Tuesday, January 28, 2020

Matapang Ka nga ba?

Ang tagumpay ay hindi hangganan, ang kabiguan ay hindi kamatayan;  
ang katapangan lamang ang nagpapatuloy at siyang sandigan.


Ang pagbabago ay isang bahagi ng buhay, subalit sa ibang kadahilanan, marami ang natatakot harapin ito. Ang pagbabago ay pag-usad, at ang pag-usad ay batayan na tayo ay yumayabong patungo sa pag-unlad. Sa mga balakid at pagsubok na dumarating sa ating buhay, natututuhan natin ang maraming leksiyon upang tumalino tayo at maging mahusay. Habang nakikibaka tayo sa mga paghamon na ito, lalong nag-iibayo ang ating katapangan para makamit ang tagumpay.
  Habang tayo ay gumugulang, napatutunayan natin na ang mga leksiyon na ito ay hindi lamang mahirap at nalalagpasan natin, kundi nararanasan natin na siyang napakahalaga. Nagagawa nitong higit na magkaroon ng kahalagahan at kaibahan ang ating buhay. Ang pakikihamok sa buhay ay nangangailangan ng tibay ng loob, katatagan, at katapangan para mapagtiisan ang mga kapighatian na ating nararanasan. Kailangan maging matapang sa pagharap sa anumang problema at mapagtagumpayan ito, sapagkat narito ang pagkakataon para umusad at matupad ang ating mga pangarap.
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

May Katanungan Ka ba?


Ang kalidad ng pagkatao ay hindi aksidente. Ito ay palaging resulta ng matalinong pagtatanong kung sino kang talaga.
Paano ko ba makikilala ang aking sarili? Saan ba ako magsisimula? Kung walang mga katanungan ay wala ding mga kasagutan. Ang karamdaman ay inaalam para malunasan. Upang malaman ang dahilan, kailangang alamin nang may resultang matutuhan. Kapag may kaalaman, may masisimulan. Higit na mainam ang matiwasay na buhay kaysa masalimoot na buhay. Narito ang paraan:
   Maghanda ng bolpen at papel, umupo nang komportable sa isang lugar at hindi maaabala nang sinuman. Ipikit ang mga mata at huminga nang malalim, hayaang maglabas-masok ang hangin ng limang minuto. Magmuni-muni sa mga katanungang ito: Ano ang ang aking gagawin kung sakali
-ay nalaman kong mayroon na lamang akong isang taon para mabuhay?
-may mapaminsalang bagyo tulad ng “bagyong Yolanda” ang dumating sa aming lugar?
-ay dumating ang isa kong kaibigan at humiling na tulungan ko siyang maglipat-bahay, ngunit nakahanda na akong manood ng sine sa araw na ito?
-nalaman ko na ang aming alkalde ay itinatago sa kanyang pribadong bodega ang mga donasyong pagkain, damit at kumot para sa mga nasunugan, at ipinagbibili?
-nanalo ako sa lotto ng tatlumpong milyong piso?
-may isang oportunidad at sekretong proyekto na mailulusot ko at kikita ako ng malaking pera na walang sinuman ang makakaalam?
-may kasama ako sa trabaho na sinisiraan niya akin nang patalikod ang aming manedyer?
   Pag-aralang mabuti. Napakahalaga nito at kailangang maunawaan nang lubusan. Ilang katanungan lamang ang mga ito na kailangan mong sagutin upang makilala ang iyong tunay na pagkatao, o ang nakamaskarang mapait na pag-uugali. Anuman ang maging mga kasagutan mo, ito ang iyong umiiral na karakter. Halimbawa, kung ang iyong kaibigan ay may pakiusap sa iyo na tulungan siyang maglipat-bahay at ang iyong sagot ay, “Sori, may mga trabaho akong aasikasuhin,” isa itong indikasyon na makasarili kang kumikilos kaysa ang makatulong sa relasyon ng pakikipag-kaibigan. Habang iniisa-isa mo ang mga katanungan, at nasasagot ito nang totoo at bukal sa iyong puso, matututuhan mong arukin nang malalim ang iyong sarili at makilala ang mga bahagi ng iyong pagkatao na nais mong baguhin at maitama. Kailangan ang iyong paninindigàn lamang ay yaong nagpapakilala ng tunay na Pilipino mong karakter kung sino kang talaga.
   Sapagkat dito nakasalalay kung anong tipo ng relasyon ang ipinamumuhay mo sa iba, at magiging uri ng kapalaran na naghihintay sa iyo.
   Upang makamtan ang kaalaman, kailangang mag-aral; subalit para makamtan ang kawatasan, kailangang magmatyag.
 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Supilin ang Masamang Ugali

Ang masamang ugali kapag hindi sinupil at pinalitan ng mabuting ugali, sa katagalan ito ay kagigiliwan at makakasanayan.
Bawat ugali at kakayahan ay iniimbak at pinalalakas ng magkakatugon na mga aksiyon. Anumang bagay, mapabuti o mapasama man kapag patuloy nating ginagawa, ito ay nagiging ugali. Ang ugali na mahilig maglakad, ay nagagawa tayong maging mahusay na mga manlalakad, ang regular na pagtakbo ay nagagawa tayong maging mahusay na mga mananakbo. Ang madalas na pagtugtog ng gitara ay nagiging gitarista. Mahilig na umindak at sumayaw, ang kalalabasan nito ay maging mananayaw. Gayundin sa mga bagay na may kinalaman sa ispirito; kung matibay at patuloy ang ating mga panalangin, tumitibay ang ating pananalig.
   Kapag tayo ay nagagalit; tayo ay nanggagalaitì, at habang patuloy ito, lalong sumisidhî at nauuwi sa pagkamuhî. Katulad ito ng buto ng halaman, kapag itinanim, dinidiligan at patuloy na inaalagaan, yayabong ito, mamumulaklak at magbubunga. Ganito din ang pag-uugali. Kapag nakasanayan na, ito ay makakaugalian at siyang gagawin sa tuwina. Kung ayaw mong lubusang magalit, magtimpi at huwag nang pag-alabin pa ang namumuong pagkainis. Palitan ito ng ugaling mapagtimpi. Higit na mabuti ang magpasensiya at maging mahinahon upang maibsan ang nadaramang poot.
   Lumayo at manahimik. Hayaan na kusang lumamig ang sitwasyon. Walang sinuman ang mananalo sa bawat argumento at mainitang pagtatalo. Makuha mo man ang nais mo at ikaw ang panalo, nawalan ka naman ng kaalyado, at kung minsan ay lihim na kaaway pa. 
   Kahit na hindi ka nakakatiyak sa magiging resulta, ngunit pinipili mo ang tama kaysa mali, at kung papaano mahusay na isakatuparan ito, unti-unti ay makakasanayan mo ito at magiging ugali na. Laging tandaan; anumang kinagigiliwan ay makakasanayan, at sa katagalan ay makakaugalian.
Sinuman ikaw, ang iyong pagkatao ay kabubuan 
ng iyong mga ugali.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Nasa Iyong Kaibuturan ang Lahat ng Kasagutan



Sisirin ang iyong kaibuturan, naritong lahat ang iyong mga kasagutan.
Marami akong nakasabay at nakasalubong sa aking paglalakbay sa buhay patungo sa direksiyon na nais kong marating . May nakita akong nakahinto, may tumigil na, ngunit ang karamihan ay bumabalik. Marami din ang nagpapahayag na sa kalagitnaan ng kanilang buhay, napatunayan nila na hindi nila ninanais ang kanilang napuntahan o kalagayan ngayon sa buhay. Nakaharap sila sa isang krisis na laging umaalipin at nagpapahirap sa kanila. Bagamat tinahak nila ang napiling landas, ang nadatnan nila ay masamang kapaligiran o isang patibong na ibinilanggo sila. Hindi mga nasisiyahan at may mga hinahanap na makapagpapaligaya sa kanila.
   Bagamat ang buhay ng bawat tao ay magkakaibá, naniniwala ako na ang makataong paglalakbay, ay napapalooban ng kaluwalhatian para magampanan kung bakit lumitaw at narito  pa tayo sa mundong ito. Kahit saan mang panig ng mundo o kulturang ginagalawan ng sinuman sa atin, may mga aspetong panuntunan na namamayani sa ating mga kalooban upang ipamuhay ang mga kalidad ng katotohanan, pagmamahal, kapayapaan at kaligayahan. Bawat isa sa atin ay ito ang matayog na hinahangad; mga kinakailangang sangkap para mabuó ang ating mga tahanan, pamayanan at ang pinakamabuting bersiyon ng ating tunay na pagkatao.
   Marami tayong taguri o ipinapangalan dito; Kalangitan, Paraiso, Nirvana, Hardin ni Bathala, Pagkamulat, Kamalayan, isang kundisyon na nagreresulta ng pinakamataas na kaligayahang hindi makakayang mailarawan ng mga kataga. Para sa akin, hanggat may nararamdaman akong hindi malirip at walang hanggang kaluwalhatian para mailabas ang nakatago kong mga potensiyal para sa kabutihan at kaligayahan, ito ang aking susundin at walang sawang tatahakin.
Sapagkat, "Ito ang tamang landas para sa akin."
   Natitiyak ko na ang kaalaman sa pinakaduló ng ating ginagawang paglalakbay sa buhay ay upang ganap na maisakatuparan at mapatunayan ang ating mga potensiyal para sa kaligayahan. Nabubuhay tayo upang ganap na maranasan ang kaligayahang nakatakda para sa atin. Kaysa nagmumukmók, dumaraing, naninisì, at nababagót sa buhay; sa halip, kilalanin nating maigì kung sino tayo at halukayin ang ating mga puso kung bakit patuloy tayong nabibigo na makita ang liwanag na siyang magpapaligaya sa atin. Nasa ating motibasyon makikilala ang tunay nating intensiyon sa buhay kung bakit binibigyan natin ng atensiyon ang mga bagay. Sapagkat sa lahat ng sandali, ay nililikha natin ang ating kaganapan.
   Ang tagumpay ay abót-kamay, ngunit makakamtan lamang ito kapag napatunayan mo ang Kaharian ng Langit na nasa kaibuturán mo.
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

Magtanim nang may Anihin

Wala kang aanihin, kung wala kang itinanim.
 
Magbungkal ng lupa. Kahit na mayroon kang mabuting binhi, kung wala ka namang pagtataniman na masaganang lupa, wala kang aanihing mabuting bunga. Bawat bagay ay may kalalagyan, subalit kung wala kang sapat na intensiyon sa ikakabuti nito at makakatulong sa iba, huwag nang pag-aksayahan pa ng panahon. Kung mahusay kang tagalikhà, kailangang batid mo kung papaano gamitin ang iyong potensiyal, mga kahalagahan, at hindi ka kuntento sa iyong pinaniniwalaan at nauunawaan. Sa sandaling pumasok na ang satispaksiyon sa diwa mo, simula na ito na mawalan ng saysay ang kalidad ng iyong nililikhà.
Magtanim nang puspusan. Ang lahat ng gawain ay bunga ng koneksiyon sa buhay. Hindi magagawa ng sinuman na magkulong sa tuktok ng isang tore; kailangan niya na magkaroon ng ugnayan sa kanyang kapwa, at ibahagi anuman ang mayroon sa kanya. Walang katuturan ang anumang karunungan at kaalaman kung hindi mo naman ito nagagamit para sa kaunlaran. Kung nais mong umani, matuto kang magtanim.

Umani nang masagana. Huwag magmadali, lahat ay may kanya-kanyang panahon. Sa pag-akyat sa hagdanan, kailangang tuntungan mo ang bawat baitang. Kung nais na maging bunga ang isang binhing buto, may mga kabanata itong susundin: Pagbungkal sa lupa, pagtanim ng binhi, pagdidilig at pag-aaruga sa halaman, pamumulaklak, pamumunga, pagpapahinog at pamimitas. Mapaklang kainin ang hilaw at hinog sa pilit, kung wala sa panahon at idinaan sa dahas at mabilisan, ito ay may aanihing kapinsalaán. 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan