Tuesday, February 01, 2011

Mga Bugtong


   Bahagi na ng ating kultura ang mga bugtong. Sa tuwing may umpukan at katuwaan, ginagamit itong isang larong palaisipan. Pinatatalas nito ang ating kamulatan sa mga bagay, kalagayan, gawain, at mga relasyon sa ating kapwa. Ang mga pangungusap nito ay isang mabisang paraan ng pagtatanong na nangangailangan ng matalas at hindi inaasahang naisip na katugunan.
    Maihahalintulad din natin ito na isang anyo ng pigang-utak o pagkatas ng nakatagong kaisipan. Sa pangkalahatan, ang bugtong ay madalas na ginagamit doon sa nakakaalam ng kasagutan nito. Tinatanggap ang paghamon at nagbabasakali sa pagsagot, maging tama o mali man ito. Nagbibigay ng ilang palatandaan o kataga ang nagtatanong ng bugtong, upang makahula ang tinatanong.
   Laging isa lamang ang tamang kasagutan sa bawat bugtong, at karaniwang tama ang nagiging kasagutan maging ito man ay pagsubok o hula lamang.

Tungkol sa mga Hayop at Insekto

1- Madulas at di-mahawakan, sa abo ang damit nito ay nahuhubaran.

2- Heto na si ingkong, paikot-ikot at bubulong-bulong.

3- Napakaliit man tignan, sa pag-iimpok ay uliran.

4- Anong itlog ang may buntot?

5- Mahilig maglambitin, paghahabi ng sinulid ang habilin.

6- Sakdal liit, ngunit kung humuni’y walang patid.

7- Nakapalupot na lubid kung turingan, mapanganib na hawakan.

8- Sa madaling-araw laging sumisigaw, siya ay matapang daw.

9- Sa maghapon ay nahihimbing, sa magdamag ay gising.

10- Kung kumilos ay paika-ika, laging sunong ang kaniyang dampa.

11- Hayop na mapangahas, sa ilawan ay nagdiringas.

12- Wala anumang kagamitan, nakakagawa ng kabahayan.

13- Ale-ale na may pakislap, ang lampara mo’y maliwanag.

14- Ibong kong itim; nang putulan ng dila, ay saka nakapagsalita.

15- Ang huni mo’y namimilipit, sakdal ka namang kay liit.

Mga sagot:  1. Igat ,  2. Bubuyog,  3. Langgam,  4. Lisa, 5. Gagamba, 6. Kuliglig,   
                    7. Ahas,  8. Tandang na manok,  9. Kabag-kabag o paniki, 10. Pagong,   
                    11. Gamugamo,  12. Gagamba,  13. Alitaptap, 14. Martines,  15. Pipit
                   

May karugtong na Mga Bugtong;  
Tungkol sa mga bungang-kahoy, gulay, bulaklak, kagamitan, hanapbuhay o gawain,
mga bahagi ng katawan, tirahan, mga iba’t-ibang bagay, atbp.

Subaybayan at kawiwilihan!

No comments:

Post a Comment