Tanging sa iyo aking anak,
Hindi na magtatagal pa ang aking buhay. Bilang na ang mga araw na ilalagi ko sa mundong ito. Ayon sa mga doktor na sumuri sa akin, mapalad na ang umabot pa ako ng isang buwan.
Kahit sa kalagayang kong ito, lubos akong nagpapasalamat sa Dakilang Lumikha at pinagkalooban pa Niyang lumawig kahit panandalian man lamang, na maging makabuluhan ang natitira ko pang panahon. Bagamat nalilito pa rin ako kung ano ang aking uunahin sa mga mahahalagang sandali, hindi ko ganap na mailalarawan ang pinakamahalaga sa lahat. Bawat sandali ay sadyang katangitangi. Lahat ay nangangailangan ng masusing atensiyon. Hindi na tulad pa nang dati, ang maaksaya sa walang katuturang mga bagay. Higit sa lahat ngayon, ang tangi kong relasyon sa aking mga mahal sa buhay. Napaglimi ko na kailangan kong makapiling kayo sa bawat sandali sa nalalabi ko pang mga araw.
Wala nang halaga sa akin ang anumang yaman, bahay, alahas, materyal na bagay, mga papuri o anumang kalayawan. Lahat ng ito’y palamuti na lamang at ganap nang walang katuturan. Wala akong madadala, kahit pa isang hibla ng aking buhok. Maging ang aking hiram na katawan ay aking iiwanan, hanggang sa ito ay maging ganap na abo lamang. Ito ang mapait na katotohanan na kalilangan kong tanggapin.
Kung bibigyan ako ng Diyos ng isa pang pagkakataon at madurugtungan ang aking buhay, pipilitin kong mabago ang lahat; ang mga kaparaanan tungo sa makatao at huwarang pamumuhay ay aking isasagawa. Sisikapin kong maging mapagmahal, palakaibigan, matulungin at tagapagtaguyod ng katotohanan. Hindi ako magmamalabis at gagawa ng kalapastanganan o pananakit sa aking kapwa. Hindi ako gagamit ng ibat-ibang maskara o panlabas na anyo sa pakikisalamuha upang ikubli ang tunay kong saloobin. Bukas sa lahat ang aking puso at walang nakatago. Taas-noo kong haharapin anumang paghamon sa ikauunlad ng lahat, mangahulugan man ito ng aking pag-iisa. Kahit na matagumpay ako sa aking mga gawain, karaniwan lamang ang aking gagawing pamumuhay. Kailanman, hindi ko ilalagay sa kapahamakan o maging sa kahihiyan man ang aking pagkatao. Itutuon ko ang aking buong buhay sa paglilingkod sa kapwa at sa kaluwalhatian ng Dakilang Maykapal.
Marami akong natutuhan sa kalagayang kong ito. Nagising ako sa katotohanan na lahat ay panandalian lamang. Ang hangarin na maakyat ang bundok o tagumpay upang makamtan ang kaligayahan ay pawang hahantong lamang sa kabiguan. Dahil, may panibago na namang pagsubok na naghihintay, muli't-muli, wala itong katapusan. Magagawa mo habang umaakyat ng bundok ay maging maligaya ka na, kung ito'y iyong pahihintulutan. Kahit nasaan ka man, nasa iyong pagsusuri sa sarili, hindi mula sa iba o sa kapaligiran ang minimithi mong kaligayahan.
Habang malinaw pa ang aking mga mata, itutuon ko ito sa magagandang tanawin at mga mahahalagang panoorin. Hanggat nalalasap ko ang sarap ng pagkain, titikman ko ang ibat-ibang putahe na angkop sa aking kalusugan. Kung ang tuhod ko nama'y kaya pang ilakad, pupuntahan ko ang mga pambihirang pook upang aliwin ang aking sarili. Sakaling may pang-amoy pa ako, lahat ng mga bulaklak sa aking daraanan ay aking taimtim na sasamyuin. Kapag buo pa ang aking pandinig, bibigyan ko ng pansin ang mga kundiman at tumatagos sa pusong mga musika at awitin. Sa mga pagtigil o paghihintay na mga sandali, babasahin ko ang mga dakilang aklat na nakaligtaan ko noong ako ay abala sa maraming bagay. Paliligayahin ko ang aking sarili sa tuwi-tuwina, sapagkat kapag ako'y maligaya, magagawa kong magpaligaya ng iba, at higit sa lahat, ang kaligayahan ng aking pamilya.
Sasamantalahin ko ang lahat ng pagkakataon na ipagkakaloob sa akin upang ibayong mahalin ang aking mga mahal sa buhay. Lantaran kong bibigkasin ang aking mga nadarama, hindi ang iniisip. Tulad ng pag-aaruga sa hardin ng halamanan, araw-araw ko itong didiligin, payayabungin, at babantayan sa anumang kapahamakan. Yayapusin ko kayo ng mahigpit at ipaparinig ang aking pagmamahal nang walang anumang bahid ng pag-aalinlangan. Tatanggapin ko ng maluwalhati anuman ang inyong pag-uugali. Wala akong karapatang paghimasukan kayo kundi ang aking sarili lamang. Ipapakita ko sa gawa at hindi sa salita ang lahat. Ipapabatid ko na ang pag-ibig ay mahalaga at kinakailangang ipinadarama sa lahat ng sandali. At tanging kaligayahan ninyo ang aking pinakahahangad. .. . . Bago pa mahuli ang lahat.
Sana, madugtungan pa ang aking buhay. Kahit kaunti man lamang, . . . kung maaari sana . . .
Ang iyong ama,
Joshua Guevara
***
Isinulat ko ito matapos ang aking paglalakbay galing sa Montreal, Ottawa, at Toronto sa bansang Canada nang nakalipas na taon. Sa nakita at naranasan kong pamumuhay ng ibang pamilya doon, nabatid kong ang tangi at sapat na kaligayahan lamang ay matatamo mula sa sarili tungo sa pamilya, at sa kalauna'y ang pamayanan, hindi kanino pa man. Ito ang pinakamahalaga.
No comments:
Post a Comment