Nagkataon lamang po na dito sa aming lalawigan ng Bataan,
palasak na ang ganitong mga kataga. Nagagawa pa ng marami sa amin ang
tumula ng magkakatugma sa huli, sa tuwing may mga pagdiriwang, sa mga
umpukan, at lalo na kapag may lamayan. Nais ko lamang na ipabatid ito sa
lahat, at makapagdagdag kaalaman sa ating wikang Pilipino. Sapagkat sa
maraming ugnayan at talakayan na aking naranasan, malimit na itinatanong
ko ang mga natatanging kataga na ito na bihira ko na ring naririnig
kapag ako'y nasa Kalakhang Maynila, mga lalawigan ng Bulacan, Laguna,
Cavite, Batangas, Rizal, Quezon, Mindoro, at sa marami pang mga pook ng
katagalugan, at maging sa pagbabasa ng mga magasin at mga pahayagan, ay
bihira kong masumpungan, kadalasa'y Taglish at Englog
na pinaghalo. Kaya nga sinasadya kong dinaragdagan ng mga palabok at
palaman na paulit-ulit, pinaliligoy-ligoy ang aking mga sinusulat, sa
pagnanais na mapanumbalik ang kabatiran ng mga ito.
Halimbawa, nasaksihan at narining ko ang mga ito:
Mula sa isang nerd na baget; "i-surrender sana ang brother niya at may reward pa siya."
sa pahayagan; "isinorinder si Tibo ng kanyang brad kaya nagkariward ito."
sa radyo: "At dis poynt, sumurinder na si Tibo at ang riward ay idinistribiyut sa mga polis."
sa telebisyon; "Arestado na si Tibo at ang rewad ay na-recieved ng brother niya."
Subukang magbasa ng pahayagan sa Pilipino at makinig sa telebisyon at radyo at mapatutunayan ninyo ang mga ito.
Narito ang mga pagsasalin ng mga nasa itaas:
Isuko sana ang kapatid niya at may gantimpala pa siya.
Isinuko si Tibo ng kanyang kapatid kaya nagkagantimpala ito.
Sa puntong(tagpong) ito, sumuko na si Tibo at ang gantimpala ay ipinamahagi sa mga pulis.
Nahuli na si Tibo, at ang gantimpala ay tinanggap ng kanyang kapatid.
Narito naman ang mga katagang Bataan (kagyat na naisip sa sumandaling ito):
pusali at burak karimlan at kawalan pangitain at guni-guni
tampisaw at paglunoy himatong at pahapyaw balintuna at atubili
tumana at palispisan tandos at tudling sambit at pasaring
baga at alipato tampalasan at tulisan sumisikdo at sumusulak
dakdak at panunton bulay-bulay at kuro-kuro alibadbad at alimoom
talipandas at haliparot alibugha at timawa salipawpaw at panginorin
halaghag at haragan kasigwaan at daluyong hagulgol at hagikgik
balibag at pukol dukwang at hablot dunggol at saklit
gulamot at dalirot umigsaw at gulantang lamukot at hilatsa
alingasaw at halimuyak tingaro at tamimi sakbibi at alimpuyo
alimura at uyam dalumat at sapantaha sinok at tighaw
bulagaw at pusyaw simi at basaysay halinghing at singasing
taliptip at pukto palatak at kalantog alumpihit at salampak
tambaw at alulong siha at siwang maimbot at sakim
bulagaw at pusyaw simi at basaysay halinghing at singasing
taliptip at pukto palatak at kalantog alumpihit at salampak
tambaw at alulong siha at siwang maimbot at sakim
Ang matindi dito at ayaw maiparinig lalo na sa Bataan, ay ang pandaiwang. Dahil kaakibat nito ang mga pandidiri, masangsang, paninikit at dulas, na nagtatapos sa kataga ng pagiging salaula, ito naman ay kung nakaligtaan mong gamitin ito.
Mula sa Batanes ng Hilagang Luzon hanggang sa Sulu
ng Katimugang Mindanaw, bata at matanda ay nakapagsasalita na ng ating
sariling wikang Pilipino. Bagama't ito'y hango sa Tagalog, marami na ang
naidagdag mula sa iba't-ibang wika ng ating kapuluan. Sa pagsasanib ng
ating mga katutubong wika, mapapabilis natin ang pag-unlad at paglaganap
ng tunay na sariling wika natin. Taas noo nating mahaharap sinuman, saan mang mga ugnayan at mga talakayan.
At bukas po ang pintuan dito sa inyong mga ambag kabatiran. Magtulungan po tayo.
No comments:
Post a Comment