Pabatid Tanaw

Thursday, July 31, 2014

Ulirang Pilipino

Kapag ginagawa mo ang mga bagay na kailangan mong gawin kapag ninanasa mong magawa ang mga ito, ang maghapon ay sumasaiyo kapag nagagawa mo ang mga bagay na hinahangad mong magawa kapag nais mong magawa ang mga ito.
   Kung ang iyong buhay ay nagbabago – o dili kaya ay ninanais mong mangyayari ito, at mayroon kang IsangIsip, IsangSalita, at IsangGawa … ikaw ay isang tunay na Pilipino.

Ang tunay na Pilipino
… ay laging gumagawa ng kakaibang bagay mula sa pangkaraniwan. Sadyang palangiti at puno ng pag-asa sa buhay. Humuhuni ng himig at sumasayaw sa kalsada patungo sa kanyang gawain sa maghapon. Kapag nasulyapan ang isang estranghero ay tumititig sa mga mata nito at bumibigkas ng pag-ibig sa unang pagkikita. Paminsan-minsan, ang tunay na Pilipino ay nagmumungkahi ng isang ideya na walang kaugnayan at hindi pa nasusubukan, subalit matibay niyang pinapaniwalaan. May matibay na pananalig at matatag na paninindigan na siya ay makakagawa ng malaking kaibahan sa kanyang kapaligiran at pamayanan.

Ang tunay na Pilipino
… ay hindi natatakot sa liwanag at hindi nagkukubli sa kadiliman. Hindi rin niya ikinahihiya ang matagal nang mga hinaing, at maging mamangha sa mga bagong pagtuklas at imbensiyon. Kapag nadama niya na ang panahon ay tama, iniiwanan niya ang lahat at tinatahak ang landas ng kanyang pangarap na marubdob niyang ninanasa. Batid niya ang kanyang mga katangian at kakayahan, at maging mga kakulangan at kahinaan. Kung nahaharap sa mga panganib at balakid ay nakahandang umiwas at makipagtagisan kung kinakailangan.

Ang tunay na Pilipino
… ay hindi ikinahihiya ang kanyang pinagmulan, ang lahi ng kanyang angkan, ang kulay ng kanyang balat, ay hindi lumilimot sa mga tradisyon, mga kultura, at mga paniniwala ng kanyang bayan. Ipinagmamalaki niya ang kanyang bansa at nagpupugay sa kanyang mga bayani. Mataimtim ang pananalig at lubusang tagatangkilik at tagapagtaguyod ng lahat na mga bagay tungkol sa pagiging Pilipino. Nakakintal sa kanyang puso ang bayanihan, may sariling kusa at huwarang tagapaglingkod ng sambayanan.

Ang tunay na Pilipino
… ay may isang salita, hindi mapaghinala kundi mapagtiwala, walang personalan at maging ang maling akala, bukas ang palad at madaling kausap. Hindi balimbing at kaladkarin. Matibay ang mga prinsipyo at kahit nag-iisa ay ipinaglalaban ang mga ito.


Sa Isip, sa Salita, at sa Gawa ay IsangPilipino.

No comments:

Post a Comment