Madalas nating marinig ang mga katagang, “Gulong ng palad” Alam din natin na
ang gulong ay gamit ng sasakyan, at kapag ito ay umaandar, ang gulong ay
umiikot o gumugulong. Kapag ang sasakyan ay nakatigil at ikaw ay nasa itaas ng
gulong, mapalad ka at maganda ang iyong kalagayan sapagkat nasa ibabaw ka.
Subalit paaano kapag umandar ang sasakyan at muling tumigil at sa pagkakataong ito ay napunta ka sa
ilalim, at nagkataon ito ay nasa putikan at mabahong lugar, hindi ka na mapalad
kundi minalas ka at nakalublob pa sa putikan. Ito ang gulong ng palad, habang
umiikot ito, minsan ay nasa ibabaw ka at kung minsan ay nasa ilalim ka.
Ang
mainam dito, habang patuloy ang pag-andar ng gulong, magawa mong mapanatili
na ikaw ay laging nasa ibabaw. Papaano ba ito?
May kataga din na ukol para dito, “Kapit tuko.”
Ang tuko ay matinding mangunyapit, kahit yugyugin mo ang sanga na kinakapitan
nito nang buong lakas at maraming ulit, hindi bumibitaw ang tuko sa pagkapit.
Ganito din ang pagdadala sa buhay, kapag narating mo ang ibabaw (nakaahon ka
mula sa ilalim), gawin mo na ang lahat nang makakaya mo, kumapit ka na nang
tulad ng tuko at huwag bumitiw. Iwasang makalingat o makatulog, ipagpatuloy ang
narating mong kalagayan at ipaglaban ito nang puspusan. At pakaiwasang bumalik
pa sa ilalim, doon sa dati mong pinanggalingan.
Ang daloy ng iyong progreso ay nasa
momentum, piliting mapanatili ito nang walang pagbabago kundi ang pag-ibayuhin
pa upang makatiyak ka... na hindi na babagsak pa.
No comments:
Post a Comment