Monday, December 08, 2014

Higit na Makahulugan


Hindi ang iyong tinitignan ang mahalaga,
 kundi ang iyong nais na makita.
 Isang araw sa Bataan noon, nagpahayag ng paligsahan si Raha Magiting kung sino ang mahusay na mga pintor ang makapagpapaganda ng dekorasyon sa kanyang palasyo. Dalawang pangkat ang nagwagi sa paligsahan, taga-Balanga at taga-Orani.
   Bilang pagsubok sa kanilang mga kakayahan, ang dalawang pangkat ay inutusan ng Raha na magdekorasyon sa isang silid. Upang maiwasan na makita ng isang pangkat ang ginagawa ng kabilang pangkat sa kabilang dingding, pinalagyan ng Raha ng mahabang kurtina ang gitna ng magkatapat na dingding bilang tabing.
   Ang mga taga-Orani ay ibayong pinaganda ang kanilang pagpipinta, samantalang ang mga taga-Balanga naman ay inubos ang buong panahon sa pagpapakintab sa marmol na dingding. Hanggan sa dumating ang takdang araw upang alisin ng Raha ang kurtina at pagpasiyahan kung sino ang mapalad na nagwagi.
   Sa unang dingding na hinarap ng Raha ay humanga ito sa magandang obra-maestra ng mga taga-Orani. Subalit nang puntahan niya ang kabilang dingding ng mga taga-Balanga, namangha ito sa kanyang nasaksihan, napakakintab nito at mistulang salamin. Nakita ng Raha sa salamin sa kanyang likod ang magandang larawang ipininta ng mga taga-Orani--subalit ngayon sa pinakagitna nito ang kanyang sariling imahe.
   "Ito ang higit na mahusay," ang humahangang bigkas ng Raha. "ang mga taga-Balanga ay nakakaunawa kung papaano mapalabas ang kaibahan na nakatago sa ating puso para ito ay lantarang mabigyan ng linaw at mabigkas."


Sunday, December 07, 2014

Kaibigan Ka nga Ba?

Ang mga kataga ay madaling bigkasin tulad ng hangin, 
ang matalik na kaibigan ay mahirap hanapin.
Papaano ba natin makikilala ang isang kaibigan? Lalo na kapag ito ay may katuwang na 'matalik.' Ano ba talaga ang kahulugan nito para sa atin? 
   "Kaibigan ko siya," ang paliwanag ng isa. "Bakit naging kaibigan mo siya?" ang tanong naman ng nakarinig. "Nakasabay ko siya sa biyahe at matagal kaming nagkuwentuhan," ang tugon nito.
   Marami sa atin ang madalas na banggitin ang katagang kaibigan, gayong itaas man ang kanang kamay at bilangin ang ating limang daliri, hindi lalampas ito kung ilan ang tunay na kaibigan na kinalulugdan natin sa buhay.
Hindi kaya namamali lamang tayo?
   Sapagkat, iisa lamang ang ating laging binibigkas, ang taguri na 'kaibigan. "Frens kami noon pa sa pesbok," ang pahayag ng iba. Marami tayong maitatawag para dito. Bakit hindi ang mga ito: kausap, kakilala, kasama, katuwang, kapanalig, kaklase, kauri, kasangga, kabagang, kasabay, katulong,  kalukob, katipan, kawaksi, kasambahay, katangkilik, kasanib, kabiruan, kalaro, kapiling, kaulayaw, katalik, kapitbahay, kalaguyo, kababayan, kasangguni, kaanib, kapisan, kapalad, katuwaan, kabit, kasabay, kausap, katabi, kaisahan, kalakbay, kakutsaba, kakampi at katakot-takot pang mga pang-ukol na katawagan sa uri ng pakikipag-kapwa.
   Subalit ito ang masaklap; palagi---kapag binabanggit at ipinakikilala ang isang tao, kadalasan ang ginagamit na kataga ay 'kaibigan.' Gayong 'sangkatutak' ang maaaring gamitin sa tamang kaurian ng relasyon. Ito ang nagpapahirap sa atin, hindi natin matiyak ang tunay sa huwad, ang katotohanan sa kababalaghan, ang balatkayo sa orihinal, at pagkilatis sa akmang katawagan. Lahat ay pawang kaibigan. Nakasama lamang sa ilang sandali, kaibigan na. Nabigyan lamang ng kaunting pansin, kaibigan na. Nakausap sa isang pook, kaibigan na. Nakilala sa paglalakbay, kaibigan na. Palatandaan lamang ito na hindi tayo maingat; kahalintulad ng isang patibong, inilalantad natin ang ating mga sarili upang tayo ay sakmalin. Palakaibigan tayo, at hindi mapili, kahit sino basta magiliw at may atensiyon sa atin, kaibigan na!
   Mababaw ang ating kaligayahan; kaya malimit, nagiging biktima tayo ng mga mapagsamantala at mga mandaraya. Sa kaunting pabalat-bunga, bumibigay tayo. Sa kababaan ng ating kalooban, marami ang nahuhumaling upang pakinabangan ang relasyong ito at tayo ay abusuhin. Ito ang sanhi, kung bakit nawawalan tayo ng pagtitiwala sa isa't-isa. Nalilito tayo sa nangyayari, gayong nagmumula ito mismo sa atin sa kawalan ng pag-iingat.
   Hangga't hindi natin nalalapatan ng wastong pangalan ang isang bagay, pangyayari, at relasyon, wala tayong katiyakan kung papaano ito haharapin, itatama, at pagpapasiyahan. Laging baka-sakali at bahala na ang ating mga pasiya. Walang itong direksiyon at sistema kung papaano makipagkilala at makipagrelasyon.
   Kung maaari lamang, pakitama nga natin ito. Sa susunod, gamitin naman natin yaong angkop sa tagpong kinasangkutan o pagkakakilala; isaayos ang paglalapat ng tamang taguri sa relasyon. Dahil kapag hindi natin ito binago, inililigaw nito ang ating kabatiran sa tunay na kahulugan ng katagang kaibigan.
Ano ba ang tamang kahulugan ng taguring kaibigan?
   Ang kaibigan ay isang tao na nagagawa kang maging matapat sa kanya, Hindi mo kailangan ang mangatwiran at magpaliwanag pa. Maging sa harapan at talikuran ay nakahanda siyang ipagtanggol ka. Walang pagkukunwari at panlabas na anyo ang inyong samahan. Nagagawa mong ilahad sa kanya, kahit na anuman ang tungkol sa iyo nang wala kang pinangangambahan. Hindi ito isang taksil na madali kang ipagkakanulo. Siya ang laging kumakalaban sa iyo, kapag namamali ka nang patutunguhan o naliligaw ng landas. At siya ang unang lumuluha at kakampi mo, kapag ikaw ay inaapi at talunan. Hindi ka nito pinagsasamantalahan, sa salapi, papuri, kalayawan, at anumang mga bagay na nauukol sa iyo, dahil may tiwala  ka sa kanya. Kinagigiliwan at ikinagagalak mo siya na laging kasama. Masaya ka, kapag siya ay iyong ipinagdiriwang. Ito ang mga katangiang hinahanap mo sa isang matalik na kaibigan, at ang pagiging matalik din ang isinusukli mo sa kanya.
   Ngayon, kapag wala ang mga katangiang ito sa nakilala mo, maaari bang gamitin ang ibang kataga at huwag ang palasak na taguring 'KAIBIGAN.' Kasi, nagiging katawa-tawa tayo sa paningin ng iba. At ang paggalang na pinahahalagahan natin ay kusang naglalaho.

Narito ang tatlong pamantayan sa uri ng kaibigan:
               Matalik na kaibigan;
Natatangi at espesyal  (mataas ang pagpapahalaga)- Laging magkasama, may damayan, magkatulad ang prinsipyo
                Malapit na kaibigan;
Itinatangi  (katamtaman ang pagpapahalaga) - Madaling kausap, kaisa sa hangarin, bihirang magkita
                Mataman na kaibigan;
May pagtatangi  (karaniwan ang pagpapahalaga) - Nananatiling kaibigan kahit matagal nang hindi nagkikita
   Habang gumugulang tayo, napapatunayan natin na hindi gaanong mahalaga ang maraming kaibigan o kakilala, ang higit na mahalaga sa lahat ay ang magkaroon ng tunay at mga matalik na kaibigan sa ating buhay.
   Bilang tunay na mga Pilipino, maging masinop tayo sa paggamit ng wastong kataga. Yaon lamang nararapat sa naganap na relasyon.

   Isa lamang itong pagmamalasakit, mula sa inyong kababayan.





Saturday, December 06, 2014

Tatlong Batayan

Nakagawian na ni Teresa ang dumaing sa tuwina, tulad ng umagang ito na may karaingan na naman siya sa kanyang ama. Wala siyang ganang pumasok sa kanyang trabaho, nahihirapan siya sa kanyang mga gawain at nais nang sumuko. Ayaw na niyang harapin pa ang mga ito sa dahilang kapag natapos niya ang isang problema sa trabaho niya, mayroon na namang itong bagong kasunod.
   “Papaano ba ito, Tatay? Tinatamad na akong pumasok sa trabaho ko ngayon, lagi na lamang may problema sa opisinang pinapasukan ko!” Ang pagmamaktol na pahayag nito sa ama.
   "Halika nga, at may ipapakita ako sa iyo," ang tugon nito sa anak. Ang kanyang ama na isang kusinero ay mahinahong isinama si Teresa sa kusina. Binuhusan ng tigkakalahating tubig ang tatlong kaldero sa kalan at pinaliyab ang apoy nang malakas. Nagsimula itong kumulo. Sa unang kaldero ay inihulog niya ang isang sariwang kamote, sa pangalawa ay isang sariwang itlog, at sa pangatlo ay dinurog na kapeng barako. Hinayaan ng ama na magpatuloy ang mga ito sa pagkulo, nang walang binibigkas na anumang salita.
   Ang anak ay nakatiim-bagang, kapansin-pansin na nayayamot, at nagtataka sa ginagawa ng ama. Matapos ang dalawampung minuto ay itinigil ng ama ang pag-apoy. Hinango ang kamote at inilagay sa isang platito. Ganito din ang ginawa sa itlog. At ibinuhos naman ang kape sa isang tasa. At saka hinarap ang anak at nagtanong, Ano ang iyong nakikita, anak ko?”

    “Eh, Kamote, itlog, at kape po!” Ang walang kagatol-gatol na tugon ni Teresa.
     “Halika, lumapit ka at hawakan mo ang kamote.” Ang utos ng ama sa anak. Nang damputin ni Teresa ang kamote ay napansin niyang malambot na ito. 
     “Kunin mo naman ang itlog at basagin.” Ang panibagong utos ng kanyang ama. At ginawa rin ito ni Teresa, subalit matigas na ito at nabasag lamang ang balat. Kaya inalis na lamang niya ang mga napirasong balat ng itlog at inilagay na muli sa platito.
   Inutusan siyang muli ng ama na higupin naman ang kape sa tasa. Napangiti si Teresa nang malanghap ang samyo ng kape at malasap ang lasa nito. At mabilis itong nagtanong, “Para saan ba ang pagtatanghal na ito, Tatay?”
   “Ito ang kasagutan sa mga hinaing at mga alinlangan mo, bawa’t isa dito ay naharap sa malinaw na pagsubok upang makilala ang tunay nilang mga katangian. Silang tatlo ay magkakatulad na pinakuluan sa tubig ngunit magkaiba ang kanilang mga kinalabasan.” 
Ang paliwanag ng ama:
   “Ang kamote dati ay malakas at matigas, subalit matapos na pakuluan sa tubig ay naging mahina at malambot. Ang itlog naman, dati ay madaling mabasag sa dahilang manipis lamang ang balat nito na bumabalot sa likido o katas na nasa loob. Subalit nang pakuluan sa tubig ay naging solido at matigas ang katas na nasa loob nito, ngunit nabasag naman ang balat. Samatalang ang nangyari sa kape ay naiiba at pambihira. Humalo ito at nagbigay na bango at lasa sa tubig. Bagama’t magkakatulad silang pinakuluan sa tubig, may katangitangi silang ginampanan sa tubig. Nakikilala sila kung ano ang kanilang mga katangian kapag nahaharap sa matinding init, panganib o problema. Ngayon, kanino sa tatlong ito ang katulad mo?” Ang tanong ng ama kay Teresa.

   “Kapag dumarating ang mga problema sa iyong buhay, papaano mo ito hinaharap? Ikaw ba ay kawangis ng matigas na kamote, ng babasaging itlog, o ng dinurog na kape? Ang pag-uulit na katanungan ng ama.
  Nagagalak at nakakaunawang tumugon si Teresa, Doon po ako sa kape, kahit durog ito ay nagawang magpalanghap at magpalasa sa tubig, kaysa sa kamote na matigas nga subalit naging malambot, at maging sa itlog din na nababasag ay tumigas lamang ngunit magkatulad na walang nagawang anuman sa tubig.”
-------
Ang mga balakid o problema na ating nakakaharap ay tulad lamang ng mga paghamon sa ating mga pakikibaka sa buhay. Nasa ating mga pagsusuri kung papaano natin ito malalapatan ng panglunas. At ito ang nagbibigay sa atin ng karanasan,  kalakasan, at katatagan na lalong magtagumpay sa buhay. Kung wala ang mga paghamong ito, kahalintulad natin ang tuyot na patpat na inaanod ng rumaragasang tubig kasabay ng panalanging huwag sanang mapahamak. Subalit hindi ganito ang kalakaran ng buhay, lahat ay dumaraan sa mga matitinding pagsubok at ibayong katatagan kung papano mo malalampasan ang mga ito. At ito ang nagpapatalino at nagpapahusay sa iyo na magkaroon ng ibayong pagtitiwala sa sarili upang magsumigasig pa at makamtan ang hinahangad na tagumpay.
   Sinuman sa atin ay hindi katungkulan na sisihin o idahilan ang lahat ng bagay na nangyayari sa atin, subalit mayroon tayong tungkulin sa kaparaanang gagawin kapag ito’y nangyayari sa atin. At dito tahasang nakikilala kung sino kang talaga at uri ng pananaw na sinusunod mo.

Tuesday, December 02, 2014

Saan Ka Ba Talaga Patungo?



Kung sa pagtudla, matamang nakatuon sa inaasinta; ganoon din ang matalino, kung paano niya sinusupil at itinutuon ang kaisipan tungo sa makabuluhang mga bagay.

Bihira sa atin ang nakakaalam ng mga pag-uugali tulad ng; tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Sila ang mga taong tinatapos ang maghapon na tulad nang dati, nang walang anumang kamalayan, at sa kinabukasan ay uuliting muli ito. Mistulang mga robot na de-susi. Kung walang trabaho, aligaga sa mga umpukan, pagbabad sa telebisyon, pakikinig ng mga alingawngaw sa radyo, at pakikialam sa buhay ng iba. Usisa doon at usisa dito. Siyete ang bansag nito. Doon naman sa may trabaho, papasok sa pabrika o opisina, gagampanan ang tungkulin, kakain sa tanghalian, balik muli sa tungkulin, pagdating ng hapon uuwi sa bahay, kakain ng hapunan, matutulog, at sa kinabukasan ay uuliting muli ang ritwal na ito. Kung walang pasok, ay katulad ng mga walang gawain o magawa, sila ay nasa mga aliwan, at kung anu-ano ang pinaglilibangan, basta makalimot at makatakas, kahit pansamantala man lamang sa kanilang kinasasadlakan.
   Mayroon silang hinahanap na hindi matagpuan, at nakikita nang walang tinitignan. Sila ay tahasang mga “tulog,” at kinakailangang “sampalin,” “yugyugin,” at “ilubog sa tubig,” nang magising. Gawin pa rin ang mga ito, sila ay nananatiling “nakatulala” pa rin at tila may inaapuhap sa isip na may milagrong magaganap anumang sandali. Naghihintay, nagbabaka-sakali, nagtititiis, umaasam, na kahit manawari sa dulo ng daan, ay may maglalawit ng kamay na hahango sa kanilang kalagayan. Nangangarap nang gising. Umaasa ng pagkaawa at pagsaklolo mula sa iba, maliban sa tulungan ang kanilang mga sarili.
   Kilala natin sila. Bahagi sila ng ating buhay. May nagpahayag, “Kung wala sila; wala ng maghuhukay ng mabahong kanal, magbibililad sa init ng araw sa maghapon, mangingisda, magtatanim, at magsisilbi para sa atin!” Ngunit ang sukli ko dito, maaari namang sumama sa parada at hindi laging nasa bangketa na lamang at nanonood at manatiling taga-palakpak. Sobra na at napakarami na nila sa ating bansa. Sa dami nila at pag-aagawan sa trabaho, ang ginagawa ng ating pamahalaan ay ipadala na lamang sila sa ibang bansa upang kumita at pakinabangan. Ganoon pa man, patuloy ang mga pakikibaka sa ating lipunan. Sa isang karaniwang trabaho na mabakante sa atin, nakapila ang napakaraming nagnanasa na makuha ito. At kahit na katiting at hindi tama ang sinasahod, at kahit patuloy na pinagsasamantalahan, ay pikit-matang pinagtitiisan ito basta makaraos na lamang sa buhay. 
   Patuloy ang pagtataas ng mga bilihin, gasolina, matrikula sa eskuwela, mga bilihin, atbp. Maliban sa pasahod, na tila sinasadya ng mga negosyante at ng pamahalaan na lalong paramihin ang mga manggagawa, mga katulong at tagapagsilbi sa ating lipunan. Lalong lumalawak ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap. Ang mayayaman umuunti, ngunit lalong yumayaman. Ang mahihirap dumarami, subalit lalong naghihirap. At habang nagpapatuloy ito, sadyang pa ring nahihimbing sa matinding pagkatulog ang marami nating kababayan.  Ito nga ba ang tamang direksiyon? Bakit nangyayari ito sa atin?

Simpleng mga kasagutan lamang
1. Hindi nila alam kung ano ang tunay na nais nila sa buhay, kaya, kung anuman ang kinasadlakan nila, “basta makaraos, ayos na!” “Basta, may ‘konting bubong at pirasong tabing, puwede na.” Kahit na tutong, basta may asin, puwede nang laman sa tiyan!” “Makukuha na ‘yan sa patapal-tapal!” 
2. Nag-ugat at kinalyo na ang kanilang mga kaisipan sa mga panandaliang panglunas na ito, na anumang kahirapan at kapighatian ay may dagliang kalunasan – ang maglibang ng mga walang kabuluhang panoorin at mga talakayan. Hindi kataka-taka na ang media (pelikula, telebisyon, radyo, at pahayagan) ay laging laman at pinangangalandakan ang mga ito. At sa paghalal naman ng mga opisyal sa ating pamahalaan, yaong mga komedyante, taga-aliw, iniidolo, mahihilig sa drama, at pogi points, ang kanilang iniluluklok sa mahahalagang tungkulin. At ito ang uri ng pamahalaan na ginagawa silang "Maid in the Philippines" at hindi "Made in the Philippines." 
3. Hindi nila alam kung papaano ang tunay na kasiyahan. Walang kamalayan sa mga bagay na nagpapanatili ng kasiyahan at humahantong sa kaligayahan. Kailangan pa nilang hanapin ito sa labas ng kanilang mga sarili upang matighaw ang kanilang pagkauhaw sa lahat ng sandali. 
4. Hindi nila kailanman natutuhan ang “pamamaraan o sistema” kung papaano magkamalay at mabatid ang katotohanan. Kung saan ang tamang landas na itutuon ang kanilang pansin at pag-ibayuhin itong tahakin. Ang alamin kung ano ang higit na mahalagang mga bagay kaysa walang mga katuturang mga bagay. Kaunlaran kaysa Kahirapan. Kasaganaan kaysa Kasalatan. Kaligayahan kaysa Kapighatian.
5. Pumayag at tinanggap na nila; na minana nila ang kanilang kahirapan mula sa kanilang angkan at bahagi ito ng kanilang kapalaran, na ang mga pasakit at pagdarahop ay palagi nilang kapiling sa araw-araw. 
6. Ang paniniwala na ang kanilang kapaligiran at mga pangyayari ang kumukontrol sa kanilang buhay, kaysa sila ang kumukontrol dito.

Walang pag-aalinlangan, sila ay mga tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Ito din ba ang direksiyong tinatahak mo sa ngayon? Pansinin ang kalagayan mo ngayon sa buhay, masaya ka ba? Nakamit mo na ba ang mga pangarap mo sa buhay?

Kung hindi pa, Gumising ka naman bago mahuli pa ang lahat!