Pabatid Tanaw

Thursday, July 31, 2014

Totoo nga Ba?

Madali lamang ang dumausdos sa buhay; paniwalaan ang bawa’t bagay o paghinalaan ang bawa’t bagay. Sa magkatulad na paraan makakaraos tayo na mag-isip pa.

Ang mga dakilang isipan ay tinatalakay ang mga ideya.
  Ang mga karaniwang isipan ay tinatalakay ang mga balita.
    Ang maliliit na isipan ay tsismis at siyete ang libangan.
      Subalit yaong mga yagit ang isipan, Eat Bulaga ang kinahumalingan.

Hindi ko dinaramdam kung ikaw man ay nagsinungaling sa akin, ang bumabalisa sa akin ay magmula ngayon kailanman ay hindi na kita papaniwalaan pa.

Siya na palaging pumupuri sa iyo nang higit pa sa iyong inaasahan ay maaaring dinadaya ka o nagbabalak na dayain ka.
Tagubilin nga ni Ingkong Kiko Baltazar; “Kung sa iyong pagdating ay may sumalubong at may pakitang giliw, pakaasahan, ito ay kaaway na lihim.”

Anumang bagay na kulang kaysa tahasang pagtupad sa mahalaga ay hilaw na pagtupad sa hindi mahalaga. Ang mabilisang paggawa sa mga bagay ay hindi maipapalit sa paggawa ng mga tamang bagay.

Tandaan ito: Kung walang hardinero, ay walang hardin  Kung walang itinanim, walang aanihin. Kailanman ay hindi mo matututuhan ang mga bagay na hindi mo pinag-aralan. At hindi ka ipapahamak ng mga salitang hindi mo binigkas.

No comments:

Post a Comment