May dalawang higad (caterpillar) ang gumagapang sa isang sanga ng halaman nang mula sa itaas ay lumipad ang isang paruparo (butterfly). Ang bigkas ng isa sa katabi, “Alam mo, kailanman hindi ko magagawang makalipad na tulad niya. Sana, mayroon din akong mga pakpak para makalipad.”
Ito ang tunay na nangyayari sa atin, mayroon tayong kakayahan, mga nakatagong katangian, at pambihirang katalinuhan, subalit . . , hindi natin ito napag-uukulan ng ibayong pagtingin. Ito ang sanhi kung bakit mabagal at wala sa tuwirang mga pagkilos ang ating buhay.
Ang higad ay magiging paruparo sa kalaunan. Ito ang nakatakda sa kanya bilang insekto. Sa atin namang panig bilang tao; tayo ay pinagkalooban ng kamangha-manghang katalinuhan, ngunit 2 porsiyento lamang nito ang tuwirang nagagamit natin, o ang ating atensiyon na inilalaan para dito. Maraming samutsari tayong pinagkakaabalahan at hindi masusing nakatuon sa talinong ito upang buhayin, ilabas, payabungin at pagyamanin.
Hindi ba katakataka na iilan lamang ang nagtatagumpay sa atin? . . . gayong magkatulad na 24 na oras ang ipinagkakaloob sa atin sa maghapon, at ito'y patuloys sa araw-araw nang walang tigil? Bakit nagagawa ng iba na mula sa pagiging utusan, tulad ni Lucio Tan, na nagsimula bilang dyanitor sa isang opisina ay naging bilyonaryo? ... si Henry Sy ng SM, na nagsimula bilang tagapagtinda ng mga sapatos, si Manny Villar ng Camella Homes, bilang tindero sa palengke at naging ahente sa lupa, ni Willy Revillame na dating 'sidekick' lamang noon ng mga sikat na artista, ni Manny Pacquiao na dating istambay at tagapanood lamang sa mga boksingero, ni Charice Pempengco, na pasali-sali sa mga awitan, at kamakailan lamang ang caddy o taga-alalay sa larong golf na si Juvic Pagunsan ang 'bad boy' ng Bacolod, ay nanalo sa Barclay Singapore Open ng 28 milyong piso, at si kuya Edil (Edilberto Venzon) ng Bataan na nakaputot noon at nagsimula lamang sa pagtitinda ng patis sa Balanga? Ano ang mayroon sila na wala sa atin?
Kung masasagot mo ito ng tama, ito na ang hudyat para ikaw naman ay maging katulad din nila---ito naman ay kung kikilos ka. Marami sa atin ang nais tumama sa lotto at biglang yumaman, ayaw namang bumili ng tiket dahil sa panghininayang sa pambili; pawang nangangarap lamang at naghihintay sa kawalan. Gayong ang panuntunan sa buhay ay ang kumilos, kumilos, at laging kumilos tungo sa tagumpay.
Nakatakda itong maganap para sa atin, naisin man natin ito o hindi. Noong tayo’y ipanganak, napilitan tayong gumapang. Matapos ito ay umupo tayo. Ilang buwan pa lamang ay sinundan ito ng pagtayo. At nagsimula tayong mag-antalalan. Mabubuwal, mapapaupo, subalit titindig muli upang matutong tumayo---ang manimbang at ganap na makalakad. Kahit hindi tayo turuan ninuman, ito ay likas na magaganap. Dahil ito ang ating katotohanan, ang tumayo at maglakad. Upang maisakatuparan ang ating nakatakdang kapalaran.
Dati-rati'y binubuno natin ang lapis, noong tayo ay magsimulang sumulat sa unang baitang sa paaralan. Napupudpod ang pambura sa dami ng mali, at nabubutas pa ang papel para lamang maitama ang isinulat. Ngayon, kahit na nakapikit tayo ay maisusulat natin ng walang mali ang ating mga pangalan. Ganito din ang nangyari kung bakit natuto tayong bumasa, makaunawa, makaranas, at malaman ang ating pinasukang larangan o gawain. Lahat ay nangyayari, kung nais natin na may marating para sa ating kapakanan.
Dati-rati'y binubuno natin ang lapis, noong tayo ay magsimulang sumulat sa unang baitang sa paaralan. Napupudpod ang pambura sa dami ng mali, at nabubutas pa ang papel para lamang maitama ang isinulat. Ngayon, kahit na nakapikit tayo ay maisusulat natin ng walang mali ang ating mga pangalan. Ganito din ang nangyari kung bakit natuto tayong bumasa, makaunawa, makaranas, at malaman ang ating pinasukang larangan o gawain. Lahat ay nangyayari, kung nais natin na may marating para sa ating kapakanan.
Ang buhay ay laging pagbabago! Ito ang nakapangyayari, naisin man natin o hindi. Subalit iilan lamang sa atin ang nauunawaan kung papaano ito payayabungin. Ito ay isang kakayahan o abilidad na tulad ng pagdampot sa isang pirasong putik, paiikutin at bibilogin ito ng maraming ulit hanggang maging isang perlas. Posibleng bang mangyari ito? Oo, bakit hindi . . . kung may pagtitiyaga ka, tulad ng ginagawa ng talaba (oyster).
Maging gising lamang sa tuwina, at iniisip ang kaunlaran para sa sarili; ang mga milagro sa iyong buhay ay kusang magaganap. Ang tagumpay na minimithi, ang wagas na pagmamahal, at walang hanggang kaligayahan ay malalasap. Kung nais mong magtungo mula sa iyong kinalalagyan kahit saan na nais mong pumunta. Ito ay nakatakda; isang bagong pananaw, isang sariwang kaisipan, isang kilos ng pagsuko, isang pagbabago ng puso, isang matibay na pananalig, ang kalahatang ito’y makapag-papabago ng iyong buhay magpakailanman.
Hangga't may matayog na pananalig ka.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment