Pabatid Tanaw

Thursday, July 31, 2014

Bukal sa Loob

Walang makakapigil sa iyo kundi ikaw lamang. Laluna’t ito ay bukal sa iyong kalooban. Harangan ka man ng sibat, hanggang sa kumulog at kumidlat, habang taimtim ang iyong pananalig at matibay ang iyong paninindigan, walang makakahadlang sa iyo kahit sinuman!
   Panatilihing nakabukas ang isipan sa mga pagbabago, harapin ang iyong mga kinakatakutan, at iwaksi ang mga pagsupil o pagkontrol na asal. Ituon ang pansin sa tagumpay ng iba at purihin sila, patuloy na magsaliksik at pag-aralan ang mga makabuluhang bagay, magsikhay, at magpunyagi. Hangga’t may tiyaga, may makakamit na nilaga. Kung hindi ka kikilos para sa iyong kapakanan, walang magtitiyagang kumilos para sa iyo. Sila man ay abala din sa kani-kanilang mga kapalaran.
   Ang kapalaran ay hindi isang pagkakataon o kusang nagaganap; lahat ng iyong ninanasa ay nangyayari lamang kapag pinag-ukulan mo ito ng tahasang pagkilos, pinagtitiyagaan at pinagtitiisan hanggang sa makamtan. Ito ay pinipili at pinagpapasiyahan. Hindi ito isang bagay na kailangang hintayin, asahan at siyang magaganap; isa itong bagay na kailangang mapagtagumpayan.
   Kalabisan na ang banggitin pa na, “Eto ang palad ko.” At maging “Wala akong magagawa, mahirap ang aming angkan, mahirap ang aking mga magulang, kaya natural lamang na mahirap din ako.” “Ipinanganak na ako na “Isang kahig, isang tuka.” Kalokohan lamang ang mangarap pa at umasa.” Kapag ganito ang uri ng mga isipan ang nakapangyayari sa tao, ito nga ang kanilang magiging kapalaran.

   Kumilos ka man at hindi, patuloy ang pag-ikot ng gulong ng palad. Hindi ka hihintayin ng panahon. Anumang piliin mo sa dalawang ito, kumilos at maghintay, ito ang iyong magiging kapalaran.

No comments:

Post a Comment