Kapag pakikipagkaibigan, tandaan
ito, kung pakikisamâ naman, kalimutan ito.
Marami
ang nakakapuna sa tipo ng relasyon na may bahid ng “pakikisama.” Dahil mistula ito na isang pikit-matang obligasyon na
walang hangganan. Kailangang marunong kang makibagay at makisunod sa anumang
panahon, mga pagkakataon, at kahit na sa mga karaniwang bagay. Sapagkat
pakikisama ang layunin, kailangan ang panunuyô. Walang iwanan at sisihan kahit na
anuman ang mangyari. Alipin na nakabilanggo ang relasyong tulad nito. Hindi
malaya at laging sunod-sunuran na tila may kinatatakutan.
Sa katagang “pakikisama,” kinalimutan mo na
ang tungkol sa iyong sarili basta magiliw kang tinatanggap ng iyong mga
kasamahan. Isa itong PAKIKI-usap para lamang mai-SAMA anuman ang kahinatnan. Para
masabi lamang na may grupo o pangkat kang sinasamahan. At kung ito ay walang
makabuluhang layunin para sa kapakanan ng bawa’t isa, pakikisamâ ang umiiral dito at hindi pakikiunlad. Hindi kailangang
ipakisama kung ang layunin mo ay mabuti at kapakinabangan ang tinutungo. Ang
mabuting gawain na huwaran ay sinasamahan, hindi ipinapakisama.
Kapag nagnanasang makisama at manuyo sa
ibang tao, mapapansin natin na taliwas at sumasalungat ito sa tunay na
pakikipagrelasyon. Hindi ito pantay kapag higit kang nakikisama kaysa sa normal at karaniwang relasyon. May paborito at nakikisama para higit kang tanggapin ng iba. Kapag
ginagawa ito, naliligaw ka sa iyong tunay na layunin sa buhay. Ang tunay na
pagkatao ay hindi ipinapakisama, kundi ipinapakilala sa gawa. Walang panunuyo, hindi
amuyong, at palasunod.
Sa ganang akin, ang pakikisamà ay pakikisamâ. Makipag-kaibigan nang walang pakikisamâng namamagitan.. Kung nais
mo ng matalinong buhay, ipamuhay mo iyong paraan at paninindigan, hindi sa pahintulot
o aprobal kung matatangap ka ng
iba.
Sa dalawang tao na laging magkasama,
ang relasyon ay magkapantay.Subalit kapag ang isa ay palautos at ang isa naman ay
palasunod; nakikisama ang palasunod at bisyo na ang manuyo.
No comments:
Post a Comment