Ang buhay ay tulad ng alingawngaw
(echo)—anuman ang
ipadala mo
ay siya ring bumabalik.
Marami ang hindi nakakapuna na walumpong porsiyento (80%) ng kasiyahan
o satispaksiyon sa buhay ay nagmumula sa mga relasyon na may pagmamahalan at
pagkakaisa. Isipin ang tungkol dito… kapag nasa dulo ka na ng iyong buhay at
babalikan mo ang mga alaala ng kahapon, anong mga bagay ang tunay na mahalaga at
sadyang hindi mo makalimutan?
Anim na kataga lamang…
ang kalidad ng iyong mga relasyon.
Pag-aralan
ang tanong na ito: Kung ang iyong mga
relasyon ay siyang pinakamahalagang bahagi ng iyong buhay, ano ang ginagawa mo sa
ngayon--para ang mga ito ay magkatotoo?
Isa
pang tanong: Ano ang
pinaka-epektibong paraan para makalikha at maipagpatuloy ang mabuting mga
relasyon sa iba?
Buong
pusong tanggapin ang nakaatang na responsibilidad (100 porsiyento) sa pakikipag-relasyon, at walang inaasahan o
hinihintay na kapalit (0-sero porsiyento)
maging salapi, tulong o materyal na bagay. Gawin itong prinsipyo sa buhay, formula 100/0, at nakalaan doon sa mga
tao sa iyong buhay na kung saan ang mga relasyon ay napakahalaga at mabilis na
gampanan, iwasan, hatulan, punahin, pintasan at sisihin.
Madali lamang na matupad ito at kusang
sumisibol sa ating mga puso, kapag ginampanan nang puspusan at makatao. Bilang tunay na Pilipino, kailangan ang wagas
na pagtaustos (commitment) sa
relasyon at matatag na disiplina sa sarili na mag-isip, kumilos, at magbigay ng 100 porsiyento. Bawat isa sa atin ay kailangang mabatid ang mga relasyon
na kung saan ang prinsipyong ito ay tuwirang nararapat.
Hakbang
1—Tiyakin kung ano ang magagawa mo para mapabuti ang relasyon… at gawin kaagad
ito. Ipakita ang paggalang (respect)
at kabutihan (kindness) sa kapwa,
kahit na karapat-dapat ito o hindi para sa kanya.
Hakbang
2—Huwag umasa ng anuman bilang kapalit. Bamban, hungkag, zero, zip, kaput, nada.
Hakbang
3—Iwasan ang anumang, binibigkas, pinupuna, pinipintasan, sinisisi o ginagawa (kahit
na sukdulang paghamon at nanggigigil ka na)… na mapektuhan ka. Sa madaling
salita, huwag kagatin ang pain o patibong na inihahanda sa iyo para mapighati ka. Sinuman ay hindi makakaapekto sa iyo kung wala kang pahintulot.
Hakbang
4—Ibayo pang magsikhay at patatagin ang iyong pagka-magiliw at kabutihan. Higit
na mainam kung may kasama pang lambing at pagmamalasakit. Kadalasan ay madali
tayong sumuko at bumigay kaagad, lalo na kung ang ibang karelasyon ay hindi agad napansin at
sinuklian ito ng kapalit kahit anuman. Tandaan, huwag umasa ng anumang kapalit.
Kung minsan (madalang ito), ang relasyon ay
nananatiling balakid at isang paghamon, nakalalason, kahit na 100 porsiyento at
ibayong disiplina ang itinataustos mo dito. Kung ito ang nagaganap, kailangang
iwasan ang “Maalam (Knower)” at palitan
ito bilang “Nag-aaral (Learner).” Iwasan
ang Maalam na mga pahayag/kaisipan tulad ng “Hindi ka na natututo,” “walang
kwenta ang nagawa mo,” “Ako ang tama at nakapag-aral, at ikaw ay mali,” “Makinig
ka sa akin nang mabago ang buhay mo,” “Kailangang matutuhan mo ang paniniwala
ko para lumigaya ka.” “Sundin mo ako para gumanda ang pagsasama natin,” at
atbp.
Higit na mainam ang Nag-aaral na
pahayag/kaisipan tulad ng “Hayaan mong pag-isipan ko kung ano ang mangyayari
nang maunawaan ko ang sitwasyon,” “Maaaring namali ako,” Nais kong malaman kung
ano ang tunay na intensiyon mo sa bagay na ito?” “Puwede bang malaman ko kung
bakit ka nagagalit?” “Kung maaari lamang, pabayaan mo muna akong
makapag-paliwanag,” at atbp. Sa madaling salita, maging mapagtanong at hindi
ang mag-reaksiyon kaagad!
Pambihira ang paraang ito at iilan lamang sa
atin ang gumagamit; Kapag ipinairal mo ang iyong katapatan bilang tunay na ikaw
(tunay na Pilipino) sa isang relasyon, kadalasan kaysa hindi, ang ibang tao ay
mabilis na sinusuklian ito ng katulad na responsibilidad. Kung ano ang iyong
ipinadama ay siya ring ipadadama sa iyo. Kapag pagmamahal, ang kapalit nito ay
pagmamahal din. Hiyaw at galit ang ipinapakita mo, ito din ang igaganti sa iyo.
Anuman ang iyong itinanim ay siya mo ding aanihin.
Sa pangyayaring ito, ang 100/0 na relasyon
at mabilis na napapalitan hanggang sa umabot ng 100/100 na mabuting relasyon—isang patuloy na pakikitungo para sa maligayang
pagsasama at matiwasay na buhay.
Ang simula ng pag-ibig ay hayaan ang ating mga
minamahal na makilala at yumabong ang kanilang mga sarili, hindi ang pilipitin
sila na magaya ang ating pagkatao. Kapag lagi tayong nagtuturo, ang minamahal
lamang natin ay ang ating repleksiyon na kailangang makita natin sa
kanila.
No comments:
Post a Comment