Simulan nang mabuhay na may inspirasyon . . .
Magmula na ngayon!
Kahit man
lamang sa araw na ito, pagpasiyahan na maging masaya at gawing
kawiliwili na kapiling ang mga mahal sa buhay, at tamasahin ang anumang
bagay na nasa iyo. Sakaliman na hindi mo makamit ang iyong ninanasa,
maaari namang maibigan mo ang anumang mayroon ka. Sa araw na ito ngayon,
pagpasiyahan na maging mabuti, masigla, mapagpasalamat, umuunawa at
sumasang-ayon. Gawin ang lahat sa abot ng makakaya, mahinahong
magsalita, umasam, purihin at pahalagahan ang iba.
Subukan ang mga ito, at madali na ang
susunod . . . ito naman ay sa loob lamang ng isang araw. Maganda itong
panimula kung magagawa sa araw-araw ng ating buhay. Walang makakaalam. Malay mo, maiibigan mo palang gawin ito sa tuwina at maging ritwal na ng iyong buhay. Sapagkat ito ang sikreto ng mabuting relasyon.
Ang buhay ay maaaring masalimoot,
subalit ang kasiyahan… ay napakasimple lamang. Mismo tayo ang lumilikha
kung bakit ito ay nagiging kumplikado. Nasa ating mga kamay ang
ikakatiwasay ng ating pamumuhay. Sa pagtahak sa panibagong landas,
huwag nating kalimutan na magdala sa ating lukbutan ng mga kawikaang
nagsisilbing gabay sa ating paglalakbay, na may ngiti sa ating mukha, at
marubdob na pagmamahal sa ating mga puso. Ito ang mga pangunahing
probisyon na kailangan natin habang tayo’y naglalakbay sa matuwid na
landas ng buhay.
Sa mga bagabag, mga pagkondena, mga
kapighatian, at mga panghihinayang sa buhay, kailangan natin ng mga
kalasag na nagdudulot ng inspirasyon upang maibalik tayo sa pook na
marapat ay narooon tayo… muling bigyan ng panibagong direksiyon ang
ating mga sarili sa kung ano ang mahalaga at tamang prioridad sa buhay.
Ang mga kawikaang narito ay mataman kong inipon, sinala, at isinaayos
nang naayon sa ating kamulatang Pilipino. Kung bibigyan ng kaukulang
pagpapahalaga, isa itong dalisay na sibol ng inspirasyon! Na
sa ilang sandali ay magdudulot ng matiwasay na ngiti sa iyong mukha, at
kasiglahan sa iyong puso na kung saan higit mo itong kailangan.
Mahalagang Pakikipag-kapwa
Hanapin ang
iyong kaligayahan, at… Ibahagi ito sa iba. Ang kaligayahan ay mistulang
tanglaw na nagbibigay ng Pag-asa, Pananalig, at Pagmamahal.
Ihayag sa mga
tao na kailangan mo sila. Kung minsan, ang pinakamabuting kamay na
tumutulong ay isang maayos, at matatag na pagtulak. Manatiling may
pagtitiwala sa kapwa, at laging may gantimpalang darating para sa iyo.
Huwag
maliitin ang kapangyarihan ng pagtitiwala sa iba. Hindi lahat ay may
kakayahang gampanan ang iyong hinahangad, ngunit may iba na kailangang
pag-ukulan ng panahon. Sila ang iyong mga kapanalig, maging mapagtimpi
at umuunawa at ang inyong mga pagsasama ay patuloy na yayabong.
Ang mga bagay
lamang na nagiging balakid sa pagitan ng isang tao at kung ano ang nais
niya sa kanyang buhay ay ang determinasyon na subukang gawin ito, at
ang pananalig na paniwalaan itong mangyayari. Kung walang tiyaga, walang
nilaga.
Tamasahin ang
mga mumunting mga bagay, sapagkat sa isang araw, sakalimang lingunin mo
ang mga ito ay mapapatunayan na ang mga ito pala’y mga malalaking
bagay.
Panatilihing
nakaharap sa silahis ng araw upang hindi mo makita ang mga anino.
Sapagkat ang nakalipas, laluna’t masaklap ito ay hindi na kailangan pang
sariwain. Ituon ang pagmasid sa kasalukuyan at magagawa mong likhain na
ang iyong kinabukasan.
Maglingkod sa
iba kung ano ang hindi nila magawa para sa kanilang sarili. Isa itong
napakagandang kabayaran sa buhay…na walang tao na matapat na tumutulong
sa iba nang hindi niya natutulungan ang kanyang sarili. Ang pusong
mapagbigay, ay umaani.
Hanapin ang
susi sa kanilang mga puso. Bawa’t isa atin ay naghahangad ng
pagpapahalaga, pagpuri at atensiyon. Ang mahinahong mga pananalita ay
maikli at madaling bigkasin, ngunit ang mga alingawngaw nito’y wagas at
walang katapusan.
Baguhin mo
ang iyong iniisip, binibigkas, at ginagawa, at ang iyong daigdig ay
kusang magbabago. Anuman na iyong pinaniniwalan ay nililikha ang iyong
kapalaran.
Pag-ukulan ng
ibayong pansin ang iyong pananalapi. Alamin ang ginugugol kaysa
kinikita, at maglaan ng tama at istriktong badyet. Huwag sisihin ang
sarili, bagama’t magagamit mo itong motibasyon na manatili sa tamang
prioridad at pagkakagastusang mga pangangailangan sa buhay.
Kung hindi ka
titindig at ipaglalaban ang iyong karapatan. Madali kang maaakit ng
anumang bagay. Dahil kahit na ikaw ay nasa tamang daan, ikaw ay
masasagasaan kung nakaupo ka lamang at walang pakialam.
Ang
pinakamahalagang mga bagay sa buhay ay hindi ang mga materyal na bagay.
Ang kaligayahan ay wala sa mga ito, naroon ito sa kaibuturan ng ating
mga puso. Ang mga bagay na hindi nakikita subalit siyang nadarama ang
siyang pinakamahalaga.
Ang
pangangarap at imahinasyon ang siyang pinakamataas na saranggolang
mapapalipad ng isang tao. Kung wala kang pangarap, mistula kang tuyot na
patpat na inaanod ng rumaragasang agos.
Ang pagbabago
ay laging dumarating sa iyo na nakakubli at mistulang mga regalo. Nasa
iyong pagtalima lamang kung anong pagsalubong ang iyong gagawin. At dito
nakasalalay at siyang magbabadya ng iyong kapalaran.
Pakamahalin
mo ang iyong mga anak, sapagkat sila ang aakay at magpapasiya sa iyong
pagtanda kung saang bahay ampunan ka ilalagak. Upang pahalagahan ka
nila, mahalin mo ang kanilang ina, sapagkat ito ang batayan na minamahal
mo sila.
Pasiklabin
ang iyong ningning sa anumang gawaing iyong kinahaharap nang walang
pagmamaliw. Simulan ang lahat nang may kasiglahan at ang lahat ay
magiging madali na lamang.
Walang
pagsasalat, kinakapos lamang ng kakayahang tumanggap. Hangga't umiiral
ang kapalaluan ang mga pagkakataon ay kusang lumilisan.
Nasa iyong
pagpili, hindi sa pagkakataon ---ang magbabadya ng iyong tadhana.
Anumang kalagayan o antas ang mayroon ka ngayon, lahat ng mga ito’y
naganap mula sa iyong kapasiyahang pumili kung ano ang nararapat sa iyo.
Walang mga
problema sa buhay, bagkus mga paghamon at mga pagkakataon upang
masubukan ang iyong kakayahan kung may karapatan kang magtagumpay.
Sapagkat hangga't hindi mo nalalagpasan ang mga pagsubok, mananatili
kang gumagapang at nakasubsob.
Kung minsan
kung walang pagbabagong magaganap, hindi natin matutunghayan ang tama at
totoong direksiyon ng ating buhay. Mistula tayong nahuli sa isang
patibong at tinatanggap na lamang kung anong kapalaran ang ipagkaloob sa
atin.
Ang pinakamahalagang sermon ay ipinamumuhay, hindi ipinapangaral. Isa itong halimbawa kung tutularan o iiwasan ka ng iba.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment