Upang maihinga ang nagpapasikip sa hininga,
kailangang malalim na huminga.
Huwag
kalimutan ang huminga. Yaon lamang mararahas ang nakakalimot na huminga at laging napapahamak.
Kapag nagagalit at hindi na mapigilan ang panggagalaiti, bumilang nang hanggang
sampu. At kung tahasang galit na galit na, bumilang nang hanggang sandaan. Sa pagitan
ng mga ito, mahalaga ang paghinga nang malalim. At magawang magtimpi at pag-aralan ang susunod pang mga hakbang.
Ipinanganak tayo na batid natin ang
paghinga, ngunit sa kung anong kadahilanan, ay isa itong bagay na madali nating
malimutan, lalo na kapag tayo ay nababalisa, nakaharap sa mabigat na problema
at matinding paninimdim. Mapapansin na lamang natin na nagsisikip ang ating dibdib na parang nalulunod. Sa dahilang bumibilis ang tibok ng ating puso at kinakapos tayo ng hangin.
Magtungo sa isang payapang lugar, umupo at ituon ang
pansin sa paghinga. Huminga nang malalim at hayaang maglabas-masok ang
sariwang hangin sa dibdib. Pakawalan ang anumang nagpapasikip sa iyong kalooban. Hayaan ang isipan na kusang humupa at manatiling matiwasay. Malaking bagay ang magagawa nitong kaibahan upang magliwanag
ang iyong isipan at saloobin sa araw na ito.
Walang mahihita kung paiiralin ang paghihimagsik ng kalooban sa problemang kinahaharap. Higit pa nitong inaapuyan ang suliranin para lalong mag-alab. Magpahinga at huminga, nang maihinga ang anumang nagpapainit sa kaibuturan ng iyong puso. Alalahanin na kapag nakalimutan damahin ang paghinga... tuluyan ka nang mawawalan ng ulirat at wala ka nang maihihinga pa.
Higit na makabubuti ang huminga nang malalim at palipasin ang anumang panimdim nang makawala ang suliranin.
No comments:
Post a Comment