Pabatid Tanaw

Friday, December 27, 2013

Pagbabago sa Sarili


Isagawa ang pinakamainam para sa iyong sarili, dahil ito lamang ang tungkol sa iyo at mayroon ka.

Kung nais mong paunlarin ang iyong sarili, huwag maging maramdamin sakali mang mayroong nagnanais na ipaalam sa iyo ang nagawa mong pagkakamali. Bahagi ito ng buhay, ikaw, ako, at siya---lahat tayo ay nagkakamali. Kaya nga nilikha ang lapis na may pambura, upang itama ang kamalian.

   Huwag mabahala; sa halip, magiliw na tanggapin ang iyong pagkatao na hindi perpekto. Tandaan na ang iyong pagka-balisa o kalituhan ay isang mainam na hudyat upang isaayos at mabago ang iyong sarili. Kaysa parusahan ang sarili sa nagawang kamalian, gamitin ang sitwasyon na isang pagsubok sa iyong kakayahan upang lalo kang humusay. Ang karanasan nito ay magsisilbing leksiyon para huwag nang maulit pa ang nagawang kamalian at malagpasan ang anumang problema na darating.

7 Mga Paraan Upang Madaling Makamit ang Tagumpay
1. Isagawa na ngayon ang iyong mga pangarap at mga oportunidad.
       -Huwag nang maghintay at iaasa pa ito sa iba.
2. Panatilihing nakatuon ka lamang sa isang direksiyon at masidhing magtagumpay.
       -Iwasang magambala ng iba o ng anumang bagay at paghinaan ng loob.
3. Patatagin ang paninindigan at magtiwala sa sarili na ang tagumpay ay abot-kamay lamang.
       -Labanan ang mga sulsol, mga puna, mga pintas, at mga paninisi.
4. Harapin ang mga paghamon at ituring ang mga ito na mga pagsasanay para humusay.
       -Anumang problema ay nagiging leksiyon kapag hinarap at nilunasan.
5. Ilabas at gamitin ang lahat ng potensyal mong kaalaman at kakayahan.
       -Huwag sumuko kaagad, lahat ay mga pagsubok para sa iyong kagalingan.
6. Tanggapin ang sarili na matagumpay at handang makagawa ng kaibahan.
       -Nakalaang maglingkod nang tapat sa abot nang makakaya.
7. Pinangangalagaan ang integridad at reputasyon kaninuman, saanman, at kailanman.
       -Uliran ang buhay: Matapat, Mapaglingkod, May pagtitiwala sa sarili at sa iba, at may pananalig sa Dakilang Lumikha.

   Higit na mabuti ang magsindi ng isang kandila kaysa manggalaiti at murahin ang kadiliman. Walang mabuting ibubunga ang laging may reklamo o pagka-bugnot, mga panghihinayang at mga paninisi. Kaysa sayangin ang mga makabuluhang sandali sa pagkainis, simula nang isagawa ang pagtatama sa sarili at harapin ang buhay na may mga ngiti sa labi. Dahil kapag masaya ka, ang mga inspirasyon ay kusang sisibol sa iyo upang tanglawan ang iyong landas. 

No comments:

Post a Comment