Thursday, January 25, 2018

Kahulugan ng "Namaste"



Mahal kita maging sinuman ka man.
Dahil AKO ay ikaw, at ikaw ay AKO.

Sa pagbigkas ng katagang Namaste! -nabibigyan nito ng malalim na pagpapahalaga at paggalang ang pagkatao ng kaharap. Kultura ito ng mga Hindu sa Indiya tuwing may dumarating at umaalis; parehong nakadaop ang mga palad na nakadikit sa dibdib at yumuyukod na magkaharap. Isang paniniwala na mayroong Banal na nagniningas sa kaibuturan ng bawat isa sa atin; ang pakikipag-isa ng kaluluwa sa kaluluwa.
Ang kahulugan nito ay;
   “Aking pinapahalagahan ang nasa kaibuturan mo na kung saan ang buong sansinukob ay naninirahan. Dinadakila ko ang nasa kalooban mong liwanag, pag-ibig, katotohanan, kapayapaan, at kawatasan.’
   Mapitagan kong pinahahalagahan ang Kabanalan na nasa kaibuturan mo.
   Mapakumbaba kong iginagalang ang iyong mga likas na katangian.
   Kinikilala ko ang iyong mga mahusay na kakayahan.sa iyong mga gawâ.
   at Nagpupugay ako sa pambihira mong pagkatao at natatanging kahalagahan.”
Makikita din ang kaugaliang ito sa mga Hapon at Koreano. May nahahawig ito sa ating kultura; ang pagmamano sa matatanda, isang uri din ng paggalang kung dumarating at umaalis, ngunit unti-unting nawawala na ito at bihira na nating makita maging sa mga lalawigan. Sa panahon ngayon, tuluyan nang nahawa tayo sa mga kulturang kanluran. Pati na ang pantawag na tiya, tiyo, manong, kuya, ate, sangko, dite, ay kumukupas na rin at lalo na ang pamumupo. Bagamat magkakaiba ang gulang, may bata at matanda, sa mga relasyon ay wala nang galangan. Huwag pagtakhan kung karaniwan na ang mga alitan, mga pagtatalo, at hiwalayan sa pamilya.
   Tuluyan nga bang nakakalimot na tayo? Magkagayunman, …
Nagpupugay AKO at bumabati ng Pagpapahalaga, Pagkilala, at Pagkakaisa sa Iyo.
 

No comments:

Post a Comment