Wednesday, July 08, 2015

Kumilos upang Makaraos



Maraming tao ang nagnanasang yumaman, magkaroon ng maraming ari-arian at guminhawa sa buhay, subalit pawang mga hangarin ito na walang katapusan at mga pagkilos na kinakailangan. Wala silang kalakasan, disiplina at determinasyon para ito maganap. Nababagot sila at ayaw nang mapagod pa, sa kaunting pagpapawis, madali silang sumusuko at tumatakas para libangin ang kanilang mga sarili sa panandaliang mga aliwan. AKO ay naniniwala, na makukuha mo ang iyong mga ninanasa kung tahasan at masidhi mong hinahangad ito tulad ng hangin na kailangan mong singlutin para patuloy na mabuhay.
   Ipagkaloob mo ang iyong isipan, puso, kawatasan, at kaluluwa kahit na sa mumunting mga pagkilos hanggang sa ito ay lumaki at maging dambuhala. Katulad ng hagdanan, kailangang magsimula ka sa unang baitang sa pag-akyat. Dahan-dahan, paunti-unti at hindi patalun-talon o mga paglukso dahil kapahamakan ito. Nasa pagtitiyaga, kung nais na may nilaga. Magsikhay kung nais ay magtagumpay. Ito ang tanging sekreto at susi ng tagumpay

Ganito Ka ba?



Maraming mabubuting gawa ang nawawala sa dahilang hindi magkasya sa kakaunti at naghahangad pa ng dagdag. Kahit na dagdagan pa ay malungkot pa rin, kaysa tanggapin nang may kagalakan ang mumunting bagay na kusang ipinagkaloob. Sa halip na magpasalamat, ugali na ang magbitaw ng mga pagsumbat kung hindi nakuha sa pilit ang makasariling kagustuhan.
   Maging mapagpasalamat maging sa kaunti o maliliit na mga bagay. Alalahaning yaong maliliit lamang ang nakakapuwing.

Makibaka Huwag Maghintay



Sa buhay; isang pangangailangan ang pakikibaka, ang lahat ay umiikot sa mga pagkilos na tumutugon sa sariling kapakanan. Sapagkat hindi mo maibibigay ang anumang bagay na wala sa iyo. Ang nakakalungkot lamang, doon sa mga tao na namulat ang mga mata na may nagbibigay sa kanila ng anumang kanilang magustuhan sa buhay. Ito ang sanhi kung bakit sila ay mga tamad, makasarili at walang pakiramdam sa tunay na mga kahalagahan sa buhay. Ang kinakailangang pagpupunyagi at mga pagtitiis na patuloy nilang iniiwasan ay siyang pangunahing balakid sa kanilang pagkatao na mayroon tayo ngayon.
  
Ang paglalakbay at tunay na mga pakikibaka ay nasa labas at wala sa loob ng bahay. Kung nais mo nang magretiro sa ngayon, ang kailangan mo lamang ay tugyang upuan, bagamat patuloy mo itong tinutugya, hindi ka naman umuusod at laging nakapako sa isang sulok.

Gabayan Natin



Ang talento ay higit na mura ang halaga kaysa asin na ginagamit natin sa pagkain. Ang naghihiwalay lamang sa may talento na tao mula sa matatagumpay ay walang hintong pagpupunyagi at pagtitiis.

Nagbigay ang Diyos sa bawat ibon ng pagkain, subalit hindi Niya inilagay ito sa kanilang mga pugad.

Sa isang gawain, nawawalan ito ng kaukulang halaga kapag sa halip na tapusin ito nang maaga, hinahangad na madagdagan pa ang pakinabang. Mainam ang magharimunan, ngunit nakakapinsala ito, kapag hindi natapos ang gawain sa takdang panahon.

Sa mga sandaling ito, maaaring binabago mo ang iyong buhay o wala kang ginagawang pagbabago. Ang tagumpay ay hindi nakasalalay sa paghihintay, umaasa, at kung kailan gaganda ang panahon. Sa tao na may pangarap, bawat balakid ay isang paghamon upang maging matatag at lalong tumibay. Ito ay tahasang pagbabago tungo sa pag-unlad. Kung nababagot ka at iniiwasan mo ito, sa halip na ikaw ang gumagawa para baguhin ang iyong kalagayan, ikaw ang babaguhin ng iba para sa kanilang mga kapakanan.

   Huwag mangamba sakalimang mabagal ka, ang katakutan mo ay ang huminto at masanay na maging paralisado.

Wala pa akong nakilalang tao na nagtagumpay nang walang mga pagtitiis at matinding mga paggawa. Narito ang tanging sangkap. Hanggat may determinasyon, disiplina, at naglalagablab na hangaring magtagumpay, ito ay kusang ipagkakaloob sa iyo ng tadhana.

Susi ng Tagumpay



Ang mga tao na patuloy na nagtatagumpay sa mundong ito ay yaong patuloy na nakatindig, matindi ang determinasyon at masiglang tinatanggap ang bawat pagkakamali bilang tuntungan upang makamit ang tagumpay. Sila ang nagpapasiya kung anong mga oportunidad ang kanilang susunggaban, sakalimang hindi nila ito matagpuan, mahusay nilang nililikha ito para sa kanilang mga kagalingan at kapakanan.

Naging patnubay ko na at personal na pamantayan na huwag hayaan ang iba na madaig ako sa paggawa. Hanggat sa maaabot ng aking makakaya, ay ibinubuhos ko ang lahat ng aking mga kakayahan upang mapahusay at maging maganda ang resulta ng aking trabaho. Inuuna kong purihin ang aking sarili kapag nagawa ko ito, at kung may masisiyahan at magpapahalaga para dito, ito’y bonus na lamang sa aking naitulong, at masigla kong pinasasalamatan.

Kahit na tumigil ang proyektong ginagawa mo, at naramdaman mong tila nanlulumo ang personal mong buhay, nabubugnot at nababagot ka sa kasalukuyan, o simpleng tinatamad ka, na magpatuloy pa. Kailangan lamang na balikan mo ang iyong ideya kung bakit nagsimula ka na gawin mo ito. Ang inspirasyon ay isang makapangyarihang motibasyon upang higit kang sumigla na magsikhay pa.

Ang aksiyon ang siyang pinaka-pundasyong susi sa lahat ng tagumpay. Walang tagumpay na nalikha kung walang aksiyong ginawa. Ang landas tungo sa tagumpay ay magsagawa ng maramihan at determinadong mga pagkilos.

Gawin Kaagad

Upang maging masigla at tahasang magawa ang mga lunggati, narito ang panulak para ito matupad!

   Nais mo bang malaman kung sino kang talaga?  Huwag nang tanungin pa, kumilos na! Ang aksiyong ito ang siyang magpapakilala at maghahayag kung sino ikaw. Nasa mga pagkilos nakikilala ang tunay na pagkatao, hindi sa mga palabok at idinuduyang mga pananalita.
  Ang mumunting mga gawa ay higit na mainam kaysa mga dakilang gawa na nasa plano pa.
   Madalas tayo ay nagkakasala sa ilang punto o sa minsang pagpapaliban para lalong maparalisa. Iniisip natin na kapag ginawa ito ay sadyang mahirap kapag nakaharap sa malaking desisyon. Bahagi ng mahusay na plano ang kahalagahan ng preparasyon at deliberasyon, ngunit ang reyalidad kapag sinimulan na, ito ay may malaking epekto para makakilos nang tuloy-tuloy at magsilbing malaking desisyon upang ganap na matapos ang gawain.
   Kung minsan ang reyalidad ay higit na mainam ang may nagawa kaysa piliting maging perpekto ang lahat at maparalisang tuluyan sa hangaring ito.
   Hindi mo kailangang maging dakila muna bago magsimula, subalit kinakailangan mong magsimula na para maging dakila ka.
   Kung may ideya ka o inspirasyon na laging nagsusumiksik sa iyong isipan, simulan na ang maagang pagkilos para ito matupad. Anumang kalagayan mo sa ngayon, kapag nagsimula ka na, lahat ng bagay sa sansinukob ay isa-isang darating sa iyo upang samahan at tulungan kang matupad sa hangarin mong ito. Mapapansin mo na lamang na kusang magsisilitaw ang nakatago mong mga potensiyal at natatanging mga kakayahan upang magampanan at tuparin ang tagumpay na naghihintay para sa iyo.