Thursday, June 27, 2019

Umidlip Lamang Huwag Matulog



Magising Ka Naman
   Ang dahilan kung bakit gising ang ilang tao, ay sapagkat tumigil na silang pumayag sa mga bagay na nang-iinsulto sa kanilang kaluluwa.

Makakabuti ang Pagtalikod
Nangyayari lamang ang mga bagay kung ikaw ay may pahintulot at lalo na kung may partisipasyon. Magagawa naman na talikuran at iwasan na ang mga ito, ...kung nanaisin mo.
Talikuran ang walang saysay na mga pagtatalo na humahantong sa alitan at kapahamakan.
Talikuran ang mga tao na humahamak at nagmamaliit sa iyo na hindi nakikita ang iyong kahalagahan.
Talikutan ang mga tao na kilala ka lamang kapag may kailangan sa iyo at may amnesya kapag kailangan mo sila.
Talikuran ang nakasanayang pagsunod sa kapritso o pagiging masunurin sa hilig ng iba.
Talikuran ang mga bumabalisa at nagpapagulo sa iyong isipan. Stress at dis-ease ang hatid nito.
Talikuran ang mga kritiko, mapamintas, at mapaghatol na mga tao. Papatayin ka nila sa konsumisyon.
Talikuran ang mga pagkatakot at mga kamalian na sumisira ng iyong hangarin na magtagumpay.
Talikuran ang mga walang saysay na mga libangan na umaagaw ng iyong mahahalagang sandali.
... at HARAPIN ang mga paghamon na gumigising at nagpapalakas sa iyo upang magtagumpay sa buhay.

Kapalaran Ko Ito



Sa lahat ng sandali ay laging may bumubulong na mahiwaga at munting tinig sa ating isipan. Dalawang uri ito; positibo at negatibo, kaligayahan at kapighatian, tagumpay at kabiguan, pagkabuhay at kamatayan.  At nasa iyong kapangyarihan kung sino ang susundin mo. Kung sino ang lagi mong sinusunod AT nangingibabaw sa lahat ng sandali ng iyong buhay, ...ito ang lumilikha ng iyong kapalaran.

Kunin Lamang ang Nakakabuti
Hindi lahat ng nasa iyong harapan o hapag ay kukunin mo nang buo. Kahit papaano ay may aalisin ka. Katulad sa pagkain ng isda, ang laman lamang ang maaaring isubo hindi ang mga kaliskis at mga tinik nito. Ganito din sa relasyon, tanggapin at gayahin ang mabubuti. Iwasan at huwag nang pamarisan o dagdagan pa ang mga kasakitan at wala sa katwiran.


Bawal ang Manggaya
Iwasang ikumpara ang iyong buhay sa iba at huwag hatulan sila. Hindi mo naranasan o ganap na mauunawaan ang nagawa nilang paglalakbay sa buhay.

Hayaan Sila
Kung nais mong talaga na maipamuhay ang iyong buhay na maligaya at matagumpay, marami ang hindi masisiyahan sa magaganap sa iyo. Mayroong maiinggit, maninibugho, magagalit, mamimintas at maninira. Marami sa kanila ang hindi matatanggap na nalagpasan mo sila, kung bakit nagawa mo ito at kung papaano. Subalit ang mga taong ito ay walang kinalaman anumang tungkol sa iyong buhay. IKAW lamang at hindi sila ang may tungkulin para sa iyong sarili.
... at ang pinakamahalaga, bago mo lisanin ang mundong ito, patugtugin mo naman ang iyong musika.


Masaya Ka na ba?



Maging masaya at palaging tumawa
Ngumiti, tumawa at humalakhak gaano man kabigat ang problema, dahil naisin mo man o hindi kusa itong magwawakas. Damahin ang kasalukuyan at pagindapatin ito kaysa maligalig sa nakaraan at katakutan ang hinaharap. Ang tanging may kapangyarihan ka na makagawa ng pagbabago ay hindi kahapon o bukas kundi NGAYON

Bilangguang walang rehas
Iwasang maging bilanggo ka ng iyong nakaraan kapag lagi mong binabalikan at binubuhay ang iyong mga kamalian. Payapain ang iyong nakaraan at iwaglit na ito sa isipan, upang hindi makawasak  sa kasalukuyan.

Problema na Huwag nang Problemahin pa
Mapabuti o mapasama man, ngumiti lamang at ang lahat ay madali na lamang. Hindi ikaw ang may-ari ng lahat ng problema sa mundong ito.
   Ang problema ay hindi pinag-uusapan kundi nilulunasan.

Talakayan sa Barangay Kupang


Nakakahiya daw
Hindi nakakahiya ang magkamali. Ang higit na nakakahiya, ...'yong lantarang mali ka na... pinipilit mo pang baluktutin ang kamalian mo at ipakitang tama ka. Ang masaklap pa dito, personalan na kung hiyain mo ang kausap ng mga paratang na walang katotohanan.

Iwasang Magalit
Ang pinakamainam na pagganti ay umiwas na lamang at tanggapin na isang leksiyon ang nangyari upang hindi na ito maulit pa. Huwag magbigay ng satispaksiyon na makita kang namimighati sa nangyari. Hanggat inaala-ala mo ang naganap at nag-iisip ng pagganti lalo lamang na pinalalakas mo ang hapdi ng nagawang kamalian.

Kailangang malaman natin at isagawa kung bakit lumitaw tayo sa mundong ito: 
Ano ba ang iyong layunin?
Anu-ano ba ang iyong mga responsibilidad?
Papaano mo ginagampanan ang iyong nakatakdang mga tungkulin?
May malasakit ka ba sa kapakanan ng iba?
Ano nga ba ang iyong tungkulin ngayon?

Likas na Katungkulan
Hindi ikaw lumitaw para mahalin o hangaan kundi ang magmahal at maglingkod. Hindi katungkulan ninuman lalo na yaong mga nakapalibot sa iyo na mahalin ka. Kundi ang magmalasakit at maging kasangkapan sa ikakapayapa at ikakaunlad ng inyong kapaligiran, ito ang iyong katungkulan.
Maging ikaw
...kahit na anuman ang iniisip ng ibang tao, ikaw pa rin ang may karapatan at may kapangyarihan tungkol sa sarili mo. May mabuting dahilan kung bakit ka nilikha at lumitaw sa mundong ito. Isaisip palagi, na orihinal at pambihira ka at walang katulad sa balat ng lupa. Higit kang mahalaga kaysa isang kopya!


 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Saan Ka ba Talaga Patutungo?

J

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan