga pag-aalinlangan. Tandaan
lamang na anumang potensiyal na mayroon ka ay regalo ng Diyos sa iyo. At
anumang ginagawa mo sa iyong potensiyal na ito, ang siya namang regalo mo sa
Diyos.
Bawa't isa sa atin ay bahagi ng isang Ispirito at sa lahat ng may buhay, at kasabay nito bawa't isa bilang mga tao ay may malayang kaisipan. Mayroong Ama, Anak, at Banal na Ispirito na lumulukob mula sa isa at para sa lahat.
Sa buong buhay
ko, ako ay naniniwala na ang bawa’t isa sa atin ay matututuhan na makisama, sapagkat narito ang tunay na makapagpapalaya sa atin; ang makiisa sa makabuluhang samahan sa lahat nitong mga lunggati at dakilang adhikain, at ito ay para magtagumpay tayong lahat sa buhay. Ang kailangan lamang at siyang pangunahing sangkap ng Pakikisama; ay paniwalaan ang ating mga kasamahan at pagkakaisa ng lahat. At mayroong matapat na pagnanasang makatulong para sa
ikakaunlad at kagalingang panlahat. Narito ang susi sa tagumpay ng sarili, ng
ating mga pamayanan, at ng ating mahal na Pilipinas.
Sa Pakikisama, Para sa pagkakaisa at pagsasama-sama!
No comments:
Post a Comment