Monday, February 28, 2011

Kawikaan 401: Patnubay sa Buhay


Tinipon at Isinaayos ni Jesse N. Guevara              wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan

   Naritong muli ang isa pang lupon ng mga Pambihirang Kawikaan at patutsaba upang bigyan kayo ng panibagong lakas at pananaw sa magiting na pagkikibaka sa buhay. Pinatutunayan nito ang pagkakaroon ng malayang paglilimi at kaisipang kailangan natin sa tagumpay.

401- Ang una at pinakamahalaga sa lahat ng kayamanan, ay ang kalusugan.

402- Huwag hayaan na ang mga bagay na hindi mo magagawa ay makagambala sa mga bagay na kaya mong magawa.

403- Lahat ng paninisi ay pag-aaksaya ng panahon. Anumang kasalanan ang hinahanap mo sa iba, at gaano man katinding kamalian ang isisi mo dito, hindi pa rin mababago nito ang iyong pagkatao.

404- Huwag humanap ng kamalian, ang hanapin ay ang kalutasan.
 
405- Ang pinakamalaking mga bagay na nagawa sa daigdig ay sinimulan mula sa maliit, unti-unti, palaki nang palaki hanggang sa ito ay ganap na matapos.

Para sa iyo ---
406- Saliksikin ang bawat araw. Inihandog ito sa iyo upang pagyamanin.

407- Kapag inihalintulad ang sarili mo sa iba, pawang panggipuspos at kapighatian ang sasaiyo. Sapagkat laging may nakakahigit at nakakababa kaysa sa iyo.

408- Tamasahin ang nasa iyo habang patuloy ang hangarin mong makamtan pa ang iba.

409- Bawat bata ay makasining, dangan nga lamang kung papaano ito pananatilihin hanggang sa kanyang paglaki.

--sa mga kabutihan mo sa akin.

410- Ang makata ay isang tao na naglagay ng hagdanan patungo sa bituin. At habang umaakyat siya ay tumutugtog sa biyolin.

411- Dalawang aso ang nag-away sa kapirasong buto, nang malingat ay itinakbo ito ng pangatlong aso.

412- Ibahagi anuman ang iyong nakamtan. Maliit o malaki man ito, ay mahalaga sa nangangailangan.

413- Maging masaya sa bawat sandali, ito ang magpapaligaya sa iyo sa habang buhay.

414- Kung wala kang panahon na magawa itong tama, kailan ka magkakaroon ng panahon na muling itama ito? Ngayon? Bukas? Balang araw? Mamili ka, alinman dito ay masusunod.


Humalakhak ---

415- Kung maaari sana, huwag turuang kumanta ang mga baboy, pag-aaksaya ito ng panahon at ikinaiinis ng mga baboy.

416- Ang pumipigil lamang na maisakatuparan ang kinabukasan ay ang ating mga pag-aalinlangan sa araw na ito.

 417- Maging ikaw nang lahat na nasa iyo, at ipagbunyi ito.
 
418- Pakiusap: Huwag pagbawalan ang mga kaaway habang sila'y abala sa paggawa ng kamalian.

--at sila'y hahalakhak din. . .


419- Ang pagkakaiba sa pagitan ng hindi mangyayari at mangyayari ay nasusukat sa matinding hangarin.

420- Natutuhan ko; na ang pinakamalaking bahagi ng ating kapighatian o kalungkutan ay hindi nasasaklaw ng mga pangyayari, bagkus ito'y bunga ng ating mga naging kapasiyahan.

421- Maraming taon na hindi ko kinakausap ang aking asawa, ayaw ko kasing sumagot habang siya ay nagsasalita.
 
422-Walang buhay na naaaksaya, kahit na masamang damo ay nagagawang pataba.


423- Sa alaga kong aso, ako ay hari. Kaya nga pinili ko ang aso kaysa maraming kaibigan.

424- Ang kuwago, bagama't panggabing ibon, ay nangangailangan pa rin ng liwanag sa kanyang paningin.

425- Upang maging maingat, tinatanggap ko lamang ang isang uri ng kapangyarihan; ang kapangyarihan ng sining kaysa basurang panoorin, at tagumpay ng imahinasyon kaysa paggamit ng dahas.

426- Siya na napapangiti sa panahon ng krisis ay may nakahandang iba na sisisihin.

427- Ang mga aso ay maraming kaibigan, sapagkat ang buntot nila ang malikot hindi ang dila.

428- Alam kong nakamit ko na ang kawagasan ng disenyo, hindi sa wala na akong maidadagdag pa, at ito'y kapag wala na akong babawasin, aalisin, o tatakpan pa dito.

429- Sa buhay na ito ay walang mga gantimpala o kaparusahan man, bagkus mga kinalabasan lamang ng ating mga naging kapasiyahan.

430- Huwag laging binabanggit ang "Hindi ko inaasahan ito!" Ang buhay ay laging ibinibigay sa iyo katulad ng anumang inaasahan mo sa kanya . . . Palagi ito.

431- Anuman ang nakuha mo sa iyong pinaroonan ay hindi higit na mahalaga; kaysa kung anong magaganap sa iyong pagkatao, kapag narating mo ito.

432- Sa pagragasa ng tubig at paghaplit sa bato; ang tubig ang siyang laging nananalo --- hindi ang matibay at malakas, bagkus ang walang humpay na pagdaloy.


Alay ko sa iyo ---
433- Gawin ang iyong bahay na maging tahanan. At punuin ito ng pag-ibig na walang pagmamaliw.

434- Inaasam-asam kong makatapos ng isang dakila at marangal na tungkulin, subalit pangunahin kong katungkulan ang unahing matapos ang maliliit na mga bagay na itinuturing kong dakila at marangal.

435-Tuklasin ang kapangyarihan ng imahinasyon, at iwasan ang maging bihasa sa maraming bagay. 

--sapagkat ikaw ang buhay ko. 

436- Ang kasiglahan ang nagpapahiwatig ng pagkakaiba sa pagitan ng katamtaman at kaganapan.
                                           
437- Pakantandaan, walang alinmang bagay maging ito ma’y katiting na kagandahan ng loob. Bawat pagkilos ay lumilikha; tulad ng paglabusaw ng tubig, lahat ng maalunan nito ay nababago.

438- Ang unang hakbang na ito ---sa pagpili ng lunggati at hangaring magtagumpay ---ay siyang nagpapabago sa lahat ng bagay.

439- Kung may katotohanan na ang paglangoy ay maganda sa katawan, papaano ang nangyari sa balyena?

440- Ang lihim kung papaano magsisimula ay ang basagin ang kabubuan, malalaking tungkulin sa maliliit at makakayang gawin, at simulan kaagad ang pinakauna.

441- Tamasahin ang iyong mga tagumpay, lalo na ang iyong mga balakin.

442- Sana ay maging tunay ako, gaya ng iniisip ng aking alagang aso sa akin.

443- Humayo na mahinahon sa gitna ng kaingayan at pagmamadali, at pakatandaan; ang maging mayapa ay nasa katahimikan.

444- Nais mong maging maligaya? Magsagawa ng lunggati na mangingibabaw sa iyong kaisipan, magpapasigla sa iyong lakas, at magbibigay ng inspirasyon sa iyong pag-asa.

445- Lahat ng tao ay nagiging masaya kapag isinaisip nila itong mangyayari.

446- Upang mapagtagumpayan ang mga dakilang gawain, hindi lamang tayo dapat kumilos, manapa'y ang mangarap, at hindi lamang ang magbalak, bagkus ang maniwala.

447- Magagawa mong mapunit ang tambol, at paluwagin ang kuwerdas ng gitara, subalit hindi mo mapipigilan ang pag-awit ng malayang ibon.

448- Talaga namang pangit ako. Noong ako'y ipanganak; sa halip na ako ang paluin, ang nanay ko ang pinalo ng doktor.

449- Kapag nagawa mo nang pagkatiwalaan ang iyong sarili, matututuhan mo na kung papaano mabuhay.


 Gagawin ko ito ---
 450- Mahalin at kahiligan ang iyong gawain; ito ma’y karaniwan, ay tanging sa iyo sa pabago-bagong kasaganaan at kasalatan ng panahon.

451- Ang tao na gumagawa na gamit ang kamay, ay manggagawa; ang gumagawa na gamit ang kamay at kalakip ang isip, ay manlilikha ng maraming bagay; at yaong gamit ang kamay, kalakip ang isip, at may kasiglahang ng puso, ay alagad ng sining.

452- Kapag nakarinig ka ng tinig mula sa iyong sarili na nagsasabing "hindi ka makapagpipinta," anumang mangyari ay magpinta ka, at ang tinig na ito ay patatahimikin.

--dahil nais kong magtagumpay at lumigaya.


453- Ang inaalaala ko lamang sa kuting, kapag ito'y lumaki na at maging pusa.

454- Talos natin na ang sining ay hindi katotohanan. Ito ay isang kasinungalingan na nagagawang matanggap natin ang katotohanan.

454- Isaalang-alang na huwag magkunwari sa pagtatangi. Lalo na ang maging mapaghinala tungkol sa pag-ibig. Sapagkat sa kabila ng tigang nito at di-pagkagiliw, ito ay nagpapatuloy tulad ng damo.

455- Ang pagsasama ni Adan at Eba ay huwaran. Hindi nagselos si Eba sa ibang babae at nakisama sa biyenan. Samantalang si Adan ay hindi naranasan ang ipantay sa ibang lalake, at laging magtungo sa mga tindahan upang mamili ng iba't-ibang regalo sa ibat-ibang pagdiriwang.

456- Ang tumatahol na aso ay hindi nangangagat.

457- Maging maingat sa pag-aasikaso ng iyong pangangalakal, sa dahilang ang daigdig
         ay nababalot ng pandaraya. Subalit huwag pahintulutan na ang iyong paninindigan
         ay bulagin nito.

458- Sakali man na kakaway ka, lahat ng daliri mo'y isama.

459- Ihinto ang pagharap sa buhay na laging batbat ng pagkaawa at paninisi sa sarili, maging ang pagtanggap sa lahat ng kamalian. Hindi tayo likas na masama tulad ng ating iniisip.

460- Kailanman ang hiwalayan, pag-aaway, at pagtatalo ay hindi malulutas ang iyong mga suliranin;
          Mabuti pang subukan ang umunawa, nakabukas ang puso, at maalab ang hangarin na 
          magkasundo.

461- May mga panahong nais mong matapos na ang isang relasyon, datapwat huwag tapusin kailanman ang makipagrelasyon.

462- Iwaksi ang kapalaluan; kalimita’y kamalian ito, bagkus lumikha ng hangganan at pigilan ang maging malapit.

463- Kung sa akala mo'y walang magagawa ang maliliit, subukan mong matulog sa isang silid na maraming lamok.

464- Panatilihin ang bata na nasa iyo ay laging buhay, tumatawa, masigla at naglalaro.


 Hindi ako tumitingin ---
465- Pahalagahan ang sarili. Ang mga taong nagpapahalaga lamang sa pamahiran ng paa sa may pintuan ay yaong may maruruming sapatos.

466- Lumikha ng hardin, tamnan at payabungin. Palalawigin nito ang mga taon sa iyong buhay.

467- Sa paningin ng pusa, lahat nang makita nito ay kanya.

 468- Gaano man ang katapangan ng usa, natatakot ito sa gutom na leon.

--tumititig ako . . .

469- Libu-libong matatalino ang nabubuhay at namamatay nang hindi natutuklasan --- dahil sa kapabayaan nila o pag-iwas sa kanila.

470- Ang lahat ng likhang sining ay pamana; sa talaba, ang perlas ang kanyang pamana.

471- Ang magaling na tao ay banayad sa kanyang pananalita, subalit maliksi sa kanyang mga pagkilos.

472- Biskasin ang katotohanan ng tahimik at malinaw; at makinig sa iba, maging sa mapurol
          at mangmang; sila man ay may sariling salaysay.

473- Gumawa ng kabutihan nang walang hinihintay na gantimpala; ligtas sa inaalaala, at isang araw may isang makakagawa din nito para sa iyo.

474- Masuyong tanggapin ang pangaral ng mga taon, at mapitagang ipagkaloob ang mga bagay ng kabataan.

475- Hanggat maaari, walang pag-aalinlangan o pagsuko man, makipagmabutihan sa lahat ng tao.

476- Ang panahon lamang na nawawalan ako ng pag-asa ay kapag naiisip ko ang lahat ng bagay na nais kong magawa at sa kakarampot na nakalaang panahon upang magawa ko ang mga ito.

477- Siya na huling tumawa, ay maaaring hindi naunawaan ang patawa.

478- Kinalulugdan kong higit ang taong may isang ideya na nagawa niya,  kaysa sa taong may maraming ideya na walang isa man na nagawa. 

479- Ang tunay na alagad ng sining ay yaong ginagawang libangan o pagdiriwang ang kanilang gawain. 


Humarap sa salamin ---
481- Kailanma’y huwag humingi ng paumanhin kung nagpapahayag ka ng iyong damdamin. Dahil kapag ginawa mo ito, ipinagpapaumanhin mo ang katotohanan.

482- Ang mga tao ay makakagawa ng pamayanan, subalit ang mga institusyon lamang ang makakagawa ng isang bansa.

483- Ang pangunahing tatlong bagay upang magtagumpay ay mabuting pang-unawa, ibayong paggawa, at matinding pagtitiyaga.


484- Hangga’t talos ng tao ang kanyang nagawa, nag-iibayo ang kanyang kabatiran  kung anong dapat na gawin para dito.

  --at alamin kung may nagbago sa iyo.


485- Ang pinakadakilang kabutihan na magagawa mo sa isang tao ay hindi ang ibahagi mo ang iyong kayamanan, bagkus ang ipabatid mo sa kanya ang kanyang pagkatao.

486- Maraming tao ang nagpapakasakit sa matayog na mga pangarap; at alinman, saanman, at kailanman, --- ang buhay ay kinapapalooban ng mga kabayanihan.

487- Lagi kong napapansin na ang mga bagay na hindi ko binanggit, kailanma’y hindi nakapinsala sa akin.

488- Buksan ang mga durungawan, at langhapin ang sariwang hangin. Pinahuhupa nito ang simbuyo ng damdamin.

489- Maglaro tulad ng bata at masayang tumawa. Ito ang susi ng kabataan.

490- Ang nauna ang siyang nakakuha ng talaba, at ang nahuli ang nakakuha ng talukap nito.

491- Huwag tumingin sa mga papuri maliban sa pagnanais na gampanan ang lahat mong makakaya.

492- Banayad na inumin ang tsaa, may angking ligaya ito kapag nalalasahan.

493- Makipagtalastasan nang may paggalang at malumanay na mga salita.


Hindi na muling magbabalik pa ---

494- Iwasan ang maiingay at mararahas na mga tao; sila’y pangsilab at pampagulo sa iyong pagkatao.

495- Ang saging ay panglunas sa tagiyahawat. Kasi, wala pa akong nakitang matsing na may tagiyahawat.

496- Mabuhay na parang mamamatay ka bukas. Mag-aral na parang mabubuhay ka sa habang panahon.

497- Walang tao ng binigyan ng pagpupugay sa kanyang natanggap. Ang pagdakila ay nakakamit bilang gantimpala sa kanyang naibigay.

--pagyamanin natin ito. . .



 498- Ang mga taong matatagumpay at mga nabibigo ay walang gaanong pinagkaiba sa kanilang mga kakayahan. Nagkaiba lamang sila sa kanilang matayog na hangarin na tuklasin ang kanilang kagalingan.

499- Magkaroon ng pusong kailanma’y hindi tumitigas, at paghaplos na kailanma’y hindi nakakasakit, at kalakip ang pagmamahal na kailanma’y hindi napapagod.

500-  Ang hapdi ng paghihiwalay ay walang anuman sa kaligayahang makakamtan kapag nagkitang muli.


 Marami pang kasunod, laging subaybayan.

Ang inyong kabayang Tilaok,
 Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment