Ang kalidad ng
pagkatao ay hindi aksidente. Ito ay palaging resulta ng matalinong pagtatanong
kung sino
kang talaga.
Paano
ko ba makikilala ang aking
sarili? Saan ba ako magsisimula? Kung
walang mga katanungan ay wala ding mga
kasagutan. Ang karamdaman ay inaalam para malunasan. Upang malaman ang dahilan, kailangang alamin nang may resultang matutuhan.
Kapag may kaalaman, may masisimulan. Higit na mainam ang matiwasay na buhay
kaysa masalimoot na buhay. Narito ang paraan:
Maghanda ng bolpen at papel, umupo nang komportable sa isang lugar at hindi maaabala
nang sinuman. Ipikit ang mga mata at huminga nang malalim, hayaang
maglabas-masok ang hangin ng limang minuto. Magmuni-muni sa mga katanungang ito: Ano ang
ang aking gagawin kung sakali …
-ay nalaman kong
mayroon na lamang akong isang taon para mabuhay?
-may mapaminsalang
bagyo tulad ng “bagyong Yolanda” ang dumating sa aming lugar?
-ay dumating ang
isa kong kaibigan at humiling na tulungan ko siyang maglipat-bahay, ngunit
nakahanda na akong manood ng sine sa araw na ito?
-nalaman ko na ang
aming alkalde ay itinatago sa kanyang pribadong bodega ang mga donasyong
pagkain, damit at kumot para sa mga nasunugan, at ipinagbibili?
-nanalo ako sa
lotto ng tatlumpong milyong piso?
-may isang
oportunidad at sekretong proyekto na mailulusot ko at kikita ako ng malaking
pera na walang sinuman ang makakaalam?
-may kasama ako sa
trabaho na sinisiraan niya akin nang patalikod ang aming manedyer?
Pag-aralang mabuti. Napakahalaga
nito at kailangang maunawaan nang lubusan.
Ilang katanungan lamang ang mga ito na kailangan mong sagutin upang
makilala ang iyong tunay na pagkatao, o ang nakamaskarang mapait na pag-uugali.
Anuman ang maging mga kasagutan mo, ito ang iyong umiiral na karakter. Halimbawa, kung ang iyong kaibigan ay
may pakiusap sa iyo na tulungan siyang maglipat-bahay at ang iyong sagot ay, “Sori,
may mga trabaho akong aasikasuhin,” isa itong indikasyon na makasarili
kang kumikilos kaysa ang makatulong sa relasyon ng pakikipag-kaibigan. Habang
iniisa-isa mo ang mga katanungan, at nasasagot ito nang totoo at bukal sa iyong
puso, matututuhan mong arukin nang malalim ang iyong sarili at makilala ang mga
bahagi ng iyong pagkatao na nais mong baguhin at maitama. Kailangan ang iyong paninindigàn lamang ay yaong nagpapakilala ng tunay na
Pilipino mong karakter kung sino kang talaga.
Sapagkat dito
nakasalalay kung anong tipo ng relasyon ang ipinamumuhay mo
sa iba, at magiging uri ng kapalaran na naghihintay sa iyo.
Upang makamtan ang kaalaman, kailangang
mag-aral; subalit para makamtan ang kawatasan, kailangang magmatyag.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment