Pabatid Tanaw

Friday, December 27, 2013

Pagkakaisa ang Kasagutan


Ang bayan na walang pagkakaisa ay madaling wasakin at pagharian ng mga mapagsamantala.

Marami pa rin ang hindi tuwirang nauunawaan ang kahalagahan at sukdulang lakas ng bayanihan. Isang kahangalan pa na isipin na makakaya nating tuparin ang anumang bagay na mag-isa. Kahit na anuman pa ang iyong nais na magawa, kakailanganin mo pa rin ang tulong ng iba. Maaaring maging totoo ito, kung ang pananaw mo sa buhay ay nasa mumunting kaparaanan lamang o sa maliliit na mga aktibidad, at sadyang ikaw lamang ang makakagawa nito. Subalit kung ang hangad mo ay umunlad at maging matatag sa buhay, kailangan mong makuha ang kooperasyon ng iba. Wala kang magagawang malaking bagay o magandang proyekto kung mag-isa ka at walang tumutulong sa iyo.

   Upang makuha ang kooperasyon ng iba, kailangang maging matulungin ka upang ikaw naman ay matulungan sa panahon ng iyong pangangailangan. Walang ibubungang mabuti ang pagiging makasarili at madamot na makapag-lingkod sa iba. Tahasang iiwasan ka ng karamihan kapag ang nais mo lamang ay matulungan ka nang wala ka namang ginagawang kapalit para dito. Isang Batas ng Buhay na higit kang tutulungan kung ikaw ay matulungin. Higit na makikiisa sa iyo ang karamihan kapag nakikiisa ka rin sa kanila. Kung mahusay kang magpahalaga, makakatiyak kang ikaw din ay mahusay ding pahahalagahan.

   Kung malabo pa rin sa iyo ito at wala kang paniwala sa pagkakaisa, pagmasdan ang mangyayari sa isang bahay kapag nawalan na ito ng isang haligi.

No comments:

Post a Comment