Nakakahiya daw
Hindi nakakahiya
ang magkamali. Ang higit na nakakahiya, ...'yong lantarang mali ka na...
pinipilit mo pang baluktutin ang kamalian mo at ipakitang tama ka. Ang masaklap pa dito, personalan na kung hiyain mo ang kausap ng mga paratang na walang katotohanan.
Iwasang Magalit
Ang pinakamainam
na pagganti ay umiwas na lamang at tanggapin
na isang leksiyon ang nangyari upang hindi na ito maulit pa. Huwag magbigay ng
satispaksiyon na makita kang namimighati sa nangyari. Hanggat inaala-ala mo ang naganap at nag-iisip ng pagganti lalo lamang na pinalalakas mo ang hapdi ng nagawang kamalian.
Kailangang malaman natin at isagawa kung bakit lumitaw tayo sa mundong ito:
Ano ba ang iyong layunin?
Anu-ano ba ang iyong mga responsibilidad?
Papaano mo ginagampanan ang iyong nakatakdang mga tungkulin?
May malasakit ka ba sa kapakanan ng iba?
Ano nga ba ang iyong tungkulin ngayon?
Likas na Katungkulan
Hindi ikaw lumitaw
para mahalin o hangaan kundi ang magmahal at maglingkod. Hindi katungkulan
ninuman lalo na yaong mga nakapalibot sa iyo na mahalin ka. Kundi ang
magmalasakit at maging kasangkapan sa ikakapayapa at ikakaunlad ng inyong
kapaligiran, ito ang iyong katungkulan.
Maging ikaw
...kahit na anuman
ang iniisip ng ibang tao, ikaw pa rin ang may karapatan at may kapangyarihan
tungkol sa sarili mo. May mabuting dahilan kung bakit ka nilikha at lumitaw sa
mundong ito. Isaisip palagi, na orihinal at pambihira ka at walang katulad sa
balat ng lupa. Higit kang mahalaga kaysa isang kopya!
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment