Tuesday, September 16, 2014

Masaya kapag Magkasama


Ang maligayang pagsasama ay bigkisan ng dalawang tao
na marunong magpatawad.


Mayroong mag-asawa na magkasamang nagpapatakbo ng kanilang negosyo. Sinimulan nila ang negosyong restoran, ang “Hapag-kainan sa Libis," may 18 taon na ang nakakaraan. Ayon sa kanila, bagama’t dumanas sila ng matinding hirap sa simula, naging madalas ang kanilang alitan hindi sa pagpapatakbo ng negosyo, kundi sa namagitang relasyon sa kanilang mag-asawa. Narito ang suhetisyon ni Carina, ang may-bahay, kung papaano ang inyong pagsasama bilang mag-asawa (o, magnobyo man) kapag parehong nagtatrabaho sa inyong negosyo.
 Tanong: ”Papaano kami makakalikha ng isang magandang pagsasama ng aking asawa?”
1-Walang iwanan at patuloy na magtulungan."Nagsumpaan kayo noong kayo ay ikasa,l na 'sa hirap at ginhawa ay laging magkasama.' At nagsumpaang muli bilang magkasosyo sa negosyo, na “malugi at kumita man ay walang sisihan.” Ang bilin niya, “Masaya ninyong harapin ang mabiling panahon at matumal na panahon nang magkasama, nang walang paghatol kundi bilang paghamon sa inyong kakayahan.”
2-Iwasan ang tagisan o “pataasan ng apog”. "Hindi maiiwasan ang hindi pagkakasundo sa ilang mga bagay, subalit kailangang higit na nakakaunawa at nagpaparaya kung sino ang may mainam at praktikal na ideya na makakatulong sa pag-unlad. Pakawalan ang pagmamalaki o kayabangan na mas magaling ang isa at palpak naman ang isa. Hahantong lamang ito sa hindi pagkakasundo at makakaapekto sa inyong negosyo.”
3-Panatilihin na ang trabaho ay trabaho. “Huwag mag-uwi sa inyong bahay ng anumang may kinalaman sa trabaho na pagmumulan ng pagtatalo at mauuwi sa alitan. Malaking pahamak ito sa itinayong negosyo, at pagsisimulan ng gulo.”
4- Sa bawat pagkilos, ilakip ang pagmamahal. “Ang pagmamahal ay laging isang paghahandog—malaya, buong pusong mapagbigay, at walang inaasahan o hinihintay na kapalit. Hindi tayo nagmamahal para mahalin, kundi ninanasa nating magmahal."
5-Akuin ang nagawa. “Kung ako ay namali, ito ay aking responsibilidad, gaano man ito kaliit o kalaki ay inaako ko kaagad. Nakakatulong ito nang malaki para maiwasan ang anumang pag-aalala at hinala kung sino ang maysala.”
6-Isaisip ang kapakanan ng bawat isa. “Hindi mo pinakasalan ang isang tao; ang pinakasalan mo ay tatlo: ang pinakasalan mong tao na iniisip mo kung sino siya, ang pinaakasalan mong tao na iniisip niya kung sino siya, at ang tao na magiging siya bilang resulta nang pagkaka-kasal niya sa iyo. At bilang asawa, katungkulan mong gampanan ito."
7- Huwag kalimutan na tumawa. “Kung laging may tawanan at tudyuhang nakapagpapasaya, patuloy ang ligaya. Hangga’t nagkakawilihan ang isa’t-isa, at palaging tumatawa, ito’y walang hintong pagsasama.”

Hanggat marami tayong bagay na tinatawanan, lalo tayong nagkakabuhay. Hanggat marami tayong tinatawanan na magkasama, lalong tumitibay ang ating koneksiyon sa isa’t-isa.


No comments:

Post a Comment