Wednesday, July 08, 2015

Gabayan Natin



Ang talento ay higit na mura ang halaga kaysa asin na ginagamit natin sa pagkain. Ang naghihiwalay lamang sa may talento na tao mula sa matatagumpay ay walang hintong pagpupunyagi at pagtitiis.

Nagbigay ang Diyos sa bawat ibon ng pagkain, subalit hindi Niya inilagay ito sa kanilang mga pugad.

Sa isang gawain, nawawalan ito ng kaukulang halaga kapag sa halip na tapusin ito nang maaga, hinahangad na madagdagan pa ang pakinabang. Mainam ang magharimunan, ngunit nakakapinsala ito, kapag hindi natapos ang gawain sa takdang panahon.

Sa mga sandaling ito, maaaring binabago mo ang iyong buhay o wala kang ginagawang pagbabago. Ang tagumpay ay hindi nakasalalay sa paghihintay, umaasa, at kung kailan gaganda ang panahon. Sa tao na may pangarap, bawat balakid ay isang paghamon upang maging matatag at lalong tumibay. Ito ay tahasang pagbabago tungo sa pag-unlad. Kung nababagot ka at iniiwasan mo ito, sa halip na ikaw ang gumagawa para baguhin ang iyong kalagayan, ikaw ang babaguhin ng iba para sa kanilang mga kapakanan.

   Huwag mangamba sakalimang mabagal ka, ang katakutan mo ay ang huminto at masanay na maging paralisado.

Wala pa akong nakilalang tao na nagtagumpay nang walang mga pagtitiis at matinding mga paggawa. Narito ang tanging sangkap. Hanggat may determinasyon, disiplina, at naglalagablab na hangaring magtagumpay, ito ay kusang ipagkakaloob sa iyo ng tadhana.

No comments:

Post a Comment