Saturday, September 29, 2018

Mahalin Muna ang Sarili

Ang pagngiti, ay isang kasiyahan, at ang pagtawa o mga katatawanan ay mahalaga sa akin. Kinawiwilihan ko ang mga bungisngisan. Kaya itinalaga ko na ang aking sarili na maging masaya sa tuwina. Wala na akong panahon sa mga kadahilanan, kapighatian, at masasalimoot ng mga bagay. Ang maging masaya, matapat at mapagkakatiwalaan ay malalaking bagay at napakahalaga para sa akin. Upang magkaroon ng matapat na pagkakaibigan, kailangan kong maging matapat na kaibigan sa aking sarili. Upang ako’y pagkatiwalaan, kailangan kong magtiwala sa iba. Kung nais kong mahalin ako, kailangan munang mahalin ko ang aking sarili, sapagkat hindi ko magagawang ipagkaloob ang anumang bagay na wala sa akin.

Ngayon, kailangang maging ikaw kung ano ang iyong nais na maganap sa iyo.
 
Kung ibig mo ng pagmamahal, maging mapagmahal ka.
Kung ibig mo ng kapayapaan, maging mapayapa ka.
Kung ibig mong maging masaya, maging tagapagpasaya ka.
Kung ibig mong maging pambihira, maging kakaiba ka sa karamihan.
Kung ibig mong laging makipagsapalaran, manatiling bukas ang iyong isipan.
Kung ibig mo ng tagumpay, manatiling naglilingkod sa kapwa.
Kung ibig mo ng kaligayahan, apuhapin mo ito sa kaibuturan ng iyong puso.

. . . at kung magagampanan mo ang mga ito …at maging gising at handa sa tuwina sa mga himalang magaganap sa iyong buhay, ang kaligayahan ay lalaging sasaiyo.

   Laging tandaan na may dalawang uri ng tao sa mundong ito---ang makatotohanan at mapangarapin. Ang mga makatotohanan ay alam kung saan sila patutungo. Ang mapangarapin ay nanggaling na dito. Anuman ang iyong iniisip, tiyakin lamang na ito nga ang iyong iniisip; anuman ang iyong ninanais, tiyakin lamang na ito nga ang iyong ninanasa; at anuman ang iyong nadarama, tiyakin lamang na ito nga ang iyong nadarama. Sapagkat hindi lahat ng iyong iniisip ay dapat mong paniwalaan.

Mga Tagubilin Upang Magtagumpay

Maniwala habang naghihinala ang iba.
Magplano habang naglalaro at nasa libangan ang iba.
Mag-aral habang natutulog ang iba.
Magpasiya habang nagbabalam ang iba.
Maghanda habang nangangarap ang iba.
Magsimula habang lumiliban ang iba.
Gumawa habang naghihintay ang iba.
Mag-impok habang nag-aaksaya ang iba.
Makinig habang nagsasalita ang kaharap.
Ngumiti habang nakasimangot ang iba.
Pumuri habang pumupuna ang iba.
Magsikhay habang umaayaw ang iba.
Magmahal habang nagagalit ang iba.
Magpatawad habang nanggagalaiti ang iba na makaganti.
Tumulong habang may nangangailangan.
Maging masigla at masaya sapagkat ito ang susi ng tagumpay!
...at upang ito'y magkaroon ng kalakasan at maging katotohanan, lakipan ng pasyon o simbuyo ng damdamin. 

Ang tagumpay ay hindi siyang susi sa kaligayahan. Ang kaligayahan ang siyang susi sa tagumpay. Kung naiibigan mo at nasisiyahan ka sa iyong ginagawa o trabaho, ikaw ay tahasang magtatagumpay.

Mataos nating dinarasal na nawa’y tahakin ng sangkatauhan ang landas ng pakikipagkaibigan at kapayapaan ... at tuluyan nang sugpuin at iwasan ang mga karahasan at mga kabuktutan. Matuto nating tanggapin na tayo ay magkakapatid, magawang malansag at lagpasan ang mga kahatulan, mga pagtuligsa, mga mapanirang kondisyon, at mga balakid na humahadlang sa ating pagkakaisa tungo sa maaliwalas na pamayanan. 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment