Magpakaligaya hangga’t magagawa mo, o Mamighati hangga’t mapagtitiisan mo.
Ang buhay ay isang karunungan at maituturing na kahusayan kapag nalalagpasan mo ang mga pagsubok at paghamon na humahadlang sa iyo. Sapagkat kung may kabatiran ka kung papaano ang pakikibaka, na sinusunod mo ang iyong mga kahalagahan at prinsipyo, at may panahon kang magsanay, lalo kang magiging mahusay.
Kung hindi natin pagtutuunan ito ng pansin at tutulungan ang ating mga sarili ng tamang pagdadala sa buhay, malaking pagkakamali ito upang matupad ang nakatakdang kaligayahan para sa atin. At kung magpapatuloy ang kawalan ng atensiyon tungkol dito, patuloy din ang pagkawala ng kasiglahan, paghina ng katawan … at mga pagkapagod, mga pagkabagot, at hungkag na pakiramdam. Ang kalungkutan ay nakakasira ng mga relasyon, sinasaktan nito ang iyong mga mahal sa buhay, mga kaibigan at ginagawang isang kalunos-lunos na pakikibaka ang iyong buhay.
May 4 na simpleng mga paraan na magagawa mong maging maayos at humusay ang iyong buhay:
1-Pag-ukulan ito ng Panahon: Huwag idaan sa patama-tama o padaskol ang pamumuhay. Maging gising sa tuwina at alisto sa mga sitwasyong kinahaharap. Panatilihin ang kasiglahan sa sarili, sapagkat maraming pagbabagong nagaganap sa iyong kapaligiran. May kabuluhan o walang katuturan, ang kapasiyahan ay nasa iyo. Timbangan ang iyong opsiyon at laging handa. Aksayahin lamang ang iyong buhay doon sa nakapagpapaligaya sa iyo at ikaw ay pinahahalagahan, hindi doon sa nalilibang ka . . . na walang kinauuwian para sa iyong pag-unlad.
Ugaliin ang isulat ang mga pangyayaring nakaapekto sa iyo. Isipin ang tungkol sa mga lunggati na kailangan mong tapusin sa araw na ito. Isipin ang mga leksiyong natutuhan sa nagdaang araw.
2-Makibaka sa Buhay: Habang ikaw ay gumugulang marami kang natututuhan, at ito’y kung hinaharap mo ang anumang balakid, pangako, o responsibilidad na hindi iniiwasan o tinatakbuhan. Kapag may napagtuunang personal o propesyonal na lunggati, walang ibang magsisikhay dito upang maging tagumpay kundi ikaw lamang. Gayunman, lahat ng iyong mga pangarap ay hindi matutupad sa isang magdamagan lamang, kaya huwag abusuhin ang sarili at pilitin itong mangyari kaagad. Ang kasiglahan ay kahanga-hanga, subalit higit na mainam kung nasa tamang pananaw at pagkilos upang hindi ka malagay sa alanganin.
5 Mahalagang Bagay na Huwag Mong Babakliin:
1-mga relasyon
2-mga pangako
3-mga puso
4-mga kasunduan
5-mga pagtitiwala
3-Ang Buhay ay isang Paglilingkod: Sinuman na inilaan ang kanyang sarili sa paglilingkod ay nakatakdang makalasap ng kadakilaan; dakilang kayamanan, dakilang kabayaran, dakilang kasiyahan, dakilang reputasyon, ---at higit pa sa lahat, dakilang kaligayahan. Maging matulungin sa kapwa at gawing mapagbigay o mapagbalik sa anumang kasaganaang iyong natamo. Alalahaning ang mga bagay na nasa iyo ay pahiram lamang at lalong dumarami kung ibinabahagi sa iba. Kapag ito ang nangyayari, matutuklasan mong ang paglilingkod ay nakatutulong sa buhay ng iba at pati na sa pamayanan. Ang dakilang gantimpala nito ay mapayabong at gawing makabuluhan ang iyong buhay.
Saan ka man magtungo, laging dalhin mo ang iyong puso at bukas ang isipan sa mga kaganapan. Mabuhay nang naaayon sa nais mong buhay na nakatalaga sa iyo.
4-Tamasahin ang Buhay: Iwasan ang laging seryoso, dahil isa itong pagpapatiwakal sa sarili. Pinatitigas nito ang iyong mga kalamnan, kaisipan, at pati na ang damdamin. Sa kalaunan, pinagmumulan ito ng mabibigat na karamdaman. Sa katunayan, gaano man ang iyong paghahangad na mabago ang iyong kalagayan at tuluyang mangyari ito, parehong sa alabok lamang mauuwi ang lahat, maging mayaman ka man o mahirap. Iisa ang ating hantungan matapos ang lahat; ang libingan. Anuman ang ating nagawa, katumbas din nito ang kabayaran. At ang ating mga gantimpala ay laging nasa eksaktong proporsiyon ng ating mga paglilingkod.
Ang iyong mga pinili, ang iyong mga kapasiyahan, ang iyong mga pagkilos, ang iyong buhay, ipamuhay ang lahat ng mga ito nang naaayon sa iyong kagustuhan at kaparaanan nang walang panghihinayang at pagsisisi.
Maging masaya na ngayon, dahil ang araw na ito ay hindi na muling magbabalik pa.
Mga Mahusay na Paraan:
. . . Gumising ng maaga.
. . . Magpasalamat.
. . . Simulang damahin ang iyong kaligayahan ngayon.
. . . Tuparin ang iyong mga pangarap.
. . . Alamin ang 5 pangunahing prioridad sa iyong buhay.
. . . Magsaya kasama ng iyong mga mahal sa buhay at mga kaibigan.
. . . Laging bigkasin ang "Mahal kita."
. . . Iwasan at takbuhan ang mga lason at negatibong tao.
. . . Makisama lamang doon sa nagpapaligaya at nagbubunyi para sa iyo.
. . . Masiglang isagawa ang iyong mga makabuluhang lunggati sa buhay.
. . . Paunlarin ang iyong gawain sa bawa’t araw.
. . . Gawin ang trabaho sa husay at maaabot ng iyong makakaya.
. . . Maging malusog, matibay, at aktibo.
. . . Huwag magpakabusog.
. . . Uminom ng maraming tubig.
. . . Humanap ng tagapagturo sa iyong larangan.
. . . Pagyamanin ang kaisipan.
. . . Alamin ang iyong mga kalakasan.
. . . Payabungin ang iyong mga katangian.
. . . Bumigkas ng mga totoo at hindi mababakling mga kataga.
. . . Maging panatag anumang mayroon ka at sa mga nakakamtan.
. . . Huwag maghinala at mag-akala.
. . . Maging marangal at mapagpatawad.
. . . Huwag aksayin ang panahon sa mga walang katuturan.
. . . Huwag maging seryoso at personalin ang lahat.
. . . Panatilihin ang kapayapaan ng kalooban.
. . . at Magdasal sa tuwina na ang iyong BUHAY
ay sagrado at may kabuluhan.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment