Wednesday, March 12, 2014

Tumawa sa Tuwina



Hindi ko magawang magtiwala doon sa mga tao na 
hindi marunong tumawa.

Ang pagtawa ay siyang tuwirang landas sa kaluluwa. Ito lamang ang panlunas sa kapanglawan. Pinalalawak nito ang iyong pananaw, pinanatili ang iyong kalusugan, at may kasiglahang harapin nang madali ang mga gawain
Walang bagay dito sa mundo na hindi mo magagawang supilin at madaling makahawa kundi ang pagtawa at mga katatawanan. Hangga’t tinatawanan mo ang iyong mga problema, walang balakid na maaaring humadlang sa iyo.
   Hindi masasabing balintuna o kapanglawan ang matamang paglilimi, pag-iisa o walang abilidad na makisalamuha sa iba, na nakakahiya at sadyang makasarili—ang mga ito ay hindi naman masama, bagkus nakakatulong pa na mapag-aralan ang sarili, maging palabasa ng mga literatura, payabungin ang isipan, magsulat para maibahagi sa iba, at tawanan ang mga usisa at pakikialam ng iba.
   Mayroong manipis na tabing na siyang naghihiwalay sa pagtawa at pighati, sa komedya at trahedya, sa katatawanan at kasakitan: ito ay nababatay sa iyong saloobin. Mula sa pagngiti hanggang sa pagtawa nababago ang iyong atensiyon at nakadarama ng sigla upang magkaroon ng pag-asa.

Ang Apat na mga Sangkap sa Paglalakbay tungo sa Kaligayahan
Apat na mga bagay na matalino kong inaalam:
      Katamaran, Dalamhati, Kaibigan, at Kaaway
Apat ng mga bagay na kailangang palagi kong dala-dala:
      Pagmamahal, Pangmasid, Kamalayan, at Pag-aalinlangan
Apat na mga bagay na kailanman ay aking iiwasan:
      Panaghili, Kapanatagan, Kapalaluan, at Pananakit
Apat na mga bagay na kailangang mayroon AKO:
      Pag-asa, Pang-unawa, Pag-ibig, at Pagtawa


   Kung nais mong masisid ang kalaliman ng kaluluwa ng isang tao at lubusang makilala ang kanyang pagkatao, huwag pag-aksayahang alamin ang kanyang mga asal sa pagiging tahimik, pananalita, pagluha, o kung gaano katayog ang kanyang mga dakilang hangarin; makakakuha ka o masusumpungan mo lamang ang mainam na resulta kapag napagmasdan mo siyang tumawa. Kung nagagawa niyang tumawa nang walang alinlangan, isa siyang mabuting tao.
   Sa harap ng mga pagsubok at mga pakikibaka sa buhay, mayroon tayong epektibo at tanging sandata, at ito ay ang pagtawa. Himig nga ni Ka Freddie, "Tawanan natin ang ating mga problema."

Maniwala Muna



Kailangan mo na paniwalaan muna ang iyong sarili bago ka paniwalaan ng sinuman.

Paniwalaan ang sarili! Panaligan at pagkatiwalaan ang iyong mga katangian at mga kakayahan. Kung hindi mo ito magagawa, sino ang maniniwala sa iyo? Sa halip, iiwasan ka kapag nakita nila na wala kang pananalig mismo sa iyong sarili. Kung wala kang pagpapakumbaba at sa halip ay mapagmataas at makasarili, kailanman ay hindi ka magtatagumpay at liligaya..
   Huwag hayaan ang pagkatakot at ligalig ay mahadlangan ka na sumubok ng mga bagong bagay. Pagkatiwalaan ang iyong sarili. Gawin ang anumang bagay para sa iyong kapakanan at kaunlaran. Bawa’t bagay na dumarating sa atin ay ganap na magiging atin kung may kapasidad tayo na tanggapin ito.
   Italaga ang iyong isipan na inaasam ang tagumpay. Hangga’t naniniwala ka sa iyong sarili, walang imposibleng bagay na hindi mo makakamtan. Ang iyong tagumpay ay pangunahing nakabatay sa kung ano ang iniisip mo sa iyong sarili at kung pinaniniwalaan mo ang mga ito para sa iyong sarili. Ang kailangan lamang ay sanayin at paghusayin ang iyong sarili na maging mahusay at kapaki-pakinabang sa abot ng iyong makakaya.
   Alam mo ba? Lahat ay magsisimula muna sa iyong paniniwala. Ito ang pundasyon at kalakasan na siyang magpapakilos sa iyo. Imposibleng magawa mo ang isang bagay nang wala kang paniniwala para dito at matatapos mo. Magkaiba ang kahulugan ng "Makita ko muna bago ko paniwalaan." (mga bagay na nakikita at nahahawakan) tulad ng kasuotan, gusali, bukid, atbp. kaysa "Naniniwala ako bago ko makita." (mga bagay na hindi nakikita subalit naiisip at nadarama) tulad ng pag-ibig, pananalig, pagmamalasakit, atbp.
   Hindi mo magagawang makinig sa sulsol at sundin ang iba kung may paniniwala (pananalig at pagtitiwala) ka sa iyong sarili. Sabihin sa iyong sarili na ikaw ay magtatagumpay anuman ang iyong ginagawa sa sandaling ito. At paniwalaan na ang buhay ay mahalagang ipamuhay at ang iyong paniniwala ay tutulong upang likhain na matupad ito.

Panatilihin ang Pagtuklas



Nais mong tuklasin kung sino ka? Magpakilala ka.

Kaysa mabalisa dahil wala kang kapangyarihan, pag-ukulan ng ibayong pansin kung papaano mo mapapahalagahan ang iyong sarili para magkaroon ka ng karapatan. Kaysa maligalig dahil hindi ka kilala, higit na mabuti na tuklasin mo na maging karapatdapat ka upang ikaw ay makilala.
   Huwag hanapin ang kasagutan saanman, bagkus tuklasin ang tamang kasagutan. Huwag nating ayusin na itama ang paninisi sa nakaraan. Higit na mabuti ang tanggapin natin ang ating responsibilidad para sa hinaharap. Ang pagbabago ay hindi darating kung tayo ay maghihintay na lamang mula sa ibang tao o sa ibang araw o sa ibang panahon. Ito ay magmumula sa kaibuturan ng ating mga puso. Huwag tuklasin ito sa labas at mapanis sa paghihintay.
   Nasa pagtuklas lamang: Ang matatagumpay na mandirigma ay nananalo muna sa kanilang mga sarili at pagkatapos ay nagtutungo sa digmaan, samantalang ang mga talunang mandirigma ay pumupunta muna sa digmaan bago tuklasin ang mga sarili para manalo. Sapagkat anumang ating tinutuklas ay ating matatagpuan; at anumang ating tinatakasan ay lalong umiiwas sa atin.
   Alam mo ba? ...na ang paghahangad ay siyang susi sa motibasyon. Subalit nababatay ito sa determinasyon at pagtatalaga nang walang hintong pagsisikhay upang tuparin ang iyong lunggati—isang pangako para magwagi, na kung saan ay nagwawagi ka sa paniwalang makakamtan mo ang tagumpay na iyong tinutuklas.
   Magkakaiba ang mga tao sa pagtuklas ng katotohanan at magkakaiba din ang mga kasanayan at kanilang mga kaparaanan. Ang katotohanan ay hindi para sa lahat ng tao, kundi para lamang doon sa nagnanasang tuklasin ito. Hayaan ang iyong sarili na yumabong sa paglalantad ng iyong mga kahinaan at mga pag-aalinlangan, dahil ito ang paraan upang ikaw ay may matutuhan. Mangyari lamang na huwag hangarin na maging dakila, kundi tuklasin ang katotohanan at parehong matatagpuan mo ang mga ito.
   Huwag manatiling panatag at nasisiyahan sa kalagayan. Iwasan ang palaging naghihintay at naniniyak bago kumilos, pinaparalisa ka nito para mawalan ng pag-asa upang magpatuloy pa.
   Ang tao ay kailangang matutuhan na hindi niya mauutusan ang mga bagay, kundi ang tuklasin at supilin ang kanyang sarili; hindi niya magagawang pilitin at pasunurin ang kaisipan ng iba, subalit magagawa niyang hubugin at pangibabawan ang kanyang diwa; patunay lamang na ang mga bagay ay naglilingkod lamang doon sa tagapalingkod ng katotohanan; ang mga tao na tintutuklas ang patnubay niya ay siyang tanging maestro ng kanyang sarili.

Maglibang Ka Naman



Ang matuto ay nakakaaliw subalit ang isagawa ito ay siyang pinakamahusay na libangan.

Naisin man natin o hindi, palaging mayroong bagay na “may kulang at kailangang tapusin.” Bahagi ito ng kaisipan na mapabuti ang ating mga gawain. Dangan nga lamang, nagiging lubhang abala tayo at nakakaligtaang maglibang paminsan-minsan. Mainam na magkaroon ng panahon na tumigil sa paggawa, magpahinga naman, at aliwin ang sarili ng mga bagay na makapagpapasaya. Pinalalakas at nakapagbibigay ng ibayong kasiglahan ang mga paglilibang. Ito ang nagpapalinaw para lalong luminaw ang isipan at mapabilis na tapusin ang mga gawain. Kung lowbat na ang selpon mo, re-charge ang kailangan.
   Ang buhay ay batbat ng kaligayahan kung sinasanay mo ang iyong mga kalakasan, sa patuloy na pagyabong, na ang buhay ay palaging may pagbabago, nakabukas ang isipan at nakahandang tanggapin ang katotohanan. Isang magandang libangan ang tamasahin ang kasiyahan sa bawa’t bagong karanasan. Ang huminto ay nangangahulugan ng simpleng pagpatay sa sarili nang dahan-dahan. Ang kamalian ng sangkatauhan ay magtalaga ng makakamtang hangganan, para saan ba ang kalangitan kung hindi mo naman ito mahahawakan.
   Lahat tayo ay nagnanasang maging mapayapa at lumigaya, hindi lamang ang ibuhos ang lahat nating mga kalakasan sa pagtatrabaho, pagdamay at paglilingkod, kundi ang maglaan ng sadyang panahon para maglibang at magpakasaya. Paminsaan-minsan habang naglalakbay patungo sa iyong destinasyon, huminto saglit at pumitas ng bulaklak sa tabing daan, at samyuin ito, langhapin at tamasahin ang bawa't sandali. Sapagkat ang paglalakbay ang mahalaga hindi ang destinasyon. Sakalimang marating mo ang iyong hinahanap, bonus na lamang ito. At kung hindi naman, kahit papaano naging masaya ka sa panahon ng iyong paglalakbay.
   Alam mo ba? …na ang tagumpay na nasa matayog at ulirang antas, ay batay sa kapayapaan ng isipan at sa paglasap ng kaligayahan. Ito ay matatagpuan sa trabaho na habang ginagawa mo ay nalilibang ka at tahasang kasiyahan mo na ang gawin ito. Anumang pasahod o kitain mo mula dito ay bonus na lamang.

Magtiwala Muna



Magmahal sa lahat, magtiwala sa iilan, at huwag makapanakit 
kahit kaninuman.

Ang hindi makapagpasiya ay malubha pa kaysa maling kapasiyahan. Hindi ka yayabong o uunlad kung wala kang pagtitiwala sa iyong kakayahan. Hindi ko magagawang magtiwala sa mga tao na walang pagmamahal sa kanilang mga sarili, at may kakayahan pang bigkasin sa iyo na, “Minamahal kita.” May kawikaan tayo na, “Mag-ingat kapag may isang nakahubad na tao na nag-aalay sa iyo ng damit.”
   Ang panimula ng pag-ibig ay ang kamalayan na hayaan at pagkatiwalaan natin ang ating mga minamahal na maging likas kung sinuman sila, ang resolusyon ay hindi ang pilipitin sila na mahubog at gayahin kung ano ang ating imahe, istilo ng pamumuhay, at mga paniniwala. Sakali mang minamahal natin sila, ito ay hindi pagmamahal kung sinuman sila, kundi ang kanilang potensiyal lamang na makawangki natin sila, kung gayon hindi natin sila minamahal: ang katotohanan; minamahal lamang natin ang repleksiyon ng ating mga sarili na nakikita natin sa kanila.
   Walang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa susunod na mga sandali, dahil ang buhay ay walang katiyakan, ngunit patuloy tayong sumusulong, sapagkat nagtitiwala tayo. Sapagkat mayroon tayong pananalig. Ang totoo kahit ipikit natin ang ating mga mata, may kakaiba tayong nadarama. Kung minsan ay hindi mo papaniwalaan ang iyong nakikita, at kailangan mong paniwalaan ang iyong nadarama. At kung nais mong magkaroon ng mga tao na nagtitiwala sa iyo, kailangang madama mo na nagtitiwala ka din sa kanila—kahit na ikaw ay nasa dilim. Kahit na ikaw ay namimighati at walang masulingan.
   Ang pagkatiwalaan ay siyang pinakamatayog na papuri kaysa bilang minamahal. Sapagkat likas na sa atin ang magkamali; kung minsan nakakagawa tayo ng mga kapangahasan, mga bagay na mayroong masamang ibinubunga. Subalit hindi ito pamantayan na tayo ay sadyang masama, o hindi na maaari pang pagkatiwalaan matapos ito.
   Hindi ako nababalisa dahil nagsinungaling ka sa akin, ang bumabalisa sa akin ay magmula ngayon hindi ko na magagawa pang paniwalaan ka. Ang pagtitiwala ay katulad ng salamin, kapag ito ay nagkalamat ay hindi mo na maibabalik pa kaysa dati. Sa tuwinang makakaharap mo ang nakagawa ng kamalian, palagi mong makikita ang lamat nito. Magkagayon man, ang mainam na paraan upang matagpuan kung makakayang mong magtiwala pa ay ang magtiwala muna. At nababatay ito sa mapagkakatiwalaan, wala ng iba pa.