Pabatid Tanaw

Friday, December 27, 2013

Iwasan ang Mapag-isa


Lahat para sa isa; isa para sa lahat. Kapag walang bukluran, bawa’t isa ay biktima ng masamang kalaparan.

Pansinin ang tingting kung nag-iisa, wala itong sapat na gamit. Subalit kapag marami at nakabugkos na, isa na itong walis at magagamit na sa paglilinis. Ganito din sa mga tao, kung nasa tamang direksiyon ang mga lunggati at may pagkakaisa, walang bagay na tahasan nilang ninanasa ang hindi nila makakamit. Ang tagumpay ay madaling makamtan kung may bayanihan.

   Hindi sapat at kuntento ang maging mabuti lamang kung may abilidad kang maging mahusay. Hindi sapat at kuntento ang maging karaniwan lamang kung may abilidad kang maging dakila. Hindi sapat at kuntento ang nag-iisa lamang, malaki ang nagagawa kung maramihan at may pagkakaisa. Anumang talento, ideya, at inpormasyon na mayroon ka, nagiging mahalaga lamang ito kung naibabahagi sa iba. At nagiging kagulat-gulat ang nagagawa kapag nagawang gisingin ang sambayanan at nagkaisa. Isa na itong makapangyarihan lakas ng sambayanan para sa kanilang kapakanan.
   Ang suliranin lamang ay marami sa ating mga pulitiko o mga lingkod daw ng bayan, ang kapos at hindi napapatunayan na ang pamumuno o liderato ay ibayong nakabatay sa wasto at mahusay na pamamalakad. Sinumang nakaupo sa katungkulan at inihalal ng bayan, kailangang matamo niya ang pananalig, pagtitiwala, paggalang, at pakikiisa ng sambayanan. Bagama’t hindi niya makakamit ang 100 porsiyento upang magtagumpay … Gaano mang pagsusumikap; ang pinaka-magaling o pinaka-popular, kahit na pinaka-tanyag sa lahat, masalapi man, maimpluwensiya, at makapangyarihan, ang lahat ng mga ito ay mistulang patak lamang sa timba kung ihahambing sa kapangyarihan at lakas ng sambayanan kapag may pagkakaisa.
   Kung ang mga karaniwang ihip ng hangin ay nagkakasama-sama, nagiging buhawi ito na mapuwersa at kagulat-gulat na ang nagagawa. Maging ang munting alon, kapag naging mabilis at maramihan na, isa na itong daluyong na makapangyarihan.
   Kung ang tao ay may talento at hindi niya ito nagagamit, siya ay isang kabiguan. Kung siya ay may talento  at ginamit lamang ang kalahati nito, siya ay kalahating nabigo. Kung siya ay may talento at natutuhan niyang magamit nang lubusan ang kabubuan nito, siya ay maluwalhating nagtagumpay at masiglang natamo ang pagkilala at papuri ng maraming tao. 

   Ang pinaka-mahalaga at mainam sa lahat ay kung ano ang ginagawa mo sa anuman na mayroon sa iyo. At kung papaano ito nakakatulong sa iba at nakakarami nating mga kababayan para maging buhawi o daluyong na makapangyarihang lakas ng sambayanan.

No comments:

Post a Comment