Wala kang aanihin, kung wala kang itinanim.
Magbungkal ng
lupa.
Kahit na mayroon kang mabuting binhi, kung wala ka namang pagtataniman na
masaganang lupa, wala kang aanihing mabuting bunga. Bawat bagay ay may
kalalagyan, subalit kung wala kang sapat na intensiyon sa ikakabuti nito at
makakatulong sa iba, huwag nang pag-aksayahan pa ng panahon. Kung mahusay kang
tagalikhà, kailangang batid mo kung papaano gamitin ang iyong potensiyal, mga
kahalagahan, at hindi ka kuntento sa iyong pinaniniwalaan at nauunawaan. Sa
sandaling pumasok na ang satispaksiyon sa diwa mo, simula na ito na mawalan ng
saysay ang kalidad ng iyong nililikhà.
Magtanim nang
puspusan.
Ang lahat ng gawain ay bunga ng koneksiyon sa buhay. Hindi magagawa ng sinuman
na magkulong sa tuktok ng isang tore; kailangan niya na magkaroon ng ugnayan sa
kanyang kapwa, at ibahagi anuman ang mayroon sa kanya. Walang katuturan ang
anumang karunungan at kaalaman kung hindi mo naman ito nagagamit para sa
kaunlaran. Kung nais mong umani, matuto kang magtanim.
Umani nang masagana. Huwag magmadali, lahat ay may kanya-kanyang panahon. Sa pag-akyat sa hagdanan, kailangang tuntungan mo ang bawat baitang. Kung nais na maging bunga ang isang binhing buto, may mga kabanata itong susundin: Pagbungkal sa lupa, pagtanim ng binhi, pagdidilig at pag-aaruga sa halaman, pamumulaklak, pamumunga, pagpapahinog at pamimitas. Mapaklang kainin ang hilaw at hinog sa pilit, kung wala sa panahon at idinaan sa dahas at mabilisan, ito ay may aanihing kapinsalaán.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment