Gawin Kaagad!
Makatwirang gawin kaagad upang
ang pangarap ay matupad.
Kapag
nakatanggap ka ng regalo na nasa kahon, masigla mo itong binubuksan at umaasa na may kabutihan itong maidudulot sa iyo. At kung hawak mo na ito,
kasiyahan at pasasalamat ang madarama mo. Isang magiliw na pasasalamat na maiparating ang
kagalakang ito sa nagpadala. Subalit hindi natin makayang gawin ito sa sarili nating
buhay gayong isang regalo ang buhay na ipinagkaloob sa atin. At masaklap pa
nito; hindi natin magawang magpasalamat sa araw-araw kung bakit patuloy tayong
nagigising tuwing umaga.
Ang buhay ay maikli; anumang sandali,
sa isang pitik o kisapmata, ito ay matatapos. Ipinahiram at panandalian lamang
ito sa atin, ...at may nakatakdang katapusan. Kung mapagkumbaba, tumatanggap tayo ng
pagpapala, kung mapag-mataas, balasubas ang labas. Katulad ng silahis ng araw na tumatagos sa salamin, habang nagliliwanag
ang pagsilay ng araw, lumilinaw ang salamin hanggang hindi na makita pa ito, at
ang higit na nakikita ay ang liwanag ng araw. Subalit kung mapagmataas, pinalalabo
ng mga alikabok at dumi ang salamin, at ang araw ay tinatabingan ng madilim na
ulap.
Bilang tao; saanmang
pamayanan, tayo ay bahagi ng sangkatauhan, walang nabuhay na nag-iisa. Nararanasan
lamang natin ang ating mga sarili kapag nakaugnay sa iba. Ang ating mga
kaisipan at mga nadarama, kailanman ay nakakabit at hindi humihiwalay sa iba. Dahil sa koneksiyong ito, bawat
bagay na may buhay ay magkakaugnay. Ang hangin na labas-masok sa mga
katawan natin ay siyang ding hininga na nagbibigay buhay sa ating lahat.
Isang katotohanan na ang hapdi ng kalingkingan ay kirot sa buong
katawan. Sinuman ang napabayaan at hindi tinulungan, lahat ay apektado
sa pangkalahatan dahil sa kasalanang ito. Sa lipunan na walang kapwa-tao, ang kabuktutan, kahirapan, at kapighatian ay siyang kaganapan. Umiiral lamang ang mga kasamaan kapag wala nang natirang kabutihan.
Tungkulin natin na palayain ang
ating mga sarili sa bilangguang makasarili na patuloy nating nililikha. Sa
halip ay palawakin ang sirkulo ng pagmamalasakit at yakapin ang lahat ng may
buhay at kagandahan ng kalikasan. Ang maging makatao ay hindi nasusukat kung
gaano karami ang ating mga nagawa, kundi kung gaanong pagmamahal ang ating
ibinuhos para magawa ito.
Ang mabisang paraan na matagpuan ang iyong sarili ay iwaglit ito sa
paglilingkod sa iba.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment