Pabatid Tanaw

Friday, December 27, 2013

Mapalad Ka Ba?


Ang mga mabababaw na tao ay naniniwala sa suwerte. Ang mga malalalim na tao ay naniniwala sa sanhi at epekto, sa aksiyon at reaksiyon, sa gawa at resulta.

Ang pagiging masuwerte o mapalad ay depende sa mga aksiyon ng maraming tao na karelasyon mo. Kung alam mo ang sekreto tungkol dito, makukuha mo ang iyong mga naisin nang walang anumang alinlangan kaninuman, saanman, at kailanman.

   Dalawa ang mahalagang mga elemento nitoUna, Ang masidhi at masikhay na paggawa lamang ay hindi nakakatiyak na ikaw ay magtatagumpay; Pangalawa, Ang tunay na susi ng mapapalad na tao para magtagumpay ay ang kaalaman kung papaano mahahalina at makukuha ang kooperasyon ng iba na tulungan sila at maidulot sa kanila ang magandang mga oportunidad.
   Nagagawa nito na maging madali ang buhay at nagkakaroon ka ng ibayong kahalagahan para sa iba na tulungan ka sa abot ng kanilang makakaya. At, ang mainam pa dito ay natututuhan mo kung papaano bawasan at maiwasan ang mga kamalian o masamang kapalaran na dumarating sa iyo.

7 Sekreto ng Matatagumpay na Tao
1. Gawing madali ang pangmasid sa buhay---ngunit huwag itong laruin at ipagwalang bahala.
2. Linangin na maging magiliw kaninuman---kahit na ikaw ay mahiyain.
3. Makilala na parang bata sa kakulitan na matuto at maging mahusay sa gawain---walang hintong pagsaliksik at pagsasanay upang paunlarin ang mga kaalaman at mga kakayahan.
4. Gawing madali at masigla ang buhay ng iba---kapag masaya ka---nagagawa nito na maging masaya din ang iba na nakapaligid sa iyo.
5. Hayaan ang makapangyarihan at maimpluwensiyang mga tao na maangkin ang bahagi ng pagkatao mo---ibahagi anumang kakayahan na makakatulong lalo na sa may mga tungkulin para sa maramihan at madaling paglilingkod.
6. Patatagin at bantayan ang iyong mga tulay---kahit papaano iwasang nakakaligtaan ang mga "tulay" na tangi mong daan para sa iyong mga relasyon, komunikasyon, at mga makabuluhang bagay na nakakatulong sa iyo.
7. Gawin ang mga tagumpay na maging mapapalad na kabanata---bawa't yugto na dumaan sa iyo ay mahahalaga bilang mga leksiyon para lalong humusay ka para maging mapalad sa tuwina.

   Nakakiling ang pagkakataon sa preparadong isipan. Sapagkat kung ikaw ay may plano, 50 porsiyento ng iyong gawain ay tapos na. Subalit kung hindi ka nagplano, nagplano ka para tuluyang mabigo. Isang katalinuhan ng isang walang karanasang tao, ang huwag magbaka-sakali at hindi maniwala sa suwerte. Kung nais mong maging mapalad sa tuwina, isagawa mo kaagad ang iyong pangarap. Sa araw na ito, maaari mo nang gawin ang iyong hinaharap upang maging mapalad, hindi ang maghintay at asahang ito ay kusang darating para sa iyo.

No comments:

Post a Comment