Saturday, April 30, 2016

Manatili sa Pagtuon

Huwag mawili sa panandaliang kasiyahan. Lahat ng bagay lalo na yaong may buhay ay may katapusan. Bawat kaganapan, sitwasyon, kalagayan o kundisyon ay may katapusan. Bawat sandali ay nagbabago. Humarap lamang sa salamin at mapapatunayan ito: Ang taong nakaharap sa iyo sa salamin ay hindi na tulad pa ng dati, malaki na ang ipinagbago nito. At kung hindi ka pa mulat sa ngayon, at hindi binibigyan ng pansin ang paglipas ng panahon, magigising ka na lamang isang umaga na ikaw ay napag-iwanan na.
   Marami sa atin na tila walang pagkasawa at nahuhumaling sa mga kaganapan sa paligid, gayong sa ilang iglap lamang ang lahat ay matatapos. Naisin man natin o hindi, walang katiyakan ang buhay. Maraming sanhi para ito matapos: malubhang karamdaman, aksidente, karahasan, masamang bisyo o kapabayaan sa sarili, at nakatakdang katandaan.
   Ang ating buhay ay hiram lamang at sa anumang sandali ito ay kukunin at matatapos. Huwag nating balikan pa ang nakaraan, dahil lipas na ito at hindi na natin magagawa pang balikan. Huwag naman nating hintayin o asahan pa ang hinaharap, sapagkat walang nakakatiyak kung ito ay magaganap pa. Ang bigyan natin ng pansin ay ang ngayon, ang mga sandaling ito. Panatilihin nating pagtuunan ng pansin ito, dahil narito ang tunay na reyalidad at magiging kapalaran natin.

   Sa mga sandaling ito, anuman ang ating ginagawa, mapabuti o mapasama man ito, ay nililikha na natin ang ating kapalaran. 

No comments:

Post a Comment