Pabatid Tanaw

Friday, December 27, 2013

Sapagkat Ako ay Tao Lamang


Huwag nating bigkasin, na ang bawa’t tao ay siyang arkitekto ng kanyang kapalaran, bagkus bigkasin natin na siya ay arkitekto ng kanyang pagkatao.

Ang pagkatao ng isang tao ay matatagpuan sa kanyang mga kamalian. Dahil nakasanayan na niya ang aliwin ang sarili ng kanyang mga kamalian bilang mga munting libangan ng kanyang pagkatao. Hindi kataka-taka na paulit-ulit siyang magkamali, sapagkat isa na itong ritwal para sa kanya.

   Wala akong tiwala sa isang tao kung hindi ko nakikita ang kanyang mga kamalian. Ako man ay nagkakamali, at nabibigo. Ito ay hindi nagmumula sa simbuyo ng aking damdamin o kahibangan ko, kundi ang kawalan ko ng kakayahang supilin ang mga ito. Kadalasan, ang sanhi ng aking mga kamalian ay madali akong maniwala at magtiwala sa iba. Bagama’t kinasusuklaman ko ang bagay na ito, kailangan kong magtiwala, upang ako naman ay pagkatiwalaan din ng iba. Sakalimang mabigo ako; idinadaan ko na lamang sa ngiti ang lahat at itinuturing na isang mainam na karanasan ito, upang bigyan ako ng leksiyon para maging handa, sakaling maganap muli ang ganitong tagpo.
   Ang buhay ay tinuruan tayo na hindi ang ating mga kamalian kung bakit tayo ay hindi kinalulugdan at lalong kinaiinisan ng iba, kundi sa ating mga kalidad at mga tagumpay. Sapagkat kapag ang punong mangga ay mabunga, binabato ito ng mga nananaghili at mapagsamantala.
   Marami ang matutuwa at magiging kakampi na katulad mo kapag itinatama mo ang iyong sariling mga kamalian at mga kabiguan, sa paninisi at kapabayaan ng iyong mga magulang. Sila ang dapat na sisihin sa lahat ng mga ito at hindi ikaw. Isang matinding kalapastangan ito na siraan mo ang sariling mga magulang at angkan, maipakita lamang sa iba na ikaw ay naiiba at sadyang walang kamalian. Ito ay nasusulat; Ang panukat na ginamit mo ay siyang panukat na gagamitin din sa iyo. Dahil kung anuman ang iyong itinanim, ay siya mo ding aanihin.
   Pambihira at iilan lamang ang mga tao na nagagawang timbangin ang pagkakamali ng iba nang hindi ginagamit ang hintuturo at anumang kahatulan. Ang tao na nakikita nang malinaw ang kamalian o mga depekto ng iba, dahil ito--- ang uri ng pagkatao na mayroon siya. Hindi niya magagawang ipahayag ito nang wala siya nalalaman, karanasan o kinalaman sa kamaliang ito. Madali ang ipagtapat ang nagawang kamalian kaysa hangarin na maging mabuti ka sa paningin ng iba.
   Hangga’t martilyo ang laging hawak mo, lahat ng iyong makita ay mistulang pako para sa iyo. Madali ang pumuna, pumintas at manisi para sa iyo, dahil sa walang hinto mong mga pagkakamali na patuloy at kinasanayan na. Isang masamang bisyo ito para ikubli ang iyong mga kamalian kung maililipat at masisisi ang iba dahil sa iyong kapabayaan. Katulad ng mga mahihina at mapanising mga tao, madalas ang kanilang mga panunumbat, mga panghahamak, mga pag-aalipusta, at mga pag-aabuso sa iba maliban na tumingin sa salamin, at, pagmasdan ang sarili na magbago.

   Ang bagay na tahasang mahirap na gawin, ngunit tunay na kagulat-gulat, ay ang maiwasan ang maging perpekto at simulan nang isagawa na maging totoo sa iyong sarili. Luma at lubhang gasgas na ang katwirang, “ Sapagkat ako ay tao lamang.” Dahil sa bawa’t aksiyon ay may kaakibat na reaksiyon. Kumakapal lamang mga pagkakamali kung nagiging manipis ang pagmamahal.

No comments:

Post a Comment