Pabatid Tanaw

Thursday, July 31, 2014

Kaligayahan ang Maglingkod

Ang sikreto ng kaligayahan ay nasa paglilingkod. Ang iyong serbisyo sa iba ang magpapabago ng iyong atensiyon mula sa “Ano ba ang mapapala ko diyan?” kapalit ng “Ano ba ang maitutulong ko?” Magbigay nang higit pa upang may matanggap nang higit pa kaysa inaasahan.

   May nagwika, “Kapag laging nakatikom ang iyong mga palad at nakabulsa pa, walang babagsak na mga pagpapala para sa iyo. Yaon lamang na mga bukas ang mga palad ang nagkakamit ng mga biyaya ng tadhana." Ang mga mararamot lamang ang laging nagkakamot na kahit mumunting mga patak ay laging inaamot. Kung may kayamanan man sila na nakuha, ang mga ito ay nakabaon at nakatago, dahil sa pagkatakot na mawala pa. Gayong ang lahat ng mga bagay na ating hawak at maging ang ating mga sariling buhay ay pinahiram lamang sa atin. Mga panandalian lamang ang mga ito at may hangganan. Sa ating paglisan sa mundong ito, kahit isang totpik ay wala tayong madadala.
   Ang problema lamang dito, karamihan sa atin ay sadyang nakakalimot at laging abala sa lahat ng oras at nagagawang ipagdamot ang hiram na mga bagay.

No comments:

Post a Comment