Kung may nais ka …kumilos
ka. Kung binabasa mo ito, ... salamat naman at
buhay ka pa, dahil may pag-asa pang nananatili sa iyo kaya ka nagbabasa nito. Ang totoo,
tatlong bagay lamang ang kailangan mo sa paglalakbay na ito ng buhay: mayroon
kang iniibig; mayroon kang ginagawa, at mayroon kang inaasam. Ang mga ito
lamang at wala nang iba pa.
Kung papansinin lamang nang maigi; ang mga
ibinabalita sa mga pahayagan, sa telebisyon at maging sa radyo, nangingibabaw
ang mga negatibong pahayag 9tulad ng sa pahayagan, radyo at telebisyon); pawang mga kabuktutan, mga karahasan, mga
kalupitan, at mga kalagiman. Bihira ang mga positibong gawa at bayanihan ng
mga tao para sa kanilang kabutihan at kapakanan. Subalit sa ganang akin,
patuloy pa rin akong umaasam na sa likod ng mga kapighatiang ito, mayroon pa
ring mga busilak ang puso na gumagawa ng malaking kaibahan sa ating lipunan.
Himig nga ni John Lennon sa kanyang awitin
na ‘Imagine’ “You may say I'm a dreamer,
but I'm not the only one. I hope someday you'll join us. And the world will
live as one.”
Ang pag-asam
ay positibong pag-asa na nagbibigay sa iyo ng kabatiran na kahit na ikaw ay nahaharap sa
mabigat na pagsubok, ay may kakayahan kang lunasan ito at mapagtagumpayan. Ang
mainam na magagawa mo sa iyong buhay ay masinsinang limiin kung ano ang inaasam mo. At ang pinakamahalagang
pagkilos para dito ay alamin mo iyong mga naisin na isinisigaw ng iyong puso.
Hindi ang maging bingi sa munting tinig na bumubulong sa iyo, at hindi upang
sikilin at tuluyang ibilanggo ito, kundi ang alpasan at isagawa nang puspusan
ang ninanais nitong maganap sa iyo.
Alam mo ba? …na ang
ginagawa mong mga bagay para sa iyong sarili ay maglalaho kapag ikaw ay lumisan
na sa mundong ito, pati nga totpik hindi mo madadala. Subalit ito ang pakatandaan mo, lahat ng mga bagay na
ginagawa mo para sa iba ay mananatili bilang pagkilala at iyong maiiwanang pamana para sa kanila.
Huwag umasa at maghintay, bagkus ay umasam. Pagpalain siya na walang anumang inaasahan,
dahil kailanman hindi siya masisiphayo. Napansin
mo rin ba? … na sa madidilim na kalangitan doon mo makikita ang
pinaka-maliliwanag at maririkit na mga bituin. Ang daan na itinayo at
pinagtibay ng pag-asam ay higit na kalugod-lugod sa isang manlalakbay kaysa
landas na binuo ng mga panaghoy at mga karaingan, kahit na parehong daan at
patungo sa iisang destinasyon.
Kahit
na anumang balakid at paghihirap ang masumpungan, gaano man ang
kapighatiang nararanasan, kung mawawala ang ating pag-asa, ang ating mga
inaasam, ito ang tunay na kawakasan nating lahat. At lalo namang
nakakabagabag, kapag natutuhan na ang kawalan ng kakanyahan, o sa
madaling salita, naperpekto na ang katamaran at basta makaraos na lamang sa buhay.
Umaasam pa rin
AKO
“Yesterday is history, tomorrow is a mystery, today is a gift, which is
why we call it the present.”
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment